Friday, November 28, 2014

PEYSBUK

           

          Masaya si Marlon na makita ang mga larawang ipinost ng kanyang nanay sa Facebook. Ito kasi ang laruan na ireregalo sa kanya sa kanyang kaarawan. Si Batman ito. Sa ibang bansa nagtatrabaho ang kanyang nanay kaya’t madalas internet ang ginagamit nilang paraan ng pag-uusap. Subalit ang saya na kanyang naramdaman ay panandalian lamang. Mas nanaisin niya pa ring makapiling ang kanyang nanay kumpara sa mga gamit na ipinapadala nito.
          Pagpasok sa eskwelahan ay ibinida ni Marlon sa kaklase niyang si Ben ang laruang Batman na kanyang matatanggap. Ito kasi ang paborito niyang superhero.
          “Sobrang ganda ng matatanggap kong Batman” sabi ni Marlon. “Tsaka imported ‘yon kaya siguradong mahal ang bili ng nanay ko doon”
          “Talaga? Bakit mayaman ba ang nanay mo?” tanong ni Ben.
          “Hindi naman pero nagtatrabaho siya sa ibang bansa
          “Eh paano mo nakita yung laruan?”
          “Pinakita niya sakin sa Skype at sa Facebook”
          “Talaga, may Facebook ka rin pala? Hindi pa tayo friends ah”
          “Laro tayong Dota mamaya pagkatapos ng klase tapos ia-add kita”
           Matapos ang kanilang klase ay dumiretso sila sa internet café na isang kanto lamang ang layo mula doon. Malapit lamang ang kanilang mga bahay sa paaralan kaya’t pareho silang hindi na sinusundo. Nalibang sila sa paglalaro ng Dota kaya’t nalimutan nila ang tungkol sa Facebook. Naalala lamang nila ito nang ilang minuto na lamang ang nalalabi sa kanilang oras. Mabuti na lamang at na-add pa nila ang isa’t isa. Bigla namang dumating ang tatay ni Ben sa internet café at siya’y sinundo. Kanina pa pala siya hinihintay sa kanilang bahay. Nakalimutan na nitong mag-logout sa Facebook sapagkat natakot ito nang makita ang kanyang tatay. Bago naman tuluyang maubos ang oras ay pinakialaman ni Marlon ang Facebook account ni Ben.
          “SECRET LANG MGA FRIENDS PERO CRUSH KO TALAGA SI DANIEL PADILLA!” inilagay na status ni Marlon gamit ang account ni Ben.
               
          Kinabukasan, pagdating ni Ben sa kanilang klase ay pinagtatawanan siya ng iba.
          “Crush mo pala si Daniel Padilla” sabi ni Jennifer. “Bakla ka pala Ben”
          “Hindi ah! Lalaki ako! Sinong nagsabi niyan sa inyo?”
          “Ikaw kaya nagsabi noon. Status mo kaya ‘yon sa Facebook” sabat naman ni Melvin.
          “Hindi naman ako nag-post ng ganon!” pilit ni Ben. “Wala naman akong pinost na ganon kahapon diba Marlon?”
          “Malay ko” sagot ni Marlon. “Hindi ko naman nakita kung nag-status ka pa kasi nag-time na tayo bago ka pa umalis kahapon sa internet café. Baka na-hack yung Facebook mo”
          “Oo nga, baka na-hack nga ako. Nakakainis naman”
          “Huwag ka nang magkunwari Ben, crush mo naman talaga si Daniel Padilla eh” pang-aasar ni Melvin.
          Umamba na si Ben kay Melvin dahil naasar ito. Mabuti na lamang at dumating ang kanilang guro kaya’t napigilan ang kanilang pag-aaway.
          “Madali palang lokohin itong si Ben” naisip ni Marlon.

          Pag-uwi ni Marlon sa kanilang bahay ay binuksan niya ang kanyang Facebook account. May mensahe doon ang kanyang nanay.
          “I love you anak. Miss na miss na kita. Sana lagi mong ginagawa ang mga assignments mo. God bless”
          Imbes na matuwa ay nalungkot lamang siya sa kanyang nabasa. Gusto niya sanang nasa tabi niya ngayon ang kanyang nanay. Lalo na’t iba ang pag-aasikaso nito kumpara sa kanyang tatay. Upang mawala ang kanyang lungkot ay naisip niyang gumawa na lamang ng pekeng Facebook account. Kate Santos ang ipinangalan niya dito. Naghanap siya ng mga litrato ng magandang babae sa internet. Ginamit niya ang isa sa mga ito bilang profile picture. Ang iba naman ay inupload niya sa isang album. Matapos ‘yon ay hinanap niya ang account ni Ben at inadd ito.

