Friday, November 25, 2011

KWENTO

                Bwisit na araw 'to. Naiisip ko na naman si Mercy. Ang hirap nyang kalimutan. Para syang sinuperglue sa pagkatao ko kaya kahit anong gawin ko pakiramdam ko sakin pa rin sya. Pero ang totoo, iniwan nya ako. Pinagpalit nya ako sa kupal nyang "bestfriend" na ang tunay na intensyon ay agawin sya mula sakin. Kaya pala madalas syang sinasamahan ni gago kung saan-saan dahil may balak palang manulot. Ito namang si Mercy nagpasulot. Magsama silang mga gago.

               Sa mga gantong pagkakataon, para mawala kay Mercy ang focus ko, sinusubukan kong magsulat ng kwento. Pero isang oras ko nang hawak ang ballpen pero ni isang salita ay wala pa akong naisusulat sa papel. Mental block. Bwisit naman talaga, bakit ngayon pa? Papalit-palit tuloy yung diwa ko kay Mercy at kung ano ba ang magandang isulat.

              Para makaisip ng magandang isusulat, nagdesisyon akong pupunta ako ng bookstore. Pag walang-wala kasi akong ma-topic doon ako kumukuha ng ideya. Paborito kong magbasa ng mga graphic novels lalo na kung tungkol kay Batman.

              Sa Cubao ako dederetso, naisip ko. Meron doon ubod ng laking National Bookstore at meron ding Fully-booked sa loob ng Gateway. Marami ako dong makikitang mga graphic novels. Ayos na doon. Hindi na ako nagbihis ng pang-alis. Ni-lock ko na lang yung bahay tapos pumara ako ng pedicab at nagpahatid sa Pureza Station ng LRT2.

             Sa loob ng tren ay marami akong nakasabay ng mga istudyante. PDA yung ilan. Napapamura ako sa sarili ko habang nakikita ko sila. Merong mga lalaking nakahawak sa safety handrails habang yung syota naman nila sa kanila nakayakap para huwag matumba. Naalala ko na naman si Mercy. Lecheng tren 'to.

             Ibinaling ko na lang yung tingin ko sa mga advertisements sa loob ng tren. Kaso sa dami ba naman ng pwedeng magadvertise doon, talagang Converse pa. Madalas akong pinupuna noon ni Mercy sa puti kong Chuck Taylor. Masyado raw madumi kaya dapat labahan ko din. Pero ayaw ko. Mas gusto ko ang sapatos kapag marumi. Rakenrol kasi yung dating. Pero kupal na tren 'to. Parang nananadya.

             Dumating sa Cubao station ang sinasakyan kong tren. Mabilis naglabasan ang maraming mga tao. Unahan agad lahat papunta sa hagdan at escalator. Nakipila ako sa escalator dahil tamad akong maglakad.

            Sa haba ng pila ay napatingin ako sa food court ng Gateway. Kita sya mula doon dahil salamin at hindi pader ang humaharang. Hindi ko inaasahan na makikita kong kumakain sa tapat mismo ng salamin si Mercy at yung kupal na nanulot sakin. Nagdilim bigla yung paningin ko.

            Tumakbo agad ako sa hagdanan. Wala na akong pakiaalam kung marami akong nababanggang mga tao. Basta binilisan ko yung takbo mula doon hanggang sa lagayan ng ticket hanggang papasok ng mall hanggang makaakyat ako sa foodcourt.

            Nandoon sila malapit sa may Reyes Barbeque. Mabilis yung paglapit ko sa kanila kaya hindi nila ako napansin. Agad kong hinawakan sa ulo si kupal at pinaguuntog sa mesa. Ginawa ko ito hanggang sa dumugo yung ulo nya. Na-shock si Mercy sa ginawa ko. Wala na akong pakialam. Totodasin ko 'tong si kupal.

            Alam kong nagkakagulo na yung ibang mga tao kaya ano mang oras ay dadamputin na ako ng mga guwardiya. Hindi ko na mapapalagpas ang pagkakataong ito. Kinuha ko agad yung barbeque stick sa pinggan ni kupal at ipinangsaksak ko ito sa leeg nya.

           "ALAM MO BANG REYES RIN ANG APELYIDO KO. YAN GINAWA NA KITANG REYES BARBEQUE!" sigaw ko sa duguang si kupal.

           "Hoy wala ka sa buwan" sabi ng isa.

           Biglang bumalik yung ulirat ko. Nakatayo pa rin ako sa babaan ng escalator at nakatanaw kay Mercy at kay kupal doon sa salamin.

