Friday, November 25, 2011

KWENTO

                Bwisit na araw 'to. Naiisip ko na naman si Mercy. Ang hirap nyang kalimutan. Para syang sinuperglue sa pagkatao ko kaya kahit anong gawin ko pakiramdam ko sakin pa rin sya. Pero ang totoo, iniwan nya ako. Pinagpalit nya ako sa kupal nyang "bestfriend" na ang tunay na intensyon ay agawin sya mula sakin. Kaya pala madalas syang sinasamahan ni gago kung saan-saan dahil may balak palang manulot. Ito namang si Mercy nagpasulot. Magsama silang mga gago.

               Sa mga gantong pagkakataon, para mawala kay Mercy ang focus ko, sinusubukan kong magsulat ng kwento. Pero isang oras ko nang hawak ang ballpen pero ni isang salita ay wala pa akong naisusulat sa papel. Mental block. Bwisit naman talaga, bakit ngayon pa? Papalit-palit tuloy yung diwa ko kay Mercy at kung ano ba ang magandang isulat.

              Para makaisip ng magandang isusulat, nagdesisyon akong pupunta ako ng bookstore. Pag walang-wala kasi akong ma-topic doon ako kumukuha ng ideya. Paborito kong magbasa ng mga graphic novels lalo na kung tungkol kay Batman.

              Sa Cubao ako dederetso, naisip ko. Meron doon ubod ng laking National Bookstore at meron ding Fully-booked sa loob ng Gateway. Marami ako dong makikitang mga graphic novels. Ayos na doon. Hindi na ako nagbihis ng pang-alis. Ni-lock ko na lang yung bahay tapos pumara ako ng pedicab at nagpahatid sa Pureza Station ng LRT2.

             Sa loob ng tren ay marami akong nakasabay ng mga istudyante. PDA yung ilan. Napapamura ako sa sarili ko habang nakikita ko sila. Merong mga lalaking nakahawak sa safety handrails habang yung syota naman nila sa kanila nakayakap para huwag matumba. Naalala ko na naman si Mercy. Lecheng tren 'to.

             Ibinaling ko na lang yung tingin ko sa mga advertisements sa loob ng tren. Kaso sa dami ba naman ng pwedeng magadvertise doon, talagang Converse pa. Madalas akong pinupuna noon ni Mercy sa puti kong Chuck Taylor. Masyado raw madumi kaya dapat labahan ko din. Pero ayaw ko. Mas gusto ko ang sapatos kapag marumi. Rakenrol kasi yung dating. Pero kupal na tren 'to. Parang nananadya.

             Dumating sa Cubao station ang sinasakyan kong tren. Mabilis naglabasan ang maraming mga tao. Unahan agad lahat papunta sa hagdan at escalator. Nakipila ako sa escalator dahil tamad akong maglakad.

            Sa haba ng pila ay napatingin ako sa food court ng Gateway. Kita sya mula doon dahil salamin at hindi pader ang humaharang. Hindi ko inaasahan na makikita kong kumakain sa tapat mismo ng salamin si Mercy at yung kupal na nanulot sakin. Nagdilim bigla yung paningin ko.

            Tumakbo agad ako sa hagdanan. Wala na akong pakiaalam kung marami akong nababanggang mga tao. Basta binilisan ko yung takbo mula doon hanggang sa lagayan ng ticket hanggang papasok ng mall hanggang makaakyat ako sa foodcourt.

            Nandoon sila malapit sa may Reyes Barbeque. Mabilis yung paglapit ko sa kanila kaya hindi nila ako napansin. Agad kong hinawakan sa ulo si kupal at pinaguuntog sa mesa. Ginawa ko ito hanggang sa dumugo yung ulo nya. Na-shock si Mercy sa ginawa ko. Wala na akong pakialam. Totodasin ko 'tong si kupal.

            Alam kong nagkakagulo na yung ibang mga tao kaya ano mang oras ay dadamputin na ako ng mga guwardiya. Hindi ko na mapapalagpas ang pagkakataong ito. Kinuha ko agad yung barbeque stick sa pinggan ni kupal at ipinangsaksak ko ito sa leeg nya.

           "ALAM MO BANG REYES RIN ANG APELYIDO KO. YAN GINAWA NA KITANG REYES BARBEQUE!" sigaw ko sa duguang si kupal.

           "Hoy wala ka sa buwan" sabi ng isa.

           Biglang bumalik yung ulirat ko. Nakatayo pa rin ako sa babaan ng escalator at nakatanaw kay Mercy at kay kupal doon sa salamin.

           "Ang pangit ng kwentong 'yon" naisip ko. "Magsama kayong dalawang gago. Bibili na lang ako ng Batman para makaisip ng mas magandang kwento"

Thursday, November 24, 2011

PARE-PAREHO LANG ANG MGA LALAKI

               "Bilang lalaki, pakiramdam mo, may itinatago kaya sakin 'yon?" tanong ni Jennylyn.

               "Ayoko nang magkomento dyan dahil baka isipin mo gusto ko kayong magkahiwalay, Alam mo namang may gusto ako sa'yo" sagot ni Bingo. "Ikaw lang kasi, kung ako na lang sana..."

               Biglang tumingin sa kaliwa si Jennylyn at iniwas ang mukha kay Bingo. Halatang hindi nya nang gustong marinig ang sasabihin pa nito.

               "Sorry Bingo. Kaibigan lang talaga yung tingin ko sa'yo. Okay naman tayo ng ganto diba?"

               Hindi na sumagot si Bingo at tumingin na lamang sa cellphone nya. Halatang naghahanap ng dahilan para makaalis sa awkward na usapan nila ni Jennylyn.

               "Pasensya na Jen pero kailangan ko na palang umalis"

               "Totoo ba yan? Bakit naman galit ka sakin? Cool naman tayo diba?"

               "Yeah, we're cool. Uhm, paano, alis na ako"

                Pumunta si Bingo sa bahay ng tropa nyang si Jeremy. Doon ay nagyaya syang makipaginuman. Ngunit hindi pa man sila nakakarami ng inom ay nag-ring ang telepono ni Bingo. Tumatawag si Jennylyn.

                "Pre, bat ayaw mong sagutin?" tanong ni Jeremy. "Sino ba yang tumatawag?"

                "Si Jennylyn pre"

                "Jennylyn? As in yung type mo? Hindi ka pa rin ba sumusuko dyan?"

                "Nagsasawa na nga ako sa set-up namin. Pag sinusubukan kong iwasan sya, lapit naman ng lapit sakin. Ang hirap pre. Alam nya namang may gusto ako sa kanya tapos ganyan pa sya. Shit. Hindi ko na sasagutin yang tawag nya"

                Nagpaulit-ulit pa rin ang pag-ring ng cellphone at napilitan ng sagutin ni Bingo. Lumabas muna sya ng bahay ni Jeremy para makipagusap sa cellphone. Pagpasok nya ulit sa loob ay sinabi nya kay Jeremy na kailangan nya nang umalis.

                "Oh pre bakit?"