          Ipinagmamalaki ni Ben na mayroong magandang babae ang nag-add sa kanya sa Facebook. Hindi naman siya pinaniniwalaan ng iba.
          “Meron talaga. Gusto mo ipapakita ko sa’yo mamaya”
          “Sige ba” pagpayag ni Marlon. “Basta bibilisan lang natin para makauwi agad tayo. Baka hanapin ka ulit ng tatay mo”
          “Kalahating oras lang tayo”
          Matapos ang klase ay muling dumiretso ang dalawa sa internet café. Isang computer lamang ang kanilang nirentahan. Binuksan ni Ben ang kanyang Facebook account. Agad nitong ipinakita si Kate Santos. Pilit namang pinipigilan ni Marlon ang tumawa. Masaya siyang naloko niya na naman si Ben.
          “Grabe, ang ganda naman niyang nag-add sa’yo”
          “Sabi ko sa’yo eh”
          “Paano na yan? Pwede ka na bang magka-girlfriend?”
          “Hindi pa. Pero kakaibiganin ko pa rin”
           “Nakakainggit ka naman” pangbubuyo ni Marlon. “Sana may mag-add din saking ganyan kaganda”
           Kitang-kita ang pagmamalaki sa mukha ni Ben.
           Sa araw-araw, kung ano-anong mensahe ang ipinapadala ni Marlon kay Ben gamit ang account na Kate Santos. Paniwalang-paniwala naman ito. Lagi niyang bukambibig sa lahat ang tungkol dito.
           Isang araw, nagulat na lamang si Marlon sa nabasa niyang mensahe sa Facebook mula sa kanyang nanay.
            “Anak, natanggal ako sa trabaho. Kinasuhan pa ako ng amo ko dahil ninakawan ko daw sila. Pero hindi ‘yon totoo. Ngayon ay nakikitira ako sa isang pamilyang Pilipino dito upang magtago. Sabihin mo naman sa tatay mo na magpadala ng pera sa account na 5646-9393076 para makauwi na ako sa Pilipinas. Wala na akong pera dito. Wag niyo na akong tawagan sa telepono ko kasi kinuha nila ito”               
            Kabadong-kabado si Marlon sa kanyang nabasa. Agad niya namang tinawag ang kanyang tatay at pinabasa ang mensahe. Nataranta ito. Pinagtitignan nito ang kanyang mga ATM cards. Nang makita niya na ang lahat ay sinabihan nito si Marlon na pupunta sila sa banko. Subalit bago pa sila umalis ay sinubukan muna nitong tawagan ang cellphone ng kanyang nanay. Makalipas ang ilang segundo ay bigla na lamang itong umiyak. Nasagot kasi ito ng kanyang nanay at sinabing wala siyang inilalagay na ganoong mensahe sa Facebook. Doon nila naisip na malamang ay na-hack ang account nito ng mga sindikato. Masaya si Marlon na malamang nasa mabuting kalagayan ang kanyang nanay. Subalit galit siya sa mga taong nangloloko na gumamit sa Facebook account nito. Bigla niya na lamang naisip ang ginagawa niya kay Ben. Hindi niya man ito hinihingan ng pera subalit pinaglalaruan niya ang kalooban nito. Doon din ay nagdesisyon siyang ide-deactive niya na ang account na Kate Santos. Hiniling naman nila sa kanyang nanay na gumawa na lamang ng bagong Facebook account at ingatan ang password nito. Nagpapasalamat na lamang si Marlon na nagagamit nila ang mga website na katulad nito upang magkausap. Nangako siya sa kanyang sarili na hindi niya na ito gagamitin sa panloloko ng iba. Hindi man nito matutumbasan ang pakiramdam ng pagiging magkasama subalit kahit papaano’y naiibsan nito ang lungkot at nababawasan ang kanilang pag-aalala.
                 

    
Ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 6




Friday, May 9, 2014

ANG ALAMAT NG MONOPOD

     Noong unang panahon, sa malayong bayan ng Wakwak Village, ay may conyo kid na nagngangalang Mae Kaya. Galing sa states si Mae Kaya at ngayon lamang nakabalik ng Pilipinas in like forever. Nagmamadali siyang tumakbo sa bakuran pagkauwi sa kanilang mansyon. Doon ay may nakita siyang puno ng santol. Naisip niyang sungkitin ang mga bunga nito. May nakita siyang mahabang stick sa lupa at some straw (yung pinapangtali sa balikbayan box at hindi yung sa softdrinks, digs?). Sa kasamaang-palad ay wala siyang makitang maaaring itali sa dulo. Sinubukan niyang ilagay ang kanyang Jimmy Choo shoes subalit hindi ito effective. Dahil doon ay naisip niyang ilagay ang kanyang Nikon D700 camera. Naging mabuti naman sa kanya ang tadhana at isa-isang nahulog ang mga bunga sa tulong nito. Panay ang smile niya sa bawat bungang nahuhulog. Nang matapos na siya sa panunungkit ay namalayan niyang nakakuha pala ng selfies ang camera. Sakto pa sa mga moments na naka-duck face siya, kunwari stolen shot at iba pang pose. Malamang ay nag-take ng shots ang camera sa bawat pagkakataong nababangga ng bunga ang button. Na-elibs si Mae Kaya sa nangyari. Agad siyang tumungo sa Intellectual Property Office chever at ipinarehistro ang produkto. Agad naman itong ibinenta ng CDR-King. Isa sa mga customers ang nagsabi na "pabili nga po ng monopod". Doon na ito nagsimula. End.

