Thursday, November 1, 2012

PUSTAHAN SA PAG-IBIG

       Bagong lipat lamang ng paaralan si Camille dito sa Maynila. Galing siya sa Laguna at tanging si Miguel lang ang kakilala niya sa eskwelahang nilipatan. Magkababata kasi sila nito. Nagkataon lang na naunang lumipat ng Maynila ang pamilya ni Miguel.

      Si Miguel ay may matalik na kaibigan... si Jerry. Isa sila ng trip sa buhay. Hindi nila sineseryoso ang mga bagay-bagay. Kabilang na doon ang pag-ibig. 

      Isang araw, napagdesisyonan ng magkaibigan na pagpustahan si Camille. Hinamon ni Miguel si Jerry na ligawan si Camille at kapag napasagot niya ito ay mananalo siya ng sampung libong piso. Ngunit kapag binasted naman siya, siya ang kailangang magbayad ng sampung libong piso. Medyo nag-alangan pa si Jerry nung simula sapagkat kaibigan ni Miguel si Camille.

      "Sigurado ka ba sa pustahang yan? Diba ikaw lang ang ka-close ni Camille dito tapos gaganyanin mo pa" sabi ni Jerry.

      "Ayos lang 'yon pare. Matanda na naman siya. Nasa kanya na 'yon kung magpapauto siya sa'yo" sagot naman ni Miguel.

      Ipinakilala ni Miguel si Jerry kay Camille. Lumipas ang mga araw at naging close sila. Unti-unting nahulog ang loob nila sa isa't isa. Halos wala na ngang pakialam si Jerry sa pustahan. Gusto niya na talaga si Camille. Lumipas pa ang ilang buwan at naging sila na.

       Ngunit isang araw, habang nag-uusap sila Miguel at Jerry tungkol sa pustahan ay hindi sinasadyang napadaan si Camille malapit sa kanila. Paglingon ni Jerry ay nakita niyang nakatayo sa kanilang likod si Camille. Agad itong naglakad papalayo. Agad naman itong hinabol ni Jerry.

       "Camille, sandali lang. Hayaan mo akong magpaliwanag"

       "Wala ka nang dapat ipaliwanag"

       "Camille, tungkol doon sa pustahan. Sorry pero wala na akong pakialam doon. Mahal na talaga kita"

       "Sa totoo lang, kaya ako lumayo hindi dahil galit ako sa'yo. Kundi dahil nahihiya ako. Kasi sa simula pa lang alam ko na ang tungkol doon. Diba nga't kaibigan ko si Miguel. At maging ako, nakipusta na hindi mo ako mapapasagot. Pero ito, sinagot pa rin kita"