                "Tangina. Kailangan daw ng kausap. Nakipaghiwalay daw yung boyfriend nya"

                "Eh bakit ikaw ang gustong makausap? Pangatlong beses nya na atang ginagawa sa'yo yan ah. Si Joe D' Mango ka ba na lagi nyang kailangan makausap kapag iniiwan sya ng boyfriend nya?"

                "Nalalabuan na nga ako pre. Pero pre, anong oras ka ba matutulog mamaya? Pwede bang dito na lang ako makitulog sa bahay mo? Ayokong umuwi ng bahay ngayon. Inuman tayo mamaya"

                "Madaling-araw pa naman ako matutulog. Sige pre, deretso ka lang dito pagkatapos mong makipausap sa kanya"

                Nakipagkita sa kanya si Jennylyn sa basketball court malapit sa bahay nito. Walang mga tao doon dahil madilim na at wala namang nagpaschedule ng laro. Naupo sila sa bleacher at nagusap.

                "Jen, ayaw mo bang lumipat tayo ng pwesto? Lalamukin tayo dito"

                Hindi pinansin ni Jennylyn ang sinabi ni Bingo at sinabing "Pare-pareho lang ang mga lalaki..." na tila hindi lalaki ang kausap nya ngayon.


                Pasado ala-una ng madaling-araw ng makabalik si Bingo sa bahay ni Jeremy.

                "Pre, kamusta kanina?"

                "May nangyari samin ni Jennylyn"

                "Tangina. Seryoso? So ano na?"

                "Anong ano na?"

                "Ano ng plano mo? Syota mo na ba sya? Kayo na ba?"

                "Hindi pre, iiwasan ko na sya. Panakip-butas lang naman ang gagawin sakin non"

                "Parang hindi ko maintindihan?"

                "Tong mga babaeng 'to, akala ata nila hindi ka mapapagod na magmahal sa kanila. Hindi ba nila alam na masakit kapag alam nyang mahal mo sya pero ibang lalaki yung kinukwento nya sa'yo. Sawang-sawa na akong marinig kung paano syang niloloko ng ibang mga lalaki. Ang tagal ko nang nasa harapan nya, wala akong planong lokohin sya pero pinipili nya pa rin yung mga gagong 'yon. Tapos iiyak-iyak sya sakin. Hindi na ako magpapakatanga sa kanya. Pare-pareho lang naman ang mga babaeng yan"

                Habang naguusap ang dalawa ay biglang nagring ang phone ni Bingo.

                "Si Jennylyn pre?"

                "Oo" sagot ni Bingo sabay patay ng cellphone.

Wednesday, November 23, 2011

HULI SA AKTO

             Maagang nag-out si Jose sa trabaho. Buti na lang at nacontact nya at pumayag ang kasamahan nyang guwardya na ipagpatuloy ang oras nya. Babawi na lang sya dito sa ibang araw. Masama talaga ang pakiramdam nya at kailangan nya nang umuwi.

             Bago magalas-dose ng tanghali ay nasa tapat na si Jose ng kanilang bahay. Binuksan nya ang pinto at agad na dumeretso sa kwarto para magpalit ng pambahay. Ngunit hindi nya inaasahan na makikita nya doon ang kalive-in nya na may katalik na iba sa ibabaw ng kama. Nagdilim ang paningin ni Jose. Dinukot nya mula sa bitbit nyang bag ang kanyang baril at malapitang binaril ang lalaki. Sunod-sunod na putok ang narinig sa buong lugar.

             "Umalis ka na kung ayaw mong mapatay din kita" galit na sinabi ni Jose sa babae. "Putang ina mo Manuel. Mahal na mahal kita. Putang ina mo. Ginago mo ako. Alam ko namang tumitira ka ng mga babae. Pero putang ina, bakit pati dito sa pamamahay ko"

Monday, November 21, 2011

SILAHIS

Sa loob ng isang sari-sari store...

            "Anak, silahis ka ba?" tanong ng nanay ni Wilfredo. "Kasi mukha ka namang lalaki pero parang kinikilig ka pag nakikita mo si Coco Martin"

            "Nay, ano namang kalokohan yan. Hindi ako kinikilig kay Coco Martin. Kinikilig ako sa ka-loveteam nyang si Maja Salvador. Tsaka tignan nyo nga 'tong anak nyo, nasa itsura ba nito ang pagiging silahis?"

            "Parang kasi. Pero baka ako lang ang may akala ng ganon..."

            Naputol ang usapan ng mag-ina ng biglang may bumili sa kanilang tindahan.

            "Pagbilan po"

            "Nay ako na. Sandali lang ah, pagbebentahan ko lang ito" sabi ni Wilfredo. "Ano yung bibilin mo?"

            Tinignan ng bumibili si Wilfredo at sinabing "Pamintang-durog".

            "Ano? Ganon? Sobrang obvious na ba talaga?" tanong ni Wilfredo.

            "Huh? Ano po 'yon? Ang sabi ko pagbilan ng pamintang-durog"

            Umiling-iling na lang ang nanay ni Wilfredo.

Friday, November 18, 2011

PINAPARINGGAN

            Nang unang magkita si Joseph at Manny, alam na nila sa sarili nilang hindi agad sila magkakasundo. Mayaman si Joseph at mahirap naman si Manny. Sobrang magkaiba ang kanilang mundo. Ngunit taliwas sa kanilang inaasahan, mabilis silang nagkapalagayan ng loob at naging matalik na magkaibigan. Sa sobrang lapit nila sa isa't isa, maraming mga bagay ang sabay nilang ginagawa. Tulad ng pagkain, paliligo at pagtulog. Daig pa nila ang samahan ng ibang magkakapatid. Ngunit ang lahat ng ito ay nagbago ng nagsimulang magparinig si Joseph kay Manny.

           "May mga tao talaga na napakainggitero. Hindi nila matanggap na mas angat ka sa kanila. Alam mo yon, yung tipong gagawin ang lahat madaig ka lang. Wala talagang utang na loob. Lumayo-layo ka nga sakin baka masaktan lang kita eh" ang sabi ni Joseph habang nakatingin sa kung saan.

           "Ako ba pinariringgan mo?" tanong ni Manny.

           "Bakit, sinabi ko bang ikaw ang tinutukoy ko? Napakaguilty mo naman pare. Napaka-assuming mo. Paano mo naman nasabi na ikaw ang pinaparinggan ko?"

           "Eh sira-ulo ka pala eh. Tayong dalawa lang naman ang nastranded sa isla na 'to simula nung nagcrash yung sinasakyan nating eroplano"

Wednesday, November 16, 2011

ANGHEL

          "Totoong may anghel"

          Yan ang madalas na sinasabi sakin ng girlfriend kong si Ingrid bago sya namatay. Kapag tinatanong nya ako kung naniniwala ba ako sa sinasabi nya, umuoo lang ako. Pero sa totoo lang, hindi ko alam kung meron ba talaga o wala. Ayoko lang sumama ang loob nya lalo na't alam kong may taning na ang buhay nya dahil sa cancer. Sabi ni Ingrid na ang mga anghel daw ang ipinapada upang magligtas sa atin sa panahon ng kapahamakan. Kung totoo man sila, bakit nila hindi iniligtas si Ingrid? Bakit nila hinayaang mamatay ang babaeng minamahal ko? Pero siguro wala silang kasalanan. Dapat mangyari kung ano ang itinakda.