           "Ang pangit ng kwentong 'yon" naisip ko. "Magsama kayong dalawang gago. Bibili na lang ako ng Batman para makaisip ng mas magandang kwento"

Thursday, November 24, 2011

PARE-PAREHO LANG ANG MGA LALAKI

               "Bilang lalaki, pakiramdam mo, may itinatago kaya sakin 'yon?" tanong ni Jennylyn.

               "Ayoko nang magkomento dyan dahil baka isipin mo gusto ko kayong magkahiwalay, Alam mo namang may gusto ako sa'yo" sagot ni Bingo. "Ikaw lang kasi, kung ako na lang sana..."

               Biglang tumingin sa kaliwa si Jennylyn at iniwas ang mukha kay Bingo. Halatang hindi nya nang gustong marinig ang sasabihin pa nito.

               "Sorry Bingo. Kaibigan lang talaga yung tingin ko sa'yo. Okay naman tayo ng ganto diba?"

               Hindi na sumagot si Bingo at tumingin na lamang sa cellphone nya. Halatang naghahanap ng dahilan para makaalis sa awkward na usapan nila ni Jennylyn.

               "Pasensya na Jen pero kailangan ko na palang umalis"

               "Totoo ba yan? Bakit naman galit ka sakin? Cool naman tayo diba?"

               "Yeah, we're cool. Uhm, paano, alis na ako"

                Pumunta si Bingo sa bahay ng tropa nyang si Jeremy. Doon ay nagyaya syang makipaginuman. Ngunit hindi pa man sila nakakarami ng inom ay nag-ring ang telepono ni Bingo. Tumatawag si Jennylyn.

                "Pre, bat ayaw mong sagutin?" tanong ni Jeremy. "Sino ba yang tumatawag?"

                "Si Jennylyn pre"

                "Jennylyn? As in yung type mo? Hindi ka pa rin ba sumusuko dyan?"

                "Nagsasawa na nga ako sa set-up namin. Pag sinusubukan kong iwasan sya, lapit naman ng lapit sakin. Ang hirap pre. Alam nya namang may gusto ako sa kanya tapos ganyan pa sya. Shit. Hindi ko na sasagutin yang tawag nya"

                Nagpaulit-ulit pa rin ang pag-ring ng cellphone at napilitan ng sagutin ni Bingo. Lumabas muna sya ng bahay ni Jeremy para makipagusap sa cellphone. Pagpasok nya ulit sa loob ay sinabi nya kay Jeremy na kailangan nya nang umalis.

                "Oh pre bakit?"

                "Tangina. Kailangan daw ng kausap. Nakipaghiwalay daw yung boyfriend nya"

                "Eh bakit ikaw ang gustong makausap? Pangatlong beses nya na atang ginagawa sa'yo yan ah. Si Joe D' Mango ka ba na lagi nyang kailangan makausap kapag iniiwan sya ng boyfriend nya?"

                "Nalalabuan na nga ako pre. Pero pre, anong oras ka ba matutulog mamaya? Pwede bang dito na lang ako makitulog sa bahay mo? Ayokong umuwi ng bahay ngayon. Inuman tayo mamaya"

                "Madaling-araw pa naman ako matutulog. Sige pre, deretso ka lang dito pagkatapos mong makipausap sa kanya"

                Nakipagkita sa kanya si Jennylyn sa basketball court malapit sa bahay nito. Walang mga tao doon dahil madilim na at wala namang nagpaschedule ng laro. Naupo sila sa bleacher at nagusap.

                "Jen, ayaw mo bang lumipat tayo ng pwesto? Lalamukin tayo dito"

                Hindi pinansin ni Jennylyn ang sinabi ni Bingo at sinabing "Pare-pareho lang ang mga lalaki..." na tila hindi lalaki ang kausap nya ngayon.


                Pasado ala-una ng madaling-araw ng makabalik si Bingo sa bahay ni Jeremy.

                "Pre, kamusta kanina?"

                "May nangyari samin ni Jennylyn"

                "Tangina. Seryoso? So ano na?"

                "Anong ano na?"

                "Ano ng plano mo? Syota mo na ba sya? Kayo na ba?"

                "Hindi pre, iiwasan ko na sya. Panakip-butas lang naman ang gagawin sakin non"

                "Parang hindi ko maintindihan?"