Thursday, October 11, 2012

DESTINASYON

            Nakatayo si Bobby sa kabilang kalsada sa tapat ng simbahan ng Quiapo. Hindi siya relihiyosong tao ngunit hindi siya komportableng dito pa siya napapwesto sa oras na ito. Hawak niya ang isang malaking bag na iniabot sa kanya kanina ng isang lalaking hindi niya naman kakilala ng personal. Nalaman niya lamang na ‘yon ang dapat niyang lapitan dahil sa deskripsyong natanggap niya sa text.
            Nanatiling nakatayo si Bobby sa gilid ng kalsada at nag-abang ng bus. Maraming dumaang pa-SM Fairview ngunit nag-alangan siyang sumakay sa mga ito. Maraming pasahero sa loob at marami nang nakatayo. Nagdesisyong siyang maglakad-lakad muna.
            Hindi pa man malayo ang nalalakad ni Bobby ay biglang may humintong bus sa kanyang tabi. Ito’y byaheng pa-Taytay. Nakita niyang maluwag pa sa loob kaya’t agad siyang sumakay dito.
            Walang nakaupo sa pinakadulong bahagi ng bus kaya’t dumeretso doon si Bobby. Pumwesto siya sa tapat ng bintana. Pinagmasdan niya ang mga tao kung may nakatingin ba sa kanya. Nang masigurado niyang wala ay mabilis niyang isiniksik ang dala niyang bag sa ilalim ng upuan. Bago pa man makalapit sa kanya ang konduktor ay lumipat siya ng pwesto. Gusto niya na sanang bumaba ngunit may nagsasabi sa kanyang pagkatao na huwag muna.
            Sa upuan sa tapat ng bagong pwesto ni Bobby ay may nakaupong magkaklase. Malakas ang pag-uusap ng dalawa.
            “Sigurado ka bang maganda ‘yon?”
            “Aabsent ba naman ako kung hindi ‘yon maganda? Nabasa ko yung mga reviews sa internet, panalo raw”
            “Mukha mo. Lagi ka namang absent kahit hindi tayo manonood ng sine”
            “Hahaha. Baliw, pareho lang tayo”
            “Mas malala ka kaya sakin. Pinangpupusta mo kaya sa bilyar yung binibigay sa’yong pera para sa mga projects”
            “Inggit ka lang boy. Palibasa mas gwapo na ako sa’yo, mas marami pa akong pera”
            Habang naririnig ni Bobby ang usapan ng magkaklase ay gusto niyang magalit sa mga ito. Naisip niyang napakapalad nila na meron silang pagkakataong makapag-aral ngunit hindi nila ito pinahahalagahan. Samantalang ang kanyang mga anak, gustuhin niya mang pag-aralin ay wala naman siyang pera. Mas tumindi ang kanyang paniniwala na tama lang na tinanggap niya ang trabaho.
            Nagpatuloy ang byahe. Bumaba ang magkaklase sa isang mall pagdaan ng bus sa Sta.Mesa. Lumipat ulit ng upuan si Bobby. Marami ng bagong pasahero ang sumakay ngunit wala pa ring nakaupo sa pinakadulong bahagi ng bus. Kanina pa siya pwedeng bumaba pero tila may pumipigil sa kanya. Gusto niyang makasigurado.
            Dalawang magkaibigang babae naman ang nakaupo sa harap ng bagong pwesto ni Bobby. Narinig niya ang pag-uusap nito.
            “Yan siguro yung gamit ni Jane” sabi ng isa pagkatapos ipakita sa telebisyon ang palatastas ng produktong pampaputi ng balat.
            “Hindi naman siya maganda, maputi lang”
            “Korek ka diyan. Kaya nga mas bagay pa kami ng boyfriend niya”
            “Kamusta pala kayo? Diba dinidiskartehan ka rin non? Paano na yan, tropa pa naman natin si Jane?”
            “Okay lang yan, uso naman yung ganon”
            “Hahaha”
            Tumahimik ang dalawa pagbalik ng pinapanood nilang teleserye. Nagkataon namang tungkol din sa pangangaliwa ang tema nito. Naisip ni Bobby na masama na nga talaga ang mundo.
            May pumara sa tapat ng Pinaglaban Shrine sa San Juan. Bumaba ang nakaupo malapit sa pintuan ng bus. Lumipat doon si Bobby. May ilang bagong pasahero ang sumakay. Nakatabi niya ang isang lalaking may kalong-kalong na anak. Maingay ang batang babae, tanong nang tanong sa kanyang ama.
            Hindi pa man masyadong nakaaandar ang bus ay biglang may nagsalita ng malakas.
            “Magandang hapon mga kapatid. Nandito po ako upang ihatid sa inyo ang Mabuting Balita. Siguro po marami sa inyo ang busy sa ngayon pero sana po’y ilanan ninyo dito kahit ilang minuto lamang ng inyong oras. Pero bago po natin simulan ang ating pag-aaral ay manalangin po muna tayo”