          Nang mamatay si Ingrid, nawalan ako ng gana sa buhay. Marami akong naging tanong. Bakit sya pa? Bakit hindi na lang yung masasamang mga tao? Bakit kinuha sakin yung kaligayahan ko? Talagang nabadtrip ako. Sobrang mahal ko si Ingrid. Mahal ko sya kapantay ng pagmamahal ko sa nanay ko. Mataas ang respeto ko sa kanya. Sinabi ko sa sarili ko na hindi ako makikipagtalik sa kanya hanggang hindi kami nagpapakasal. Sobrang hirap ng ganon pero kinaya ko. Kinaya ko dahil nirerespeto ko sya. Ganon ang gusto nya kaya handa akong maghintay. Kaso lang wala pala akong dapat hintayin kasi namatay sya agad.

          Para makaganti sa tadhana, naisip kong maghahanap ako ng malanding babae tapos pagsasawaan ko. Lahat ng pagpipigil na ginawa ko noon, sa kanya ko ibubuhos.  Ayokong kumuha lang ng bayarang babae. Ayokong pumutol sa ganon dahil baka makakuha ako ng sakit. Mas trip ko yung syosyotain na babae para ako lang ang gagalaw sa kanya. Atleast sa paniniwala ko na ako nga lang dahil sakin sya.

          Hindi naman naging mahirap ang paghahanap dahil ang ideya ay nagmanipesto sa katauhan ng bago naming kapitbahay. Isang tingin ko palang sa kanya, nakasulat na sa buo nyang katawan ang mga katagang "PWEDE MO AKONG ISKORAN". May kahalayan sya manamit at mukhang nanlalambot. Magandang kombinasyon ng katangian para sa babaeng gusto mong gawan ng masama. Lala ang pangalan nya. Tama naman ang hinala ko sa kanya dahil hindi nya ako pinahirapan. Ilang pangbobola lang at naging girlfriend ko agad sya.

          Maraming mga pagkakataon na nagpapaiwan ako sa bahay pagaalis ang pamilya namin para masolo ko ang lugar. Syempre kapag mag-isa lang ako, pwede kong papuntahin si Lala doon at gumawa ng kung anong kolokohan. Malandi si Lala. Siya mismo ang nagpapakita sakin ng motibo. Yung mga hawak nya sa binti ko. Yung mahahalay nyang mga yakap. Gusto nya talagang merong mangyari samin. Gusto ko rin naman pero sa bawat pagkakataong gagawin ko na ang plano ko, parang halimaw na kinakain ng alaala ni Ingrid ang isipan ko. Naririnig ko yung boses nya na nagsasabi ng "Huwag". Nagi-guilty ako. Palaging hindi ko nagagawa yung kakaguhan na plano kong gawin nang pinasok ko ang relasyon namin ni Lala.

         Isang araw, nasabi sakin nung isa sa mga tropa ko, na nasabi rin sa kanya ng isa sa mga tropa namin, na nasabi lang rin doon ng isa sa mga tropa namin, na yung tropa naming si John ay naka-score kay Lala. Parang hindi na ako masyadong nagulat dahil halata naman sa ugali ni Lala na may kakayahan syang gawin ang ganong bagay. Pero yung ginawa sakin ni John, nakakalalaki 'yon. Binangasan ko agad yung mukha nya nang magkita kami. Hindi naman siya pumalag dahil malamang alam nya na kung bakit ko sya binanatan. Nakipaghiwalay na ako kay Lala ng hindi man lang nakakaisa at kinalimutan ko naman yung pagkakaibigan namin ni John.

         Makalipas ang dalawang linggo, umalis na sila Lala sa lugar namin. Ewan ko bakit pero sabi-sabi ng iba na hindi na raw trip ng mga kasamahan nya yung lugar namin kaya hahanap sila ng medyo mas matinong lugar. Pero kung ano man yung dahilan ng pag-alis nila, wala na akong pakialam. Mabuti na nga 'yon ng mabawasan na yung nagpapainit sa ulo ko sa lugar namin. At salamat na rin kasi wala nang matitira si John dahil umalis na yung inagaw nya sakin.

         Makalipas ang tatlong linggo, hindi ko inaasahang lalapitan ako ni John para makipag-usap. Malungkot yung itsura ng mukha nya. Hindi ko naman sya tinabla dahil baka hihingi sya ng tawad. Alam kong may lamat na yung pagkakaibigan namin pero baka maayos ng konti kung magpapakumbaba sya. At tulad naman ng inaasahan ko, humingi nga sya ng tawad. Pero ko hindi inaasahan yung mga sumunod nyang sinabi. Nagdonate daw sya ng dugo mga ilang araw na ang nakalipas. Madalas nya namang ginagawa 'yon. Pero kakaiba ngayon, sa unang pagkakataon ay tinawagan sya ng blood bank para sabihin na may problema... HIV positive ang dugo nya. Pina-clear nya pa raw sa mga taga-laborotoryo doon kung sa kanya talagang dugo yung nagpositive dahil matagal na syang nagdo-donate pero ngayon lang nangyari ito. Nakumpirma namang positive nga sya. Hinala nyang nakuha nya ito sa pakikipagtalik kay Lala. Ito lang kasi ang babaeng nakatalik nya sa nakalipas ng buwan. Kinausap nya pala ako para sabihin sakin na dapat akong magpablood test para malaman ko kung HIV positive na rin ako. Naisip ni John na dahil girlfriend ko noon si Lala, malamang ay nahawa na rin ako nito kung ito man yung nakahawa sa kanya. Sa isip ko, bigla akong napadasal at nagpasalamat sa Diyos. Hindi ako relihiyoso pero alam ko Sya ang nagligtas sakin. Hindi ako sigurado sa mga anghel pero alam kong may Diyos.

            Matagal ko na sana pinatulan si Lala kung hindi lang dahil sa mga alaala ni Ingrid. Dahil na rin pakiramdam ko ay nailigtas ako sa kapahamakan ay mas naging relihiyoso ako. Nalaman ko na rin ang tungkol sa mga anghel. Tama pala si Ingrid, totoo sila. Pero nagpapasalamat ako na kahit sa panahong hindi pa man ako naniniwala sa kanila ay nagsilbing anghel ang alaala ni Ingrid sa buhay ko. Hanggang ngayon sa puso ko, itinuturing ko pa rin syang isang anghel.