Tuesday, November 19, 2013

Nang Idalangin Ni Berto Na Huwag Siyang Manalo Sa Lotto

         Kusot ang polo ni Berto. Sigurado siyang kinilatis na naman ito ni Isabel. Naghahanap ng marka ng kolorete ng babae. Kinabahan siya at agad na tinignan ang lotto ticket sa bulsa ng polo. Tama ang kanyang hinala. Lukot nga ito. Malapit na siyang mapuno sa kanyang misis. Masyado na itong selosa. Palibasa'y hindi katulad noong kabataan nito, mataba na ito ngayon at nawala na ang kagandahan sa mukha. Dinalangin ni Berto na sana'y huwag tumama ang kanyang numero. Baka hindi niya mapatawad si Isabel.

         Malakas ang tunog ng telebisyon ng kapit-bahay. Tumatagos sa maninipis na dingding ng kanilang tahanan. Sa bawat tamang numerong binabanggit ay mas lalong bumibilis ang tibok ng puso ni Berto. Hiling niyang huwag tumama lahat. Ngunit malupit ang tadhana. Halos madurog ang puso niya nang binanggit ang huling tamang numero. Mahigit sa isang daang milyong piso ang hindi niya makukuha sapagkat nalukot ni Isabel ang lotto ticket. Gusto niyang sumigaw sa galit.

         "Napakaselosa mo!" ang tangi niyang nasabi"

         Habang naghahanda ng makakain ay hindi sumagot si Isabel.

         "Kapag ako nanalo sa lotto, maghahanap na ako ng mas bata at mas maganda sa'yo"

         "Bakit tumataya ka ba? Sana huwag kang manalo" malungkot na sabi nito.

         "Hindi nga ako mananalo doon. Imposible. Hindi ko kaya"

Thursday, September 19, 2013

PARA SA'YO ITO MUKHA LANG HINDI

            Una sa lahat, bago mo basahin ito, ipinapauna ko lang na hindi ako nagdodroga. Oo’t umiinom ako ng alak ngunit hanggang doon lang iyon. Wala akong ginagamit na kemikal na itinuturing na iligal ng batas. Sinasabi ko lamang ito dahil baka hindi ka maniwala sa mga mababasa mo. Nandito kasi ako sa mundo kung saan mga kakaibang nilalang ang nabubuhay. Mga halimaw, diwata, mangkukulam, duwende at kung ano-ano pang hindi ko na alam kung anong tamang depinisyon ang nararapat sa kanila. Hindi ko alam kung paano ako nakarating dito. Ngunit ang huli kong naaalala ay pumunta lamang ako sa kaarawan ng isa sa mga kaklase ko.
             Kung sino ka mang nagbabasa nito, hindi ko alam kung anong klaseng mundo ang kinaroroonan mo. Ngunit ako, ang mundong pinanggalingan ko ay mundo ng mga tao. Isang mundong punong-puno ng matataas na gusali, mga mahahaling bagay na wala namang kwenta at gobyernong pinatatakbo ng pera. Sa totoo lang, mayaman ang pamilya ko sa aming mundo. Nakatira kami sa isang malaking bahay. Ayon pa nga sa iba mansyon daw ito. Pero wala naman akong pakialam kung anong tawag nila doon. Basta para sakin, isa lamang itong tulugan. Ayaw ko namang manatili doon. Palaging wala doon ang aking mga magulang. Nandoon sila sa mga negosyong wala naman talaga akong pakialam. Panay mga katulong lamang namin ang aking nakikita. Kaya madalas akong nasa mga kasiyahan at inuman. Na marahil naging dahilan din kung bakit napunta ako sa mundong kinaroroonan ko.
            Oo nga pala, tungkol doon sa huli kong naalala bago ako nawala sa mundo ng mga tao. Kaarawan ng kaklase ko noon. Nakikisaya ako sa kanilang bahay. Abala ang lahat kaya nang maubusan ako ng alak ay pumunta akong mag-isa sa kusina. Kataka-taka namang walang ibang tao doon. Binuksan ko ang refrigerator at kumuha ng serbesa. Biglang may kumalabit sa likod ko. Lumingon ako at nagulat nang makitang isang napakagandang babae ito. Hindi ko siya kilala. Marahil isa sa mga bisita doon. Kakaiba ang kanyang mga mata. Nagliliwanag ito na animo’y mga bituin sa walang ulap na langit. Tila may binigkas naman ang kanyang bibig ngunit wala akong narinig. Naramdaman ko na lamang ang pagnanasang halikan ang kanyang mga labi. Na siya namang ginawa ko. Matapos noon ay nagising na lamang ako sa ibang mundo.
           