                "Tong mga babaeng 'to, akala ata nila hindi ka mapapagod na magmahal sa kanila. Hindi ba nila alam na masakit kapag alam nyang mahal mo sya pero ibang lalaki yung kinukwento nya sa'yo. Sawang-sawa na akong marinig kung paano syang niloloko ng ibang mga lalaki. Ang tagal ko nang nasa harapan nya, wala akong planong lokohin sya pero pinipili nya pa rin yung mga gagong 'yon. Tapos iiyak-iyak sya sakin. Hindi na ako magpapakatanga sa kanya. Pare-pareho lang naman ang mga babaeng yan"

                Habang naguusap ang dalawa ay biglang nagring ang phone ni Bingo.

                "Si Jennylyn pre?"

                "Oo" sagot ni Bingo sabay patay ng cellphone.

Wednesday, November 23, 2011

HULI SA AKTO

             Maagang nag-out si Jose sa trabaho. Buti na lang at nacontact nya at pumayag ang kasamahan nyang guwardya na ipagpatuloy ang oras nya. Babawi na lang sya dito sa ibang araw. Masama talaga ang pakiramdam nya at kailangan nya nang umuwi.

             Bago magalas-dose ng tanghali ay nasa tapat na si Jose ng kanilang bahay. Binuksan nya ang pinto at agad na dumeretso sa kwarto para magpalit ng pambahay. Ngunit hindi nya inaasahan na makikita nya doon ang kalive-in nya na may katalik na iba sa ibabaw ng kama. Nagdilim ang paningin ni Jose. Dinukot nya mula sa bitbit nyang bag ang kanyang baril at malapitang binaril ang lalaki. Sunod-sunod na putok ang narinig sa buong lugar.

             "Umalis ka na kung ayaw mong mapatay din kita" galit na sinabi ni Jose sa babae. "Putang ina mo Manuel. Mahal na mahal kita. Putang ina mo. Ginago mo ako. Alam ko namang tumitira ka ng mga babae. Pero putang ina, bakit pati dito sa pamamahay ko"

Monday, November 21, 2011

SILAHIS

Sa loob ng isang sari-sari store...

            "Anak, silahis ka ba?" tanong ng nanay ni Wilfredo. "Kasi mukha ka namang lalaki pero parang kinikilig ka pag nakikita mo si Coco Martin"

            "Nay, ano namang kalokohan yan. Hindi ako kinikilig kay Coco Martin. Kinikilig ako sa ka-loveteam nyang si Maja Salvador. Tsaka tignan nyo nga 'tong anak nyo, nasa itsura ba nito ang pagiging silahis?"

            "Parang kasi. Pero baka ako lang ang may akala ng ganon..."

            Naputol ang usapan ng mag-ina ng biglang may bumili sa kanilang tindahan.

            "Pagbilan po"

            "Nay ako na. Sandali lang ah, pagbebentahan ko lang ito" sabi ni Wilfredo. "Ano yung bibilin mo?"

            Tinignan ng bumibili si Wilfredo at sinabing "Pamintang-durog".

            "Ano? Ganon? Sobrang obvious na ba talaga?" tanong ni Wilfredo.

            "Huh? Ano po 'yon? Ang sabi ko pagbilan ng pamintang-durog"

            Umiling-iling na lang ang nanay ni Wilfredo.

Friday, November 18, 2011

PINAPARINGGAN

            Nang unang magkita si Joseph at Manny, alam na nila sa sarili nilang hindi agad sila magkakasundo. Mayaman si Joseph at mahirap naman si Manny. Sobrang magkaiba ang kanilang mundo. Ngunit taliwas sa kanilang inaasahan, mabilis silang nagkapalagayan ng loob at naging matalik na magkaibigan. Sa sobrang lapit nila sa isa't isa, maraming mga bagay ang sabay nilang ginagawa. Tulad ng pagkain, paliligo at pagtulog. Daig pa nila ang samahan ng ibang magkakapatid. Ngunit ang lahat ng ito ay nagbago ng nagsimulang magparinig si Joseph kay Manny.

           "May mga tao talaga na napakainggitero. Hindi nila matanggap na mas angat ka sa kanila. Alam mo yon, yung tipong gagawin ang lahat madaig ka lang. Wala talagang utang na loob. Lumayo-layo ka nga sakin baka masaktan lang kita eh" ang sabi ni Joseph habang nakatingin sa kung saan.

           "Ako ba pinariringgan mo?" tanong ni Manny.

           "Bakit, sinabi ko bang ikaw ang tinutukoy ko? Napakaguilty mo naman pare. Napaka-assuming mo. Paano mo naman nasabi na ikaw ang pinaparinggan ko?"