Monday, November 14, 2011

LIWANAG

              Sabi noon ng tatay ko bago sya mamatay na tumingin lang daw ako sa langit kapag nadidiliman ako. May liwanag daw akong makikita kapag ginawa ko 'yon. Pero ngayon, kahit anong tingin ko sa langit ay wala akong makitang liwanag. Oo nga't gabi ngayon ngunit kahit buwan at mga tala ay hindi ko makita. Gusto ko silang makita. Sabi kasi ng iba na kasama na raw ng mga tala ang mga pumanaw na tao. Marami akong mga problema ngayon. Kung kasama na ng mga tala ang tatay ko, sana man lang masilip ko sya ngayon doon sa kalawakan at masilip nya naman ako dito sa lupa. O kahit wala pa sya doon, basta gusto ko lang makakita ng liwanag mula sa langit. Pero sa kapal ng mga ulap at sa simoy ng hangin, malaki ang posibilidad na umulan. Mukhang wala talaga akong makikitang liwanag mula sa langit sa ganitong klase ng panahon. Kung mananatili pa siguro ako ng mas matagal dito, baka abutan pa ako ng ulan. Siguro dapat na akong pumasok sa loob ng bahay. Nagkamali lang siguro ang tatay ko ng sinabi nyang tumingin lang ako sa langit kapag nadidiman ako dahil minsan, kung minsan, pinagdadamot talaga ng langit ang liwanag sa pinakamadilim na parte ng buhay mo. Pero bago pa man tuluyang matapos ang aking pagtingala ay biglang kumidlat. Isang matinding kidlat na nagpaliwanag sa buong paligid na animo'y umaga. Kasunod nito ang tunog ng napakalakas na kulog na tila sumisigaw ng "Hindi pa ba sapat ang liwanag na yan?"....

Thursday, October 27, 2011

IMAHE


                “I’m sorry” umiiyak na sinabi ni Jane.
                “Bakit?”
                “Mark, hindi ako yung tamang babae para sa’yo”
                “Nakikipaghiwalay kaba sakin?”
                “Sorry talaga”
                “Jane, wag mong gawin ‘to, mahal na mahal kita...”
                Hindi pa man tapos magsalita si Mark ay pinutol na ang usapan nila sa cellphone. Dumeretso agad si Jane sa banyo. Hanggang doon ay wala pa rin tigil ang kanyang pag-iyak. Tinodo nya ang bukas ng gripo. Hinubad nya ang kanyang mga suot. Kahit hindi pa puno ang timba ay sumalok agad sya ng tubig at ibinuhos sa kanyang katawan. Gigil na gigil nyang kinuskos ang kanyang balat.
                “Napakarumi kong babae...”

                Nag-ring ang cellphone ni Jane.  Si Anna ang tumatawag. Inisip nya kung sasagutin nya pa ba ito o hahayaan nya lang mag-ring. Kaso baka may importanteng sasabihin kaya’t sinagot nya na lang.
                “Jane?”
                “Anna”
                “May something ba? Sabi ni Mark nakipaghiwalay ka daw sa kanya”
                “Anna...”
                “Dear, ano ba yon? Baka may maitutulong ako?”
                Biglang umiiyak si Jane.
                “Tell me, handa akong makinig”
                “Anna, ibinenta ko yung pagkababae ko”
                Nabigla si Anna sa narinig. Hindi agad sya nakapagsalita.
                “Jane, ayaw kitang husgahan, pero bakit?
                “Kailangan ko ng pera. Gusto kong magaral. Akala ko after that wala na. Pero ngayon, ang dumi-dumi ko...”
                Lalong tumindi ang pagiyak ni Jane. May iba pa syang mga sinasabi ngunit hindi na maintindihan dahil sa kanyang paghagulgol.
                “Okay, calm down, calm down...”
                Hinintay ni Anna na medyo tumigil ito sa pagiyak.
                “Jane, sino yung lalaki?”
                “Hindi ko alam kung pwede kong sabihin. Sabi nung bakla dapat confidential ‘to”
                “Sinong bakla?”
                “Yung nagbugaw sakin”
                “Shit Jane, bestfriend mo ako. Wala ka bang tiwala sakin?”
                “Hindi naman sa ganon pero... pero... sige, ang totoo si Mayor yung lalaki”
                “What!”              
                “Sobrang nagsisisi ako Anna. Anong dapat kong gawin?”
                “Nangyari na ‘yon. Hindi mo naman pwedeng kasuhan ng rape dahil hindi ka naman ni-rape. Linggo naman bukas, magsimba tayo. Humingi ka ng tawad. Sa tingin ko ‘yon ang pinakamaganda mong gawin para sa sarili mo”
                “Nakakahiya...”
                “Sa Kanya ka pa ba mahihiya?”
                “Anna, salamat at nandyan ka...”

                Kinabukasan, taimtim na nagdadasal si Jane sa bandang likuran. Ganon ata talaga kapag pakiramdam mong makasalanan ka, gusto mong sa likuran ng simbahan umuupo. Halos hindi na iniintindi ni Jane yung mga sinasabi ng pari, basta hingi lang sya ng hingi ng kapatawaran.
                Lumipas ang isang oras at natapos ang pinakapaksa ng pari. Bigla namang nabanggit nito ang tungkol sa lumalawak na prostitusyon.
                “May pagkukulang ang maraming mga magulang kaya’t nangyayari ito. Ngunit hindi lamang sa mga magulang nagtatapos ang lahat. Kailangan natin ng suporta ng gobyerno. Kailangan natin ng mga taong nasa pwesto na lalaban dito. Kaya naman ako’y lubos na nagpapasalamat ng sabihin sakin ng ating butihing Mayor na handa syang labanan ito” sabi ng Pari sabay turo kay Mayor.
                Tumayo si Mayor at kumaway-kaway sa mga tao. Nakaupo pala ito sa bandang harapan ng simbahan.  Nagpalakpakan ang mga tao. Makikita sa kanyang proud sya sa kanyang hangarin.  Makikita sa kanyang proud syang lalaban nya ang prostitusyon.

Thursday, October 20, 2011

KASAL


                   “Oh bakit mukhang malungkot ka Klariza, hindi ba dapat masaya ka dahil ito ang araw ng iyong kasal?”
                Nagbigay na lamang ng pilit na ngiti ang dalaga sa naglalagay ng make-up sa kanya. Hindi masaya si Klariza. Hindi nya mahal ang lalaking pakakasalan nya. Pinilit lamang sya ng kanyang mga magulang na pakasalan ito dahil mayaman ang pamilya ng lalaki.
                “Kamusta na ang mapapangasawa ko?” tanong ni Gerome pagpasok sa kwarto kung saan inaayusan si Klariza.
                 “Nako Sir, hindi nyo pa dapat makita ang mapapangasawa nyo, malas po yon”
                “Hindi ako naniniwala sa mga pamahiin” sagot ni Gerome. “Manang, pwede bang iwanan nyo muna kami ni Klariza. May sasabihin lang ako sa kanyang mahalaga”
                Lumabas ang babae upang makapagusap ang dalawa.
                “Ngumiti ka nga!”
                “Bakit ako ngingiti eh hindi naman ako masaya”
                “Bahala ka kung anong gusto mo. Pero gusto ko lang sabihin sa’yo na kung inaasahang mong pupunta mamaya si Vic para pigilan ang kasal, kalimutan mo na yon. Hindi sya darating. Binayaran ko sya ng isang milyong piso para kalimutan ka. Tinanggap nya yon. Balita ko lumuwas na sya patungong Maynila. Nakakatawang isipin na may katumbas na presyo ang pagibig nya sa’yo”
                “Hindi totoo ang sinasabi mo”
                “Totoo ang sinasabi ko. Kaya kalimutan mo na sya. Pagaralan mo na akong mahalin dahil ako na ang mapapangasawa mo”
                Pagkatapos magusap ay iniwan na ni Gerome si Klariza sa kwarto. Umiyak ang dalaga. Hindi sya makapaniwa sa kanyang narinig.
                Dumating na ang oras para magisang-dibdib sila Klariza at Gerome. Habang dinaraos ang kasal ay patuloy na umaasa si Klariza na darating si Vic at pipigilan ito. Ngunit natapos ang kasalan at walang Vic na nagpakita. Marahil tama si Gerome, may katumbas nga na halaga ang pagibig nito sa kanya.