May matulis na bagay na tumama sa aking leeg. Napadilat ang aking mga mata. Nagulat ako nang makitang may isang duwendeng may hawak na sibat sa aking harapan. Binalak kong tumakas ngunit nakatali ako.
            “Saan ka sa tingin mo pupunta?”
            “Pakawalan mo ako. Bakit ako nakatali? Anong gagawin mo sakin?” tanong ko.
            “Ikaw ang kakainin namin mamaya. Hinihintay ko lamang ang iba kong kasamahang naghahanda ng paglulutuan namin sa’yo”
            Nang marinig kong meron pa siyang ibang kasamahan at darating sila mamaya ay tila lumakas ang aking katawan. Naisip kong marahil ito na lang ang pagkakataon kong makatakas habang isang duwende pa lamang ang nagbabantay sakin. Nang may kumatok sa pinto at napunta doon ang atensyon ng duwende ay inipon ko ang aking pwersa at pilit na pinigtas ang manipis na lubid na nakatali sakin. Nagtagumpay naman ako. Huli na nang namalayan ng duwende ang aking nagawa sapagkat nakatakas na ako mula sa bintana.
            Kalbaryo ang katumbas ng bawat araw ko sa mundong ito. Hindi ko nga alam kung araw ang dapat kung gawing sukatan dahil bihira namang sumikat ang araw dito. Mahaba ang gabi. Tila katumbas ng isang buwan sa pinanggalingan kong mundo. Gabing punong-puno ng pangamba kung mabubuhay pa ba ako. Wala na kasi akong ginawa kundi tumakas mula sa mga nilalang na gusto akong kainin. Ngunit katulad sa lahat ng bagay, nakakasanayan. Noong una ay ninais ko pang makabalik sa pinanggalingan kong mundo. Pero naubos na ang pag-asa ko kaya’t natutunan ko na lamang tanggapin na ito na ang buhay ko ngayon. Wala nang makakapagpabago nito. Akala ko ganon. Pero may dumating. Binago niya ang lahat.

            Isang araw, habang maingat akong kumakain ng mga prutas mula sa taas ng isang puno ay naramdaman kong umaalog ang paligid. Naisip ko agad na may papalapit na higante. Tama naman ang kutob ko. Ang hindi ko inaasahan ay may hinahabol pala itong isang babae. Hindi lang basta babae. Isang babaeng nagmula sa parehong mundong pinanggalingan ko. Nang malapit nang maabutan ng higante ang babae ay kumuha ako ng isang malaking prutas. Kasingbigat ito ng malaking bato. Inihagis ko ito mula sa itaas ng puno at tinamaan ang higante sa ulo. Namatay siya. Agad kong nilapitan ang babae at isinama sa paglayo.
            Ang pangalan ng babae ay Vanessa. Napakaganda niya. Maging ang pinakamagandang diwata ay hindi maikukumpara sa kagandahan niyang taglay. Katulad ko, hindi niya rin alam paano siya nakarating sa mundong ito. Ngunit siya, gusto niya pang makabalik. Lagi niyang sinasabi saking tulungan ko siyang makabalik. Hindi raw kami tagadito. Hindi ito ang aming tahanan. Lagi siyang nagmamakaawa. Ang kanyang mala-anghel na mukha, sadyang mahirap tanggihan.