            Nanalangin ang mangangaral. Pagkatapos nito’y nagbasa siya ng ilang berso. Noong una ay wala masyadong pakialam dito si Bobby. Ngunit may sinabi ang lalaki na kumuha ng kanyang atensyon.
            “Marahil ngayon ay alam natin kung saan tayo pupunta. Nakasakay tayo dito sa bus na byaheng Taytay kaya siguradong may bababa sa Greenhills, sa Ortigas, sa Taytay, etc. Pero mga kapatid, kung sakaling mamatay tayo ngayon, ikaw, alam mo ba kung saan ka pupunta?”
            Napaisip ng malalim si Bobby. Saan nga ba siya mapupunta kapag namatay siya ngayon? Sa binabalak niya pa namang gawin, naisip niyang kung totoo mang may impyerno, malamang doon siya didiretso.
            Nagpaliwanag pa ang lalaki. Hinimok niya ang lahat na sumabay sa panalangin ng pagtanggap. Hindi sumabay si Bobby. Maya-maya pa’y nag-abot ng sobre ang lalaki sa mga pasehero ng bus at nanghingi ng donasyon. Matapos noon ay pumara na ito. Pero bago ito tuluyang nakababa ay may inabot ito kay Bobby na isang pamphlet. Nakasulat sa pabalat ang “Saan Ka Pupunta?”
            “Malayo pa ba tayo sa ospital Papa?” tanong ng batang babae.
            “Malapit na tayo”
            “Gagaling pa ba si kuya Papa?”
            “Oo naman, pagagalingin siya ni Lord”
            “Mahal ba bayad sa ospital Papa?
            “Oo pero tutulungan tayo ni Lord”
            Dahil sa narinig ay nalaman ni Bobby na kapareho niya pala ng sitwasyon ang lalaki. Nasa ospital din pala ang anak nito. Naalala niya bigla na tayong mga Pilipino, mahirap man ang karamihan satin ngunit matindi ang ating pananalig sa Diyos. Natanong niya ang kanyang sarili kung bakit hindi siya katulad ng katabi niya ngayon. Nagalit siya sa kanyang sarili dahil sa plano niyang gawin. Hindi niya magagawang pumatay ng mabubuting tao. Marahil ito ang dahilan kung bakit kanina pa siya napipigilan sa pagbaba ng bus.
            Huminto ang bus sa tapat ng overpass malapit sa Unimart upang magbaba ng ilang pasahero. Agad na lumipat si Bobby sa pinakadulong upuan sa likod. Kinuha niya ang bag na isiniksik niya kanina sa ilalim ng upuan. Binuksan niya ito at pinatay ang cellphone na nasa loob. Muling umandar ang bus.
            Naglalaro na sa isip ni Bobby ang galit ng pulitikong nag-utos daw nito kapag nalamang bigla siyang umatras. Iyon din ang mismong nagbabayad sa hospital bill ng kanyang anak na may sakit. Tiyak malaking problema ito pero bahala na. Kailangan niya nang bumaba ng bus. Kailangan niya nang puntahan ang kanyang pamilya sa ospital at dalin sila sa isang malayong lugar upang tumakas.
            “Tinatanggap ko po Kayo sa buhay ko. Kayo na po ang bahala. Iligtas Nyo po kami” bulong ni Bobby.
            Tumayo si Bobby habang hawak-hawak ang malaking bag. Habang naglalakad siya sa isle ng bus, sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay biglang natanggal ang locket sa kanyang leeg na may picture ng kanyang anak na may sakit. Gumulong ito papunta sa harap. Mabilis ang takbo ng bus. Ipinangkapit ni Eli ang kanyang kanang kamay sa mga upuan habang hawak-hawak ng kanyang kaliwang kamay ang bag. Maingat siyang naglakad papunta sa harapan upang pulutin ang locket. Nang malapit na dito si Bobby ay bumitiw ang kanyang kanang kamay sa upuan upang damputin ito. Sa kasamaang-palad ay biglang nagpreno ang bus upang maiwasang mabangga ang motorsiklong nag-overtake dito. Nawalan ng balanse si Bobby kaya’t dire-diretso siyang sumalpok sa windshield ng bus. Nabasag ang kanyang ulo. Namatay siya sa mismong oras ding ‘yon.
Nangyari ang aksidente malapit sa EDSA. Ang lugar na nagpapaalala ng pagkakaisa at kabayanihan nating mga Pilipino. Sa tabi ni Bobby ay bumagsak ang pamphlet na naiwan niya sa inupuan niya kanina.
            Saan Ka Pupunta?
            Hindi pa dito natatapos ang paglalakbay ni Bobby. Wala pa siya sa kanyang destinasyon.

Ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 4.






Wednesday, September 12, 2012

PAKENSHET

          Nasa loob ng isang maliit na kwarto si Bugoy. Nandoon sya upang magrelax matapos matakasan ang ilang kalalakihang nakakita sa pagnanakaw ng bakal na kanyang ginawa. Ilang kilo rin ang bakal na kanyang nadekwat. Sapat yung kinita nya doon upang ipangbayad sa mumurahing puta at sa isang maliit at mabahong kwarto.

          May kumatok sa pinto.

          "Nandito na yung babae mo" sabi ng bugaw.

          "Sige, papasukin mo na. Bukas yan"

          Mabilis na pumasok ang puta at isinarado ang pinto. Hindi natitigan ni Bugoy ang mukha nito. Nanatili na lamang syang nakaupo sa kamang tila palasyo ng mga surot habang hinihintay ang pagharap nito. Humarap ang puta. Laking gulat ni Bugoy nang makita nya kung sino ito... si Angel Locsin. Ito yung paborito nyang artista na lagi nyang nakikita sa tuwing nakikiinom sya ng tubig sa karinderya ni Manang Feli. Hindi sya makapaniwalang nasa harapan nya ito ngayon. Unti-unti itong lumapit kay Bugoy at naghubad ng t-shirt. Nakita ni Bugoy ang naglalakihang mga suso nito na halos lumuwa na sa bra. Maya-maya pa'y nagtanggal na ito ng bra. Sa puntong 'yon ay sobrang nalibugan na si Bugoy. Tumayo sya sa kama at lumapit kay Angel upang lamasin ang mga suso nito. Ngunit bago nya pa 'yon nagawa ay biglang naging mga kamay ang mga suso ni Angel. Bigla ring naging matandang mangkukulam ang mukha nito. Natakot si Bugoy at lumayo. Na-corner sya sa isang pader ng kwarto habang dahan-dahang lumalapit sa kanya ang nakakatakot na babae. Nagsisisigaw sya.

       
          "PUTA KUNIN NYO YUNG PLAKA!"

          "LUMAYO KAYO! HUWAG NYONG GAGALAWIN YUNG BANGKAY!"

          Nagising si Bugoy sa bangketang kanyang tinutulugan nang marinig ang sigawan ng mga tao. Agad nyang inalam kung anong dahilan ng komosyon. Sumingit sya sa mga taong nagkukumpulan hanggang sa makita kung ano nga ba ito. Nabigla sya nang makitang nasagasaan pala ang nakababata nyang kapatid at talsik ang utak ito. Hindi sya makapaniwala. Pinikit nya ang kanyang mga mata at sinabi sa sariling panaginip lamang ito. Ngunit sa tuwing didilat sya ay wala pa ring nagbabago. Nandoon pa rin sa kanyang harapan ang bangkay ng kanyang nakababatang kapatid. Dito nya nasigurado na totoo nga ito. Nagsisi si Bugoy. Nagsisisi syang nagising pa sya mula sa bangungot na kanyang naranasan kanina. Hiniling nyang sana'y kinain na lamang sya ng matandang babae. Kung alam nya lang na magigising sya sa isang mas malaking bangungot at sana'y mas pinili nya na lamang na manatili doon.

         "Pakenshet" ang tanging nasabi nya sa sarili.
       

Saturday, August 4, 2012

LOURDES

        Tumahimik ang buong paligid at tila bumagal ang lahat nang magsimulang sumayaw si Pamela. Hindi naman literal na ganon ang nangyayari ngunit sa pakiramdam ni Julian parang ganon na nga. Kasabay nang pagkislap ng mga ilaw sa loob ng maliit na club ang pagtibok ng kanyang puso. Tila hindi nya maintindihan kung bakit ganito. Dito nya lang ito naramdaman.

        Sa gitna ng hubad na pagtatanghal ni Pamela ay nasisigurado ni Julian na tinitignan din sya nito. May kadiliman man ang lugar ngunit sigurado siyang sa kanya ito tumitingin mula sa entablado.

        Nang matapos ang pagsasayaw ni Pamela ay kinausap ni Julian ang waiter sa club. Sinabi nyang gusto nyang maka-table ang babae. Pinaalam naman sa kanya ng waiter na bilin ni Pamela na hindi muna ito magpapa-table sa araw na ito. At dahil nadismaya si Julian sa kanyang narinig ay nagdesisyon na lang syang umuwi at babalik na lang sa ibang araw upang makita ulit ang babaeng 'yon.

       Paglabas nya sa club ay nagkataon namang nakita nya doon si Pamela na nag-aabang ng masasakyan. Nilapitan nya ito at inalok na sumabay na lamang sa kanyang sasakyan. Hindi naman tumanggi ang babae. Hinatid nya ito sa bahay nito.

       Nang makarating na sila sa bahay ni Pamela ay inalok sya nitong manatili muna sandali. Pumayag agad si Julian dahil sa pag-asang may mangyayari sa kanilang dalawa. Hindi naman sya nabigo sapagkat agad syang hinalikan ni Pamela at pinasunod sa kwarto nito. Pinahiga muna sya nito sa kama.