                Kinagabihan, habang nagpapahangin si Klariza sa hardin nila Gerome ay may tumawag sa kanyang pangalan. Pamilyar ang boses na yon. Hindi sya pwedeng magkamali, boses yun ni Vic. Tumingin-tingin sya sa paligid. Sa likod ng istatwang anghel ay nakita nyang nagtatago si Vic. Nilapitan nya ito.
                “Klariza, sumama ka na sakin, lumayo na tayo dito”
                “Vic, hindi ko na yon magagawa, kasal na ako kay Gerome”
                “Pero hindi mo sya mahal, ako ang mahal mo, at mahal naman kita”
                “Kung mahal mo ako, dapat hindi mo tinanggap ang isang milyong ibinigay sayo”
                “Ano? Wala kong tinanggap na isang milyon”
                “Pero wala ka pa ring ginawang paraan para maitakas ako o pigilin ang kasal. Tapos na ang lahat Vic. May asawa na ako. Patawad”  naiiyak na sinabi ni Klariza sabay patakbong bumalik sa bahay nila Gerome.
                Sa loob ng bahay, nang makita ni Klariza si Gerome ay agad nya itong sinampal.
                “Niloko mo ako” sabi ni Klariza. “Ang sabi mo binayaran mo si Vic ng isang milyon para layuan ako, pero ang totoo ay hindi nya pala ako pinagpalit sa pera”
                “Sino nagsabi sa’yo nyan?”
                “Nakausap ko si Vic kaya alam kong nagsisinungaling ka”
                “Kelan mo sya nakausap?”
                “Kanina lang”
                “Hindi yon maari, nung isang araw ko pa sya pinatay”

Friday, September 30, 2011

Masamang Magnakaw

                Masayang nagkekwentuhan sila Kaloy at Berto. Dalawa lamang sila sa bahay nila Berto dahil may pinuntahan ang pamilya nito. Medyo ginutom si Berto kaya’t nagpaalam muna ito na bibili lang ng meryenda sa kanto. Naiwang mag-isa si Kaloy.
            Kanina pa tingin ng tingin si Kaloy sa isang teddy bear sa loob ng bahay nila Berto. Naisip nyang kung kukunin nya ito, siguro naman ay walang maghahanap. Mukha namang mumurahin lang ang laruan. Ngayon ang kaarawan ng nakababata nyang kapatid na si Ruth at maaari nyang ibigay ito bilang regalo.
            May nagsasabi sa isipan ni Kaloy na masamang magnakaw. Ngunit may nagsasabi rin sa isipan nyang magiging masaya si Ruth kapag nakatanggap ng regalo. Mas nanaig sa isipan nya ang mapaligaya ang kapatid kaya’t ninakaw nya ang laruan. Agad syang umalis sa bahay nila Berto.
           
            Pag uwi ng bahay ay agad na inabot ni Kaloy ang laruan sa kapatid.
            “Ruth, regalo ko sa’yo. Happy birthday”
            “Wow. Ang ganda naman nito. Salamat kuya”
            “Basta pag may pumunta ditong ibang tao, bago mo patuluyin, itago mo muna itong laruan ah”
            “Bakit po kuya?”
            “Maganda kasi to eh. Pag nakita nila, baka mainggit sila at kuhain nila ito mula sa’yo”
            Kinailangang sabihin ni Kaloy ‘yon sa kapatid bilang pagiingat. Baka kasi biglang pumunta si Berto sa bahay nila at makita ang laruan. Malalaman pa nitong nagnakaw sya.
            “Malinaw ba ‘yon Ruth?”
            “Pero bigay mo ‘to sakin kuya. Kung kukunin nila ito dahil lang naiinggit sila, ibig sabihin magnanakaw sila” sagot ni Ruth. “Diba’t masama magnakaw kuya?”
            Medyo tinamaan si Kaloy sa sinabing ‘yon ng kapatid.
            “Oo, masama magnakaw” pagsang-ayon ni Kaloy. “Kaya wag mo na silang bigyan ng dahilan para mainggit. Wag mo na lang yan ipakita sa iba”
            “Sige po kuya”
            Nang makumbinse ni Kaloy ang kanyang kapatid ay umalis muna ito upang makipaglaro ng basketbol sa kabilang baranggay.

            Ilang malalakas na katok ang narinig sa bahay nila Kaloy. Sumilip si Ruth sa bintana upang alamin kung sino ito. Marami sila. Hinahanap nila si Kaloy.
            “Nandyan ba si Kaloy?”
            “Wala po eh, umalis. Balik na lang po kayo mamaya”
            “Kapatid ka ba nya? Palabasin mo na yung kuya mo”
            “Wala nga po eh” giit ni Ruth. “Sino po ba kayo?”
            “Tito ako ni Berto. May itatanong lang ako sa kanya”
            “Sandali lang po ah. Yung tatay ko na lang ang kausapin nyo”
            Hinayaan lang ni Ruth na maghintay ang grupo ng kalalakihan sa tapat ng kanilang bahay. Kinuha nya ang teddy bear at umakyat sa kanilang kwarto. Ginising nya ang kanilang ama.
            “Tay, may naghahanap po kay kuya”
            “Asan ba ang kuya mo?”
            “Umalis po eh. Makikipaglaro po ata ng basketbol”
            “Edi sabihin mo umalis”
            “Sinabi ko na po pero ayaw pa rin nilang umalis”
            “Sino ba sila?”
            “Tito daw po ni Kuya Berto yung isa”
            Bumangon ang tatay nila Kaloy. Bumababa ito at kinausap ang grupo ng kalalakihan mula sa bintana.
            “Pakilabas ho si Kaloy”
            “Wala dito ang anak ko”
            Hindi naniniwala ang mga ito na wala doon si Kaloy. Napikon na ang nagpakilalang tito ni Berto at naglabas ito ng baril. Tinutukan nya ang ama ni Kaloy. Agad naman itong lumayo mula sa bintana. Pinagtatadyakan ng grupo ng kalalakihan ang pinto at pilit itong binubuksan. Nagulat ang mga kapitbahay sa mga nagaganap ngunit walang naglakas-loob na makialam. Naglabas kasi ng baril ang mga ito at nagbabala na mapapahamak ang sinumang magsusumbong sa mga pulis. Kakatadyak ay nagtagumpay sila na mabuksan ang pinto. Agad nilang hinalughog ang lugar. Nagkasira-sira ang mga gamit nila Kaloy. Nang hindi nila matagpuan ang kanilang hinahanap ay umakyat sila sa kwarto. Doon ay nakita nila ang mag-amang nanginginig sa takot. Hawak-hawak ni Ruth ang teddy bear na ibinigay sa kanya ni Kaloy. Kinuha ito ng isa sa mga lalaki.
            Pag-uwi ni Kaloy ay inabutan nya pa ang grupo ng kalalakihan sa loob ng kanilang bahay.
            “ANONG GINAGAWA NYO SA BAHAY NAMIN?”
            Isang palo ng baril sa ulo ang tinanggap ni Kaloy at nawalan sya ng malay.