            Narinig naming may isang makapangyarihang nilalang ang nabubuhay sa may burol sa hilaga. Gusto ni Vanessa na puntahan namin ito dahil baka matulungan niya kaming makabalik sa sarili naming mundo. Nakatira siya sa isang malaking bahay na animo’y katulad sa tao. Ngunit ang bahay na ito’y binabantayan ng mga nakatalukbong na nilalang na hindi nakikita ang mukha. Sabi-sabi na upang patuluyin ka ng mga ito ay dapat alayan mo sila ng itlog ng Kariwa. Ang Kariwa ay higanteng ibon na matatagpuan sa kagubatang malapit din doon. Ayoko sanang isugal ang buhay ko sa mga bagay na ito. Pero si Vanessa, hindi ko alam, ayoko siyang biguin.
            Pumunta kami sa kagubatan kung saan naroon ang itlog ng Kariwa. Natanaw namin ito sa isa sa mga puno. Mabilis ko itong inakyat habang wala ang higanteng ibon. Kinuha ko ang itlog at inihagis kay Vanessa. Buti na lamang at nasalo niya ito. Akala namin ay maayos na ang lahat ngunit biglang dumating ang Kariwa. Nang makita niyang na kay Vanessa ang itlog ay susugurin niya ito. Ngunit bago niya nasugod si Vanessa ay tinalon ko ito mula sa puno. Umalog-alog ang Kariwa upang mahulog ako ngunit hinigpitan ko ang paghawak sa kanya. Nang maisip niyang hindi niya ako madadaan sa ganon ay bumulusok siyang papaitaas. Sa sobrang taas ay hindi na ako makahinga. Buti na lamang at nakuha ko ang patalim na nakasukbit sa aking tagiliran at sinaksak ko siya. Nanghina ito at dahan-dahang bumagsak sa lupa. Nakatalon naman ako bago siya tuluyang bumagsak. Dinala namin ang itlog sa mga tagapagbantay ng bahay sa may burol.
            Tatlo ang tagapagbantay. Para silang lumulutang na damit na may talukbong sapagkat hindi nakikita ang kanilang mga mukha. Hindi namin alam kung ano ang kapangyarihan nila ngunit ayaw na naming sumugal. Inabot namin sa kanila ang itlog ng Kariwa. Kinula nila ito at bumukas ang pinto ng bahay.
            Magara sa loob. Kataka-taka para sa isang mundo kung saan parang wala namang halaga ang yaman.
            “Anong kailangan nyo” sabi ng isang tinig ng babae. “Lumapit kayo dito”
            Sinundan namin ang direksyon ng tinig. Doon ay may nakita kaming isang magandang babae. Hindi ako sigurado kung tao siya dahil mukha siyang tao ngunit ang kanyang mga tenga ay patulis katulad sa diwata. Nakasuot siya ng itim na bistida. Nakaupo siya sa isang trono at may hawak na tungkod na animo’y reyna.
            “Gusto naming makabalik sa aming mundo” sabi ni Vanessa. “Baka magawa mo kaming tulungan”
            Ginamit ng babae ang kanyang tungkod at gumalaw ang dalawang upuan papalapit samin ni Vanessa.
            “Maupo kayo” utos niya. “Bakit ko naman kayo tutulungan? Ano namang mapapala ko?”
            Marahil dahil napansin ni Vanessa na mahilig sa magarang kagamitan ang babae ay inalok niya dito ang kanyang singsing na may mamahaling bato.
            “Ibibigay ko sa’yo ito, tulungan mo lang kami”
            “Lumapit ka sa akin nang mas makita ko yan ng mabuti”
            Ipinakita ito ni Vanessa sa babae. Hinawakan nito ang kanyang kamay.
            “Bakit naman akong makikipagsundo sa inyo? Pagkatapos ko kayong kainin mamaya ay mapapasaakin din naman yan”
            Nang marinig iyon ni Vanessa ay agad niyang tinabig ang tungkod ng babae patungo sakin. Agad ko naman itong dinampot. Binalak sanang lumayo ni Vanessa mula sa babae ngunit mula sa kamay nito ay may lumabas na animo’y kuryente. Hindi ko man alam gamitin, ay itinuro ko ang tungkod sa babae at naglabas ito ng animo’y kuryente na higit na mas malakas sa kapangyarihan niya. Napatay siya nito. Agad ko namang nilapitan si Vanessa. Naghihingalo na siya ngunit nagawa niya pang magsalita.
            “Masaya ako at natagpuan ko na rin sa wakas ang tahanan ko” ang huli niyang sinabi sabay turo sa aking dibdib.

            Matagal na panahon na ang nakakalipas nang mawala si Vanessa. Pero kailan ko lang naunawaan ang ibig niyang sabihin noon. Tama siya, natagpuan niya nga ang tahanan niya. Dahil magpahanggang ngayon ay nakatira pa rin siya sa aking puso. At hanggang nandito siya sa aking puso ay mananatili siyang buhay sa aking pagkatao. Ngayon ko lang rin naunawaan ang ibig sabihin nung mangangaral na napanood ko noon sa telebisyon tungkol sa puso ng tao. Kung paanong ito ay tahanan ng Diyos. Sadyang malinaw na ang lahat. At tungkol naman doon sa tungkod na nakuha ko mula sa babae, sabihin na lang nating, ang binabasa mo ngayon, ay isinulat ko sa sarili kong tahanan, sa sarili kong mundo.
                    
            Ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 5.         

Friday, March 8, 2013

NANG MAWALA ANG ARAW SA KALANGITAN


            Nagising ako sa isa na namang panibagong araw. Ngunit hindi ako alam kung dapat ba itong tawaging araw dahil wala namang “araw” na nagbibigay liwanag sa mundo. Ilang taon na siyang hindi sumisikat. Bigla na lamang itong nawala noon at binago ang lahat. Pinilit ako nitong manatili na lamang nakaupo sa isang pwesto dahil sa takot na baka kung anong nilalang ang kumuha sakin sa dilim. Ang takot ding ‘yon ang nagpalakas ng aking pandama. Malayo pa lamang ang iba ay naririnig ko na ang yabag na kanilang mga paa. At sa tuwing lumalapit na sila, naririnig ko maging ang tibok ng kanilang puso. Nakakatakot.