           "Eh sira-ulo ka pala eh. Tayong dalawa lang naman ang nastranded sa isla na 'to simula nung nagcrash yung sinasakyan nating eroplano"

Wednesday, November 16, 2011

ANGHEL

          "Totoong may anghel"

          Yan ang madalas na sinasabi sakin ng girlfriend kong si Ingrid bago sya namatay. Kapag tinatanong nya ako kung naniniwala ba ako sa sinasabi nya, umuoo lang ako. Pero sa totoo lang, hindi ko alam kung meron ba talaga o wala. Ayoko lang sumama ang loob nya lalo na't alam kong may taning na ang buhay nya dahil sa cancer. Sabi ni Ingrid na ang mga anghel daw ang ipinapada upang magligtas sa atin sa panahon ng kapahamakan. Kung totoo man sila, bakit nila hindi iniligtas si Ingrid? Bakit nila hinayaang mamatay ang babaeng minamahal ko? Pero siguro wala silang kasalanan. Dapat mangyari kung ano ang itinakda.

          Nang mamatay si Ingrid, nawalan ako ng gana sa buhay. Marami akong naging tanong. Bakit sya pa? Bakit hindi na lang yung masasamang mga tao? Bakit kinuha sakin yung kaligayahan ko? Talagang nabadtrip ako. Sobrang mahal ko si Ingrid. Mahal ko sya kapantay ng pagmamahal ko sa nanay ko. Mataas ang respeto ko sa kanya. Sinabi ko sa sarili ko na hindi ako makikipagtalik sa kanya hanggang hindi kami nagpapakasal. Sobrang hirap ng ganon pero kinaya ko. Kinaya ko dahil nirerespeto ko sya. Ganon ang gusto nya kaya handa akong maghintay. Kaso lang wala pala akong dapat hintayin kasi namatay sya agad.

          Para makaganti sa tadhana, naisip kong maghahanap ako ng malanding babae tapos pagsasawaan ko. Lahat ng pagpipigil na ginawa ko noon, sa kanya ko ibubuhos.  Ayokong kumuha lang ng bayarang babae. Ayokong pumutol sa ganon dahil baka makakuha ako ng sakit. Mas trip ko yung syosyotain na babae para ako lang ang gagalaw sa kanya. Atleast sa paniniwala ko na ako nga lang dahil sakin sya.

          Hindi naman naging mahirap ang paghahanap dahil ang ideya ay nagmanipesto sa katauhan ng bago naming kapitbahay. Isang tingin ko palang sa kanya, nakasulat na sa buo nyang katawan ang mga katagang "PWEDE MO AKONG ISKORAN". May kahalayan sya manamit at mukhang nanlalambot. Magandang kombinasyon ng katangian para sa babaeng gusto mong gawan ng masama. Lala ang pangalan nya. Tama naman ang hinala ko sa kanya dahil hindi nya ako pinahirapan. Ilang pangbobola lang at naging girlfriend ko agad sya.

          Maraming mga pagkakataon na nagpapaiwan ako sa bahay pagaalis ang pamilya namin para masolo ko ang lugar. Syempre kapag mag-isa lang ako, pwede kong papuntahin si Lala doon at gumawa ng kung anong kolokohan. Malandi si Lala. Siya mismo ang nagpapakita sakin ng motibo. Yung mga hawak nya sa binti ko. Yung mahahalay nyang mga yakap. Gusto nya talagang merong mangyari samin. Gusto ko rin naman pero sa bawat pagkakataong gagawin ko na ang plano ko, parang halimaw na kinakain ng alaala ni Ingrid ang isipan ko. Naririnig ko yung boses nya na nagsasabi ng "Huwag". Nagi-guilty ako. Palaging hindi ko nagagawa yung kakaguhan na plano kong gawin nang pinasok ko ang relasyon namin ni Lala.

         Isang araw, nasabi sakin nung isa sa mga tropa ko, na nasabi rin sa kanya ng isa sa mga tropa namin, na nasabi lang rin doon ng isa sa mga tropa namin, na yung tropa naming si John ay naka-score kay Lala. Parang hindi na ako masyadong nagulat dahil halata naman sa ugali ni Lala na may kakayahan syang gawin ang ganong bagay. Pero yung ginawa sakin ni John, nakakalalaki 'yon. Binangasan ko agad yung mukha nya nang magkita kami. Hindi naman siya pumalag dahil malamang alam nya na kung bakit ko sya binanatan. Nakipaghiwalay na ako kay Lala ng hindi man lang nakakaisa at kinalimutan ko naman yung pagkakaibigan namin ni John.