            Nagising si Kaloy sa isang lumang warehouse. Magkatali ang kanyang mga kamay sa likod. Nang mapansin ng isa sa mga lalaki na gising na sya ay tinawag nito ang atensyon ng iba.
            “Pare, gising na yung bisita natin”
            “Anong kailangan nyo sakin?” tanong ni Kaloy.
            “Asset ka ng mga pulis no?”
            “Hindi ko alam ang sinasabi mo”
            Tinadyakan sa mukha si Kaloy. Babanatan pa dapat sya nung isang lalaki ngunit napigilan ito dahil sa pagdating ng isang van. Bumaba sa van ang ilang kalalakihan. Nakipagkamayan sila sa mga nangdakip kay Kaloy.
            “Pare, handa na ba yung pera?”
            “Syempre naman” sagot ng lalaki sabay pinalapit ang isa sa kanyang mga kasama. “Pakita mo yung laman ng briefcase sa kanya”
            “Kumpleto naman ‘to diba?”
            “Kelan ba kami nagkulang? Teka, nasan na ba yung epektos?”
            Kinuha nung lalaki yung teddy bear na kanina’y ninakaw ni Kaloy at inabot ito sa mga lalaking bumaba sa van.
            “Double-check mo kung gusto mo”
            May zipper pala sa likod yung manika at binuksan ito ng lalaki. Nakapaloob dito ay drogang nakabalot sa plastic. Doon lang nalaman ni Kaloy kung bakit galit na galit sa kanya yung mga lalaki.
            Maya-maya pa’y may nagsalita ng malakas mula sa isang megaphone.
            “WALANG KIKILOS NG MASAMA. MGA PULIS ‘TO. NAPAPALIGIRAN NA NAMIN ANG BUONG LUGAR”
            Biglang tinutukan ng baril ng mga lalaking bumaba sa van ang mga lalaking nangdakip kay Kaloy. Nangtutok na rin ng baril ang mga lalaking nangdakip kay Kaloy. Bago pa sila tuluyang magkaputukan ay nagpasukan na sa lumang warehouse ang grupo ng mga pulis. Sumuko na lamang ang mga lalaking nangdakip kay Kaloy. Inaresto sila ng mga pulis. Kasama ring inaresto si Kaloy. Kasabwat pala ng mga pulis ang mga lalaking bumaba sa van.

            Sa presinto, paulit-ulit na sinasabi ni Kaloy na hindi sya kasabwat ng ibang mga lalaki.
            “Sir, hindi ko po talaga kilala yang mga yan” sabi ni Kaloy. “Itinali pa nga po nila yung mga kamay ko”
            Hindi naman sa kanya naniniwala yung mga pulis dahil ayon sa ibang mga nahuli ay magkakagrupo sila. Marahil gusto na lang mandamay ng mga ito kaya nila sinasabi ang bagay na ‘yon. Nagtataka naman sila Kaloy kung bakit hindi nila kasama ngayon yung ibang mga nahuli kanina. Siguro mga pinuno ‘yon ng sindikato at maraming matataas na koneksyon.
            Kasama sa mga ikinulong si Kaloy. Hindi nya lubos maisip na ang pinag-ugatan lang ng lahat ng ito ay ang pagnanakaw nya ng isang mumurahing laruan. Nagsisisi sya kung bakit nya pa ginawa ‘yon. Nagsisisi sya kung bakit hindi sya nakinig sa kanyang konsensya. Ngunit huli na ang lahat. Hindi nya na maibabalik ang panahon.
            Lumipas ang ilang oras at may dumating na dalaw si Kaloy. Kapitbahay nila ito.
            “Pare, bakit ikaw lang? Nasaan yung pamilya ko?”
            “Yung tatay mo hindi na pumunta dito dahil sa sama ng loob?”
            “Eh si nanay? Kamusta sya?”
            “Pare yun nga ang pinunta ko dito” sagot ng lalaki “Pagkagaling nya kanina sa pagtitinda, nagulat sya nung mabalitaan yung nangyari sa’yo. Pare, nasa ospital sya ngayon dahil sa atake sa puso...


Ito ay aking lahok para sa kategoryang Maikling Kwento ng Saranggola Blog Awards 3 



Monday, September 12, 2011

HULOG BARYA

       Naglalakad si Ernesto sa kalsada nang makita nya sa di kalayuan si Tina, ang seksing bagong lipat sa kanilang lugar.  Makakasalubong ni Ernesto si Tina kaya sobrang kinikilig sya, sa sobrang pagkakilig niya ay nahulog mula sa kanyang kamay ang hawak nyang barya. Bago pa tuluyang mapulot ni Ernesto ang mga nahulog na barya ay agad namang yumuko si Tina para pulutin ang mga ito.
      "Nahulog yung mga barya ko" sabi ni Tina.
       Gusto pa sanang umaangal ni Ernesto pero hindi nya na lang ginawa dahil sexy naman si Tina. Bonus pa dito na nabosohan nya ito habang pinupulot nito ang mga barya. Nakita niya ang cleavage at bra nito kaya enjoy si mokong.
       Kinabukasan, makakasalubong na naman ni Ernesto si Tina sa parehong kalsada. Napaisip si mokong, paano kaya kung sadyain nyang maghulog ng barya kapag malapit na si Tina, aangkinin nya kaya ulit ito at pupulutin? Kapag ginawa yun ni Tina, siguradong busog na naman ang mga mata ni Ernesto. Naghulog ng mga barya si Ernesto. Katulad ng inaasahan, inangkin ito ni Tina at pinulot. Mas maluwag yung sa leeg ng damit ni Tina ngayon kumpara sa suot nya kahapon kaya mas maganda ang view ni Ernesto. Nagulat si Ernesto sa kanyang nakita, walang suot na bra si Tina kaya litaw na litaw ang dalawa nyang malulusog na... alams na. Nang mapulot na ang lahat ng mga barya ay dumetso na ng lakad si Tina, si Ernesto naman ay tumingin pa sa pwet ng babae at sinipat kung may suot ba itong panty. Kahit anong sniper-mode nya sa suot nitong hapet na leggings ay wala talaga syang makitang bumabakat. Wala atang suot na panty si Tina.
       Kinabukasan ulit, parehong senaryo, magkakasalubong na naman ang dalawa. Medyo mas exciting lang ngayon dahil naka micromini skirt si Tina. May mas magandang ideya si Ernesto para sa pagkakataong ito, maghuhulog agad sya ng barya medyo malayo palang si Tina tapos pepwesto sya sa likod nito para pagyumuko bosong-boso agad yung panty ng babae.
       "Tina, nahulog yung mga barya mo" sabi ni Ernesto. "Gumulong sila don oh"
       "Ay, oo nga sakin nga yon, salamat ah, sige pupulutin ko lang" sagot ng babae.
      Lumakad na medyo papalayo si Tina kay Ernesto. Excited na si mokong lalo na't sa tingin nya'y walang suot na panty kahapon si Tina, at kung ngayon pa ito walang suot ng panty habang naka-micromini skirt, tiba-tiba nito si mokong. Nakapwesto na ngayon si Ernesto sa likod ni Tina at nagaabang na yumuko ang babae. Pagyuko ni Tina para pulutin ang mga barya, nagulat na lamang si Ernesto sa kanyang nakita... wala itong suot na panty ngunit hindi pala dapat panty ang suotin nito kundi brief.