       "Napansin ko, yung nagsasayaw ako kanina, nakatitig ka lang sakin"

       "Oo, totoo 'yon. Pero kung alam mong nakatitig ako sa'yo, tama pala yung hinala ko na tinitignan mo rin ako habang nagsasayaw ka"

       "Hindi ko nga alam kung bakit ko ginawa 'yon. Parang kung may anong hangin ang bumubulong sakin na bumaling ako sa direksyon ng kinauupuan mo. Eh ikaw, bakit ka nakatitig sakin? May kamukha ba akong kakilala mo o nagagandahan ka lang talaga sakin?

       "Nakakatuwa man sabihin pero nang makita kita kanina, parang alam kong ikaw ang babaeng dapat kong mahalin. O parang higit pa doon, parang mahal na kita. Pakiramdam ko na ako ang lalaking babago sa'yo"

       "Sa tingin mo ba na magbabago pa ang isang katulad ko?"

       "Oo"

Hinatak ni Pamela si Julian upang umibabaw ito sa kanya.

       "Narinig kong ipinakilala ka nila bilang Pamela, yun ba ang tunay mong pangalan?"

       "Pwedeng bang sipingan mo na lang ako at huwag ka nang magtanong?"

       "Pakiusap sabihin mo naman. Gusto ko lang malaman ang pangalan ng babaeng mamahalin ko"

       "Lourdes. Lourdes ang pangalan ko"

       "Yung totoo?"

       "Hindi kita niloloko, Lourdes talaga ang pangalan ko"

Sinimulan na siyang halikan ni Julian at unti-unting hinubaran.

       "Lourdes... Lourdes..."


       "Pa, gising... Pa"

Ginising si Julian ng kanyang anak.

       "Pa, ayos ka lang ba? Narinig kong tinatawag mo yung pangalan ni Mama"

       "Napanaginipan ko na naman kasi yung Mama mo. Miss na miss ko na sya. Ilang taon na ang lumipas pero masakit pa ring tanggapin ang pagpanaw nya. Mahal na mahal ko ang Mama mo anak. Mahal na mahal"

Tuesday, May 29, 2012

BANTAY-SALAKAY

           "Pare, nahihirapan na akong magpigil. Iiskoran ko na talaga yang bebot na yan"

           "Gago ka ba Larry? Gusto mo bang mawalan ng trabaho? Buti nga sana kung ganon lang ang abutin mo eh. Malamang kapag may nakahuli sa'yo, bitay ang abot mo"

           "Wala nang bitay ngayon. At bakit naman ako matatakot na may makakaalam kung gawin ko man 'yon? Hindi naman makakapagsumbong yan. Paano naman ako maisusumbong niyan eh baliw yan? Pwera na lang kung ikaw ang magsumbong sakin. Pero ikaw ba, hindi ka ba natutukso sa kanya? Tignan mo nga yung itsurang yan. Diba modelo yan noon bago yan nabaliw"

           "Nandoon na tayo pare pero..."

           "Teka, tumahimik ka. May paparating na mga doktor. Baka marinig nila yung pinag-uusapan natin at mapahamak pa ako dahil sa'yo"

           "Tignan mo yang si Larry, nagsasalita na namang mag-isa" sabi ng doktor.

           "Ginawa na natin ang lahat diyan. Sa tingin ko wala na syang pag-asang gumaling" sagot naman ng isa.

         

Saturday, May 26, 2012

TADHANA

          "Mr. Vicencio"
          Tumingin ang lahat kay Mario.
          "MR. VICENCIO, ARE YOU WITH US?"
          Naramdaman ni Mario ang pagkalabit sa kanya ni Kit. Napatingin sya dito.
          "Huh?"
          "Pare, tinatawag ka ni Ma'am"?
          "Ma'am, ano po 'yon? Sorry po. Ano po kasi. Kwan po kasi..."
          May mangilan-ngilan na gustong matawa sa nangyari ngunit pinigilan nila ang kanilang mga sarili. Alam kasi nila ang dahilan kung bakit nagkakaganito si Mario. Nagkahiwalay sila ng nobya nyang si Melisa nang mapatunayan nya ang noong hinala lamang na nakikipaglandian ito sa ibang lalaki. Nabasa nya kasi sa cellphone nito ang ilang mga mensahe nung lalaki.
          "May problema ka ba Mr. Vicencio? Mukhang ang lalim ng iniisip mo ah. Ilang araw na kitang napapansin na ganyan" tanong ng guro.
          "Wala po Ma'am. Ayos lang po ako"
          Biglang tumunog ang bell.
          "Okay class, see you again tomorrow"
          Pagkalabas na pagkalabas ng guro ng silid ay agad na lumapit si Melisa kay Mario. Ngunit katulad ng laging ginagawa ni Mario ay hindi nya ito pinansin. Lumabas din sya agad ng silid. Naiwan si Melisa na umiiyak habang sinusubukang patahin ng iba nilang mga kaklase.
       