            Dahil sa kadiliman, napuno ang mundo ng mga estranghero. Mahirap magtiwala sa hindi nakikita. Ang mga pamilyar na boses ay pinagdudahan ko sapagkat maraming magkakaboses sa mundo. At sa tuwing susubukan akong hawakan ng iba, agad akong nagpupumiglas sapagkat baka kung saan nila ako isama sa nakakatakot na kadilimang ito. Sabi tuloy nila na nababaliw na ako. Ngunit sinasabi kong hindi, ayaw ko lamang na baka sa aming paglalakad ay matisod ako at mahulog at hindi niya ako saluhin. At ayoko ko rin namang baka siya ang mahulog at hindi ko masalo dahil hindi ko siya nakikita.

            Pero sa dinami-dami ng estrangherong napapaDaan sa aking kinaroroonan, may isang naglakas loob na ako’y sigawan. Halos nabingi ako. Umugong ang bawat salita sa aking buong pagkatao.

            “ANG TANGA-TANGA MO. ANONG PINAGSASABI MONG WALANG ARAW SA KALANGITAN? ‘YON SIYA OH. TIGNAN MO, NAPAKALIWANAG NG LAHAT”

            “Nasaan? Bakit hindi ko makita?” tanong ko.

            “TALAGANG HINDI MO SIYA MAKIKITA DAHIL NAKAPIKIT KA! DUMILAT KA NGA! DUMILAT KA!”

            Dinilat ko ang aking mga mata at napagtantong napakaliwanag nga ng lahat. Tama siya, hindi nga nawawala ang araw sa kalangitan, sadyang nakapikit lang ako.

            Tinignan ko ang estranghero at alam kong hindi siya ang hinahanap ko. Maging siya ay alam ito.

            “Ngayong may liwanag na ulit ang iyong mundo, maglakbay ka na patungo sa malalayong lugar. Baka doon mo mapakinggan ang taong may kapareho ng tibok ng puso mo”

            Napakaganda ng kanyang payo. Marahan kong hinakbang ang aking napakabigat na paa…

Thursday, November 1, 2012

PUSTAHAN SA PAG-IBIG

       Bagong lipat lamang ng paaralan si Camille dito sa Maynila. Galing siya sa Laguna at tanging si Miguel lang ang kakilala niya sa eskwelahang nilipatan. Magkababata kasi sila nito. Nagkataon lang na naunang lumipat ng Maynila ang pamilya ni Miguel.

      Si Miguel ay may matalik na kaibigan... si Jerry. Isa sila ng trip sa buhay. Hindi nila sineseryoso ang mga bagay-bagay. Kabilang na doon ang pag-ibig. 

      Isang araw, napagdesisyonan ng magkaibigan na pagpustahan si Camille. Hinamon ni Miguel si Jerry na ligawan si Camille at kapag napasagot niya ito ay mananalo siya ng sampung libong piso. Ngunit kapag binasted naman siya, siya ang kailangang magbayad ng sampung libong piso. Medyo nag-alangan pa si Jerry nung simula sapagkat kaibigan ni Miguel si Camille.

      "Sigurado ka ba sa pustahang yan? Diba ikaw lang ang ka-close ni Camille dito tapos gaganyanin mo pa" sabi ni Jerry.

      "Ayos lang 'yon pare. Matanda na naman siya. Nasa kanya na 'yon kung magpapauto siya sa'yo" sagot naman ni Miguel.

      Ipinakilala ni Miguel si Jerry kay Camille. Lumipas ang mga araw at naging close sila. Unti-unting nahulog ang loob nila sa isa't isa. Halos wala na ngang pakialam si Jerry sa pustahan. Gusto niya na talaga si Camille. Lumipas pa ang ilang buwan at naging sila na.

       Ngunit isang araw, habang nag-uusap sila Miguel at Jerry tungkol sa pustahan ay hindi sinasadyang napadaan si Camille malapit sa kanila. Paglingon ni Jerry ay nakita niyang nakatayo sa kanilang likod si Camille. Agad itong naglakad papalayo. Agad naman itong hinabol ni Jerry.