         Makalipas ang dalawang linggo, umalis na sila Lala sa lugar namin. Ewan ko bakit pero sabi-sabi ng iba na hindi na raw trip ng mga kasamahan nya yung lugar namin kaya hahanap sila ng medyo mas matinong lugar. Pero kung ano man yung dahilan ng pag-alis nila, wala na akong pakialam. Mabuti na nga 'yon ng mabawasan na yung nagpapainit sa ulo ko sa lugar namin. At salamat na rin kasi wala nang matitira si John dahil umalis na yung inagaw nya sakin.

         Makalipas ang tatlong linggo, hindi ko inaasahang lalapitan ako ni John para makipag-usap. Malungkot yung itsura ng mukha nya. Hindi ko naman sya tinabla dahil baka hihingi sya ng tawad. Alam kong may lamat na yung pagkakaibigan namin pero baka maayos ng konti kung magpapakumbaba sya. At tulad naman ng inaasahan ko, humingi nga sya ng tawad. Pero ko hindi inaasahan yung mga sumunod nyang sinabi. Nagdonate daw sya ng dugo mga ilang araw na ang nakalipas. Madalas nya namang ginagawa 'yon. Pero kakaiba ngayon, sa unang pagkakataon ay tinawagan sya ng blood bank para sabihin na may problema... HIV positive ang dugo nya. Pina-clear nya pa raw sa mga taga-laborotoryo doon kung sa kanya talagang dugo yung nagpositive dahil matagal na syang nagdo-donate pero ngayon lang nangyari ito. Nakumpirma namang positive nga sya. Hinala nyang nakuha nya ito sa pakikipagtalik kay Lala. Ito lang kasi ang babaeng nakatalik nya sa nakalipas ng buwan. Kinausap nya pala ako para sabihin sakin na dapat akong magpablood test para malaman ko kung HIV positive na rin ako. Naisip ni John na dahil girlfriend ko noon si Lala, malamang ay nahawa na rin ako nito kung ito man yung nakahawa sa kanya. Sa isip ko, bigla akong napadasal at nagpasalamat sa Diyos. Hindi ako relihiyoso pero alam ko Sya ang nagligtas sakin. Hindi ako sigurado sa mga anghel pero alam kong may Diyos.

            Matagal ko na sana pinatulan si Lala kung hindi lang dahil sa mga alaala ni Ingrid. Dahil na rin pakiramdam ko ay nailigtas ako sa kapahamakan ay mas naging relihiyoso ako. Nalaman ko na rin ang tungkol sa mga anghel. Tama pala si Ingrid, totoo sila. Pero nagpapasalamat ako na kahit sa panahong hindi pa man ako naniniwala sa kanila ay nagsilbing anghel ang alaala ni Ingrid sa buhay ko. Hanggang ngayon sa puso ko, itinuturing ko pa rin syang isang anghel.

Monday, November 14, 2011

LIWANAG

              Sabi noon ng tatay ko bago sya mamatay na tumingin lang daw ako sa langit kapag nadidiliman ako. May liwanag daw akong makikita kapag ginawa ko 'yon. Pero ngayon, kahit anong tingin ko sa langit ay wala akong makitang liwanag. Oo nga't gabi ngayon ngunit kahit buwan at mga tala ay hindi ko makita. Gusto ko silang makita. Sabi kasi ng iba na kasama na raw ng mga tala ang mga pumanaw na tao. Marami akong mga problema ngayon. Kung kasama na ng mga tala ang tatay ko, sana man lang masilip ko sya ngayon doon sa kalawakan at masilip nya naman ako dito sa lupa. O kahit wala pa sya doon, basta gusto ko lang makakita ng liwanag mula sa langit. Pero sa kapal ng mga ulap at sa simoy ng hangin, malaki ang posibilidad na umulan. Mukhang wala talaga akong makikitang liwanag mula sa langit sa ganitong klase ng panahon. Kung mananatili pa siguro ako ng mas matagal dito, baka abutan pa ako ng ulan. Siguro dapat na akong pumasok sa loob ng bahay. Nagkamali lang siguro ang tatay ko ng sinabi nyang tumingin lang ako sa langit kapag nadidiman ako dahil minsan, kung minsan, pinagdadamot talaga ng langit ang liwanag sa pinakamadilim na parte ng buhay mo. Pero bago pa man tuluyang matapos ang aking pagtingala ay biglang kumidlat. Isang matinding kidlat na nagpaliwanag sa buong paligid na animo'y umaga. Kasunod nito ang tunog ng napakalakas na kulog na tila sumisigaw ng "Hindi pa ba sapat ang liwanag na yan?"....
Books & Literature - Top Blogs Philippines