          Mag-isang tumayo si Mario sa waiting shed sa labas ng paaralan. Sunod-sunod syang humithit ng tatlong stick ng sigarilyo. Nang makita sya dito ng kaklase nilang si JR ay nilapitan sya nito.
          "Pare, kamusta?"
          "Oy, ikaw pala. Yosi pre?"
          "Hindi pre, salamat. Pare, gala naman tayo minsan"
          "Wala akong gana pre"
          "Pare, tungkol pala kay Melisa, narinig ko na nagsisisi na raw sya sa ginawa nya at hindi na sya nakikipagkita doon sa lalaki..."
          "Tangina naman pre, kung yan lang talaga ang gusto mong sabihin sakin kaya kaya lumapit, mabuti pang iwan mo na lang ako. Hindi nyo ba nakikita, wala na akong pakialam sa kanya. Wala na rin akong pakialam sa pag-aaral ko, sa mga pangarap ko, sa buhay ko. Ginago nya ako pare. Pero siguro ganon talaga. Ito ang gusto ng tadhana para sakin. Hanggang dito na lang siguro talaga ako. Sige pare, uwi na ako"
          Walang ingat na tinungo ni Mario ang kalsada. Hindi nya tinignan kung may paparating na sasakyan. Tila wala na talaga syang pakialam. Nagulat na lamang sya nang may sumigaw ng kanyang pangalan at may tumulak sa kanya ng napakalakas mula sa likod. Pagtingin nya dito... nabangga pala si Melisa ng sasakyan dahil sa pagliligtas sa kanya. Sa kabutihang palad ay hindi masyadong napuruhan ang dalaga. Agad na nagsipaglapitan dito ang mga tao upang tumulong. Si Mario naman ay nanatili lang sa kanyang kinatatayuan.
          "Tinadhana itong mangyari..." ibinulong ni Mario sa kanyang sarili at tuluyan nang umalis.

   

Friday, March 16, 2012

Mundo

            Nilapag ko ang cellphone ko sa ibabaw ng lamesa. Nagulat na lamang ako nang biglang nagkaroon ng isang napakalakas na lindol. Ngunit gamit ang taglay kong kapangyarihan ay ibinaon ko ang aking mga kamay sa lupa at pinigilan ang pag-alog ng paligid. Nang mapigilan ko ang lindol ay biglang umihip ang napakalakas na hangin. Isang buhawi ang tumama sa lugar kung nasaan ako. Tinangay nito ang bubong ng aking bahay. Ngunit hindi pa dito natatapos ang lahat. Nagkaroon din ng napakalakas na bagyo at tila galit na galit na tumama ang ulan saking katawan. Napakaingay din ng kulog at napakatalim ng mga kidlat. Nag-ipon ako ng hangin saking lalamunan at hinipan ko papalayo ang bagyo. Sa kabutihang-palad ay nagawa kong palayuin ito. Ngunit ang huli kong nasaksihan ay sadyang nagpayanig saking laman. Nakita kong nahuhulog mula sa langit ang mga bituin. Natakot ako. Ngunit kahit balot na ng takot ang aking pagkatao ay may natitira pa ring pag-asa. Lumaban ako. Inilabas ko ang lahat ng aura saking katawan at nagawa nitong panatiling nakabitin sa langit ang mga bituin. Napakahirap pero pilit kong kinaya.

             Tumunog ang aking cellphone. May text message galing sa'yo. Ito na ang hinihintay kong sagot. Sobrang bumilis ang tibok ng aking puso.

             "Sigurado na ako. Hindi na kita mahal"

             Tuluyan nang nagunaw ang aking mundo.
         

         
Books & Literature - Top Blogs Philippines