Sunday, August 21, 2011

MAN'S BESTFRIEND


             Noong unang panahon, hindi pa magkakaibigan ang mga tao at ang mga aso, galit sila sa isa't isa. Isang araw, may lalaking nagngangalang Bantay ang naglalakad sa daan, nakakita sya ng isang asong sugatan, usually sa mga panahong yon ginagawa na yong asusena, pero dahil naawa si Bantay ginamot nya ito. Natuwa naman sa kanya ang babaeng asong nagngangalang Kuting, oo, yon ang pangalan na aso na to, walang pakialaman ng istorya, sa tuwa nya ay dinilaan nya si Bantay sa mukha. Nasarapan naman si Bantay sa pagdila nito kaya pinadilaan nya na rin dito ang kanyang dalawang itlog... heheheh... oo, kasi galing sya sa sari-sari store non, bumili sya ng itlog. Umuwi si Kuting sa lugar ng mga aso at binalita ang kabutihang ginawa sa kanya ng isang tao. "Bow wow wow" ang sabi ni Kuting. "Grrrrrrr.... baw wow" sagot ng isa sa mga aso. Shit, wala akong maintindihan, buti na lang at may katulong akong aso habang sinusulat ko tong kwento, sya ang nagsisilbing interpreter ko. Ang sinabi pala ni Kuting ay "nasugatan ako at may tumulong saking tao, mababait naman pala sila, dapat wag na tayong magalit sa kanila", oo, ganon talaga kahaba ang translations nyon, kung may tutol ka, magreklamo ka dito sa asong tumutulong sakin sa pagsusulat. Ang sinabi naman pala ng isa sa mga aso ay "Grrrrrr... di ako naniniwala, nagpapanggap lang yon". Si Kuting ay lubhang natuwa sa taong tumulong sa kanya kaya kinabukasan ay bumalik sya sa lugar kung san sila nagkita ni Bantay, pero di nya pa alam na Bantay pala ang pangalan nito. Kinabukasan, naglalakad si Bantay at nakita nya si Kuting, "Aba, ito yung aso na nakita ko kahapon ah, mukhang okay ka, alam mo galit lang naman kaming mga tao sa mga aso dahil ang hilig nyong mangagat, pero buti ka pa mabait ka.. anyways dog, ako pala si Bantay" ang sabi ni Bantay. Lumipas ang mga araw na nagkikita sila sa parehong lugar kaya nagi silang matalik na magkaibigan. Isang araw paguwi ni Kuting sa lugar ng mga aso, "What's up dog? Balita ko bestfriend mo na ngayon yung taong laging nakikipagkita sayo" sabi ng isa sa mga aso. "Yeah dog, at ang pangalan nya ay Bantay, oh wait, nasusuka ata ako" ayon kay Kuting. "Teka lang Kuting, umamin ka nga samin, buntis ka ba? Sino sa mga aso ang ama?" tanong ng tatay ni Kuting. "Tay, hindi aso ang ama, kundi si Bantay" nakakabiglang sagot ni Kuting. Sa totoo lang, hindi naman sya sure kung kay Bantay nga yon kasi malanding aso to si Kuting, pero kung sa point of view ng science, syempre walang mabubuo sa kanila ni Bantay, pero it won't change the fact na pumatol si Bantay sa aso. "Ngayon sabihin mo samin, ano bang pakiramdam nung.. you know?" tanong ng isa. "Actually, it felt great" sagot naman ni Kuting. Nagusap-usap ang mga aso. "Napagkasunduan ng lahat na tayo'y magigi nang man's bestfriend upang maranasan rin natin ang naranasan ni Kuting" sabi ng leader ng mga aso. Simula non naging mabait na ang mga aso sa mga tao, umaasang gagawin din sa kanila ng ibang mga tao ang ginawa ni Bantay kay Kuting. Ang mga tao naman ay naging mabait na sa mga aso kasi hindi na sila nangangagat sa panahong iyon, wag mo lang gugutumin at tatapakan ang buntot, ibang usapan na yon. Kung mapapansin mo, iba ang naging epekto sa mga lalaking aso ng pangpependehong ginawa ni Bantay sa kalahi nila, nagi silang frustrated sa mga tao, tignan mo, minsan kahit nakatayo ka lang, kakastahin nila yung binti mo. The end.