       "Camille, sandali lang. Hayaan mo akong magpaliwanag"

       "Wala ka nang dapat ipaliwanag"

       "Camille, tungkol doon sa pustahan. Sorry pero wala na akong pakialam doon. Mahal na talaga kita"

       "Sa totoo lang, kaya ako lumayo hindi dahil galit ako sa'yo. Kundi dahil nahihiya ako. Kasi sa simula pa lang alam ko na ang tungkol doon. Diba nga't kaibigan ko si Miguel. At maging ako, nakipusta na hindi mo ako mapapasagot. Pero ito, sinagot pa rin kita"

Thursday, October 11, 2012

DESTINASYON

            Nakatayo si Bobby sa kabilang kalsada sa tapat ng simbahan ng Quiapo. Hindi siya relihiyosong tao ngunit hindi siya komportableng dito pa siya napapwesto sa oras na ito. Hawak niya ang isang malaking bag na iniabot sa kanya kanina ng isang lalaking hindi niya naman kakilala ng personal. Nalaman niya lamang na ‘yon ang dapat niyang lapitan dahil sa deskripsyong natanggap niya sa text.
            Nanatiling nakatayo si Bobby sa gilid ng kalsada at nag-abang ng bus. Maraming dumaang pa-SM Fairview ngunit nag-alangan siyang sumakay sa mga ito. Maraming pasahero sa loob at marami nang nakatayo. Nagdesisyong siyang maglakad-lakad muna.
            Hindi pa man malayo ang nalalakad ni Bobby ay biglang may humintong bus sa kanyang tabi. Ito’y byaheng pa-Taytay. Nakita niyang maluwag pa sa loob kaya’t agad siyang sumakay dito.
            Walang nakaupo sa pinakadulong bahagi ng bus kaya’t dumeretso doon si Bobby. Pumwesto siya sa tapat ng bintana. Pinagmasdan niya ang mga tao kung may nakatingin ba sa kanya. Nang masigurado niyang wala ay mabilis niyang isiniksik ang dala niyang bag sa ilalim ng upuan. Bago pa man makalapit sa kanya ang konduktor ay lumipat siya ng pwesto. Gusto niya na sanang bumaba ngunit may nagsasabi sa kanyang pagkatao na huwag muna.
            Sa upuan sa tapat ng bagong pwesto ni Bobby ay may nakaupong magkaklase. Malakas ang pag-uusap ng dalawa.
            “Sigurado ka bang maganda ‘yon?”
            “Aabsent ba naman ako kung hindi ‘yon maganda? Nabasa ko yung mga reviews sa internet, panalo raw”
            “Mukha mo. Lagi ka namang absent kahit hindi tayo manonood ng sine”
            “Hahaha. Baliw, pareho lang tayo”
            “Mas malala ka kaya sakin. Pinangpupusta mo kaya sa bilyar yung binibigay sa’yong pera para sa mga projects”
            “Inggit ka lang boy. Palibasa mas gwapo na ako sa’yo, mas marami pa akong pera”
            Habang naririnig ni Bobby ang usapan ng magkaklase ay gusto niyang magalit sa mga ito. Naisip niyang napakapalad nila na meron silang pagkakataong makapag-aral ngunit hindi nila ito pinahahalagahan. Samantalang ang kanyang mga anak, gustuhin niya mang pag-aralin ay wala naman siyang pera. Mas tumindi ang kanyang paniniwala na tama lang na tinanggap niya ang trabaho.
            Nagpatuloy ang byahe. Bumaba ang magkaklase sa isang mall pagdaan ng bus sa Sta.Mesa. Lumipat ulit ng upuan si Bobby. Marami ng bagong pasahero ang sumakay ngunit wala pa ring nakaupo sa pinakadulong bahagi ng bus. Kanina pa siya pwedeng bumaba pero tila may pumipigil sa kanya. Gusto niyang makasigurado.
            Dalawang magkaibigang babae naman ang nakaupo sa harap ng bagong pwesto ni Bobby. Narinig niya ang pag-uusap nito.
            “Yan siguro yung gamit ni Jane” sabi ng isa pagkatapos ipakita sa telebisyon ang palatastas ng produktong pampaputi ng balat.
            “Hindi naman siya maganda, maputi lang”
            “Korek ka diyan. Kaya nga mas bagay pa kami ng boyfriend niya”
            “Kamusta pala kayo? Diba dinidiskartehan ka rin non? Paano na yan, tropa pa naman natin si Jane?”
            “Okay lang yan, uso naman yung ganon”
            “Hahaha”
            Tumahimik ang dalawa pagbalik ng pinapanood nilang teleserye. Nagkataon namang tungkol din sa pangangaliwa ang tema nito. Naisip ni Bobby na masama na nga talaga ang mundo.
            May pumara sa tapat ng Pinaglaban Shrine sa San Juan. Bumaba ang nakaupo malapit sa pintuan ng bus. Lumipat doon si Bobby. May ilang bagong pasahero ang sumakay. Nakatabi niya ang isang lalaking may kalong-kalong na anak. Maingay ang batang babae, tanong nang tanong sa kanyang ama.
            Hindi pa man masyadong nakaaandar ang bus ay biglang may nagsalita ng malakas.