Sunday, January 16, 2011

PAMILYA

        Isang tawag ang natanggap ni Roel mula kay Roger, may masamang balita daw tungkol sa kanilang ama, mas mabuti raw kung ipapaliwanag nya ito ng personal. Tinawagan din ni Roger si Mario upang sabihin ang parehong mensahe. May kanyang-kanya ng pamilya si Roel at Mario, si Roger na lamang ang nanatili sa piling ng kinikilala nilang ama. Nang marinig nila ang mensahe ay dali-dali silang pumunta sa bahay nito.       "Roger, anong nangyari kay Papa? Nasaan na sya, may sakit ba sya?" sabi ni Roel.
       "Anong balita ba yung sasabihin mo tungkol sa kanya?" sabat naman ni Mario.
       "Nandon lang sya sa kwarto nya, at maayos ang kalagayan, pero masamang balita, narinig kong pinagusapan nila nakaraan ni attorney na wala daw sating iibigay na mana, lahat daw ng kayamanan ay ipamimigay lang sa mga charities"
Hindi makapaniwala ang dalawa sa kanilang narinig, hindi sila makapaniwala na magagawa ito ng kinikilala nilang ama. Ang tatlo ay pare-pareho lang na inampon ng mayamang si Don Miguel, hindi ito pinalad magkaanak sa nasira nyang asawa, wala sa tatlo ang tunay na magkadugo.
       "Hindi ko hahayaan na walang kayamanang mapunta satin, bago nya pa tuluyang magawa ang pinaplano nya, papatayin ko sya" sabi ni Mario.
Tahimik lang Si Roel at Roger, mukang walang tutol sa planong pagpatay na gagawin ni Mario sa ama.
      "Nasan sya?"
      "Nandon sa kwarto"
      "Ayoko kong madungisan ang kamay ko, papanoorin na lang kita".
      "Sige, bala kayo, takpan mo ng unan habang natutulog kung gusto mo, ako na ang bahala sa katiwala nating si Mang Lino, wag kayong kikilos hanggat wala pa akong sinasabi" sabi ni Roger.
Hinanap ni Roger si Mang Lino, nung makita ito ay kinausap nya.
      "Mang Lino, hindi na namin kailangan ang serbisyo mo, bilang kabayaran sa matapat mong paglilingkod, tanggapin mo to".
Inabot ni Roger ang isang bag na punong-puno ng pera at alahas.
      "Masyadong malaki ito, hindi ko to matatanggap".
      "Hindi ba't matagal mo ng gustong makauwi sa probinsya nyo, ayan na ang pera, umuwi ka na, sobra-sobra pa yan, dahil kung hindi mo yan tatanggapin, papaalisin kita na walang dala na kahit ano".
Umalis si Mang Lino dala ang bag na puno ng pera at alahas, si Roger naman ay bumalik sa kanyang mga kapatid upang sabihin na handa na ang lahat.
      "Napaalis ko na si Mang Lino, tara, puntahan na natin yung matanda sa kwarto"
Pumunta ang tatlo sa kwarto ni Don Miguel, unang pumasok si Mario at sumunod si Roel, laking gulat nila sa kanilang nadatnan, magulo ang loob ng kwarto at ang taong dapat ay papatayin palang nila ay patay na. May tama ito ng bala sa kanyang ulo. Hindi nila maintindihan ang lahat. Tatanungin pa lang nila si Roger kung ano ang nangyari ng biglang pagbabarilin sila nito sa ulo mula sa likod.
      "Wala na kayong dapat patayin, kanina ko pa sya pinatay, at ayokong may kahati sa mana, ngayon magkakasama na kayo sa impyerno".
Pagkatapos maitago ang baril na ginamit nya sa pagpatay, tumawag si Roger sa pulis upang ibalita ang krimen na nangyari sa kanilang tahanan. Inabutan ng mga pulis ang tatlong bangkay sa loob ng napakagulong kwarto. Maraming pera at alahas ang nawawala, at kahina-hinala ang biglang pag-alis ni Mang Lino sa araw ding yon....

Saturday, January 1, 2011

ALAMAT NG PANGIT

          noong unang panahon may hari na sobrang hindi kaaya-aya ang itsura at sya'y walang pangalan. isang araw, sya'y nakapagdesisyon na magkaron ng pangalan, pinagutos nya sa buong kaharian na dalan sya ng pinakamagagandang gamit na makikita sa kanyang nasasakupan, ipapangalan nya ang sarili nya sa pinakacool na madadalang gamit para astig. iniisip nya "malamang dalan ako ng mga mokong na to ng brilyante, espada, at iba pang maangas na gamit, heheheh..". dumating ang araw ng pagdadala ng gamit, suprisingly, lahat ng tao salamin ang dinala, naisip nya " bagay siguro sakin ang pangalang Salamin kaya lahat sila yun ang dinala, ako na ngayon si Haring Salamin". ngunit bago nya pa tuluyang masabi ang kanyang desisyon, napatitig syang mabuti sa salamin, nakita nya kung panong sobra-sobrang hindi kaaya-aya ang kanyang itsura at napasigaw sya ng "PANGIT". At simula non lahat ng hindi kaaya-aya ang itsura ay tinawag na pangit.

HINDI MARUNONG MAG-INGAT

              Kakatapos lang ng bagong taon, may tatlong magkakaibigan ang nanggaling sa magkakaibang ospital upang magpagamot dahil sa pinsalang natamo sa pagpapaputok, sila ay si Juan, Pedro at Pepe. Upang kalimutan ang kamalasang natamo, napag-isipin nilang maginuman. “napakamalas ko talaga pare, nagpaputok ako ng pla-pla tapos nasabugan ako sa kamay, yun, naputulan ako ng tatlong daliri” sabi ni Juan. “malas ka na ba ng lagay na yan, ako nga nagpaputok lang ng picolo, malas ko kasi naputukan ako sa kamay tapos yon, tanggal yung kaliwang kamay ko” sabi naman ni Pedro. “nagmamayabang ka ba, picolo lang natanggalan ka na ng kaliwang kamay, nagiimbento ka lang para sabihing mas malas ka sakin” pambabara ni Juan. Para mapatunayang naputulan nga sya ng kamay, pinakita ni Pedro ang kanyang kaliwang kamay, pero since putol na to, di na to nakita ni Juan, you dig. “walang hiya, totoo nga, kaya pala kanina pa nakapamulsa yang kaliwang kamay mo, akala ko naghahanap ka lang ng barya, nahihiya ka lang palang ipakita yung nangyari sayo” gulat na sabi ni Juan. Samantalang naguusap ang dalawa, nakatahimik lang na nakatingin sa kanila si Pepe. “oh ikaw Pepe, usually ikaw lagi ang nanalo sa ganto, siguro nagpaputok ka lang ng watusi pero naputulan ka ng isang buong braso no?” tanong ni Pedro. “ang sungaks mo naman Pedro, pano sya mapuputulan ng braso sa watusi, at tsaka yan yung braso nya oh, buong-buo”. Sabi ni Juan. “aba, oo nga no, nakakapagtaka lang kasi na hindi tayo natalo ngayon sa palupitan ni Pepe, ni wala nga syang naputol man lang na parte ng katawan” sabi ni Pedro. “nako mga pare koy, maingat akong magpaputok, well, ganon talaga minsan kapag hindi kayo nag-iingat, hala sige, tagay na lang tayo at kalimutan ang problema” mungkahi ni Pepe. Alam naman natin na jingle ng jingle maya’t maya ang mga nagiinuman, so nag may i go out muna si Pepe para jumingle, nagkataon namang nakaramdam din ng pagkaihi si Juan at Pedro kaya’t sinabayan na rin nila ng pag-jingle si Pepe, uso naman sa lalaki yung sabay-sabay na umihi sa isang bowl, sa babae lang hindi. Nagulat si Juan at Pedro sa nakita nila sa CR, wala silang makita kay Pepe. “pare, anong nangyari sa ano mo?” tanong ni Juan. “nahuli kasi ako ni misis na nagpapaputok sa piling ng iba, kayo yon, hindi man ako yung naputukan, naputulan din ako, pinutol nya sa sobrang galit” hiyang sagot ni Pepe. “eh ikaw pala tong hindi marunong mag-ingat sa pagpapaputok eh” insulto ni Pedro.

yun.. bawal yung sensitive.. joke lang to.. tsaka nakarinig na rin naman kayo sa news ng ganyan eh.. im just sayin..