            “Magandang hapon mga kapatid. Nandito po ako upang ihatid sa inyo ang Mabuting Balita. Siguro po marami sa inyo ang busy sa ngayon pero sana po’y ilanan ninyo dito kahit ilang minuto lamang ng inyong oras. Pero bago po natin simulan ang ating pag-aaral ay manalangin po muna tayo”
            Nanalangin ang mangangaral. Pagkatapos nito’y nagbasa siya ng ilang berso. Noong una ay wala masyadong pakialam dito si Bobby. Ngunit may sinabi ang lalaki na kumuha ng kanyang atensyon.
            “Marahil ngayon ay alam natin kung saan tayo pupunta. Nakasakay tayo dito sa bus na byaheng Taytay kaya siguradong may bababa sa Greenhills, sa Ortigas, sa Taytay, etc. Pero mga kapatid, kung sakaling mamatay tayo ngayon, ikaw, alam mo ba kung saan ka pupunta?”
            Napaisip ng malalim si Bobby. Saan nga ba siya mapupunta kapag namatay siya ngayon? Sa binabalak niya pa namang gawin, naisip niyang kung totoo mang may impyerno, malamang doon siya didiretso.
            Nagpaliwanag pa ang lalaki. Hinimok niya ang lahat na sumabay sa panalangin ng pagtanggap. Hindi sumabay si Bobby. Maya-maya pa’y nag-abot ng sobre ang lalaki sa mga pasehero ng bus at nanghingi ng donasyon. Matapos noon ay pumara na ito. Pero bago ito tuluyang nakababa ay may inabot ito kay Bobby na isang pamphlet. Nakasulat sa pabalat ang “Saan Ka Pupunta?”
            “Malayo pa ba tayo sa ospital Papa?” tanong ng batang babae.
            “Malapit na tayo”
            “Gagaling pa ba si kuya Papa?”
            “Oo naman, pagagalingin siya ni Lord”
            “Mahal ba bayad sa ospital Papa?
            “Oo pero tutulungan tayo ni Lord”
            Dahil sa narinig ay nalaman ni Bobby na kapareho niya pala ng sitwasyon ang lalaki. Nasa ospital din pala ang anak nito. Naalala niya bigla na tayong mga Pilipino, mahirap man ang karamihan satin ngunit matindi ang ating pananalig sa Diyos. Natanong niya ang kanyang sarili kung bakit hindi siya katulad ng katabi niya ngayon. Nagalit siya sa kanyang sarili dahil sa plano niyang gawin. Hindi niya magagawang pumatay ng mabubuting tao. Marahil ito ang dahilan kung bakit kanina pa siya napipigilan sa pagbaba ng bus.
            Huminto ang bus sa tapat ng overpass malapit sa Unimart upang magbaba ng ilang pasahero. Agad na lumipat si Bobby sa pinakadulong upuan sa likod. Kinuha niya ang bag na isiniksik niya kanina sa ilalim ng upuan. Binuksan niya ito at pinatay ang cellphone na nasa loob. Muling umandar ang bus.
            Naglalaro na sa isip ni Bobby ang galit ng pulitikong nag-utos daw nito kapag nalamang bigla siyang umatras. Iyon din ang mismong nagbabayad sa hospital bill ng kanyang anak na may sakit. Tiyak malaking problema ito pero bahala na. Kailangan niya nang bumaba ng bus. Kailangan niya nang puntahan ang kanyang pamilya sa ospital at dalin sila sa isang malayong lugar upang tumakas.
            “Tinatanggap ko po Kayo sa buhay ko. Kayo na po ang bahala. Iligtas Nyo po kami” bulong ni Bobby.
            Tumayo si Bobby habang hawak-hawak ang malaking bag. Habang naglalakad siya sa isle ng bus, sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay biglang natanggal ang locket sa kanyang leeg na may picture ng kanyang anak na may sakit. Gumulong ito papunta sa harap. Mabilis ang takbo ng bus. Ipinangkapit ni Eli ang kanyang kanang kamay sa mga upuan habang hawak-hawak ng kanyang kaliwang kamay ang bag. Maingat siyang naglakad papunta sa harapan upang pulutin ang locket. Nang malapit na dito si Bobby ay bumitiw ang kanyang kanang kamay sa upuan upang damputin ito. Sa kasamaang-palad ay biglang nagpreno ang bus upang maiwasang mabangga ang motorsiklong nag-overtake dito. Nawalan ng balanse si Bobby kaya’t dire-diretso siyang sumalpok sa windshield ng bus. Nabasag ang kanyang ulo. Namatay siya sa mismong oras ding ‘yon.
Nangyari ang aksidente malapit sa EDSA. Ang lugar na nagpapaalala ng pagkakaisa at kabayanihan nating mga Pilipino. Sa tabi ni Bobby ay bumagsak ang pamphlet na naiwan niya sa inupuan niya kanina.
            Saan Ka Pupunta?
            Hindi pa dito natatapos ang paglalakbay ni Bobby. Wala pa siya sa kanyang destinasyon.

Ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 4.