Thursday, October 11, 2012

DESTINASYON

            Nakatayo si Bobby sa kabilang kalsada sa tapat ng simbahan ng Quiapo. Hindi siya relihiyosong tao ngunit hindi siya komportableng dito pa siya napapwesto sa oras na ito. Hawak niya ang isang malaking bag na iniabot sa kanya kanina ng isang lalaking hindi niya naman kakilala ng personal. Nalaman niya lamang na ‘yon ang dapat niyang lapitan dahil sa deskripsyong natanggap niya sa text.
            Nanatiling nakatayo si Bobby sa gilid ng kalsada at nag-abang ng bus. Maraming dumaang pa-SM Fairview ngunit nag-alangan siyang sumakay sa mga ito. Maraming pasahero sa loob at marami nang nakatayo. Nagdesisyong siyang maglakad-lakad muna.
            Hindi pa man malayo ang nalalakad ni Bobby ay biglang may humintong bus sa kanyang tabi. Ito’y byaheng pa-Taytay. Nakita niyang maluwag pa sa loob kaya’t agad siyang sumakay dito.
            Walang nakaupo sa pinakadulong bahagi ng bus kaya’t dumeretso doon si Bobby. Pumwesto siya sa tapat ng bintana. Pinagmasdan niya ang mga tao kung may nakatingin ba sa kanya. Nang masigurado niyang wala ay mabilis niyang isiniksik ang dala niyang bag sa ilalim ng upuan. Bago pa man makalapit sa kanya ang konduktor ay lumipat siya ng pwesto. Gusto niya na sanang bumaba ngunit may nagsasabi sa kanyang pagkatao na huwag muna.
            Sa upuan sa tapat ng bagong pwesto ni Bobby ay may nakaupong magkaklase. Malakas ang pag-uusap ng dalawa.
            “Sigurado ka bang maganda ‘yon?”
            “Aabsent ba naman ako kung hindi ‘yon maganda? Nabasa ko yung mga reviews sa internet, panalo raw”
            “Mukha mo. Lagi ka namang absent kahit hindi tayo manonood ng sine”
            “Hahaha. Baliw, pareho lang tayo”
            “Mas malala ka kaya sakin. Pinangpupusta mo kaya sa bilyar yung binibigay sa’yong pera para sa mga projects”
            “Inggit ka lang boy. Palibasa mas gwapo na ako sa’yo, mas marami pa akong pera”
            Habang naririnig ni Bobby ang usapan ng magkaklase ay gusto niyang magalit sa mga ito. Naisip niyang napakapalad nila na meron silang pagkakataong makapag-aral ngunit hindi nila ito pinahahalagahan. Samantalang ang kanyang mga anak, gustuhin niya mang pag-aralin ay wala naman siyang pera. Mas tumindi ang kanyang paniniwala na tama lang na tinanggap niya ang trabaho.
            Nagpatuloy ang byahe. Bumaba ang magkaklase sa isang mall pagdaan ng bus sa Sta.Mesa. Lumipat ulit ng upuan si Bobby. Marami ng bagong pasahero ang sumakay ngunit wala pa ring nakaupo sa pinakadulong bahagi ng bus. Kanina pa siya pwedeng bumaba pero tila may pumipigil sa kanya. Gusto niyang makasigurado.
            Dalawang magkaibigang babae naman ang nakaupo sa harap ng bagong pwesto ni Bobby. Narinig niya ang pag-uusap nito.
            “Yan siguro yung gamit ni Jane” sabi ng isa pagkatapos ipakita sa telebisyon ang palatastas ng produktong pampaputi ng balat.
            “Hindi naman siya maganda, maputi lang”
            “Korek ka diyan. Kaya nga mas bagay pa kami ng boyfriend niya”
            “Kamusta pala kayo? Diba dinidiskartehan ka rin non? Paano na yan, tropa pa naman natin si Jane?”
            “Okay lang yan, uso naman yung ganon”
            “Hahaha”
            Tumahimik ang dalawa pagbalik ng pinapanood nilang teleserye. Nagkataon namang tungkol din sa pangangaliwa ang tema nito. Naisip ni Bobby na masama na nga talaga ang mundo.
            May pumara sa tapat ng Pinaglaban Shrine sa San Juan. Bumaba ang nakaupo malapit sa pintuan ng bus. Lumipat doon si Bobby. May ilang bagong pasahero ang sumakay. Nakatabi niya ang isang lalaking may kalong-kalong na anak. Maingay ang batang babae, tanong nang tanong sa kanyang ama.
            Hindi pa man masyadong nakaaandar ang bus ay biglang may nagsalita ng malakas.
            “Magandang hapon mga kapatid. Nandito po ako upang ihatid sa inyo ang Mabuting Balita. Siguro po marami sa inyo ang busy sa ngayon pero sana po’y ilanan ninyo dito kahit ilang minuto lamang ng inyong oras. Pero bago po natin simulan ang ating pag-aaral ay manalangin po muna tayo”
            Nanalangin ang mangangaral. Pagkatapos nito’y nagbasa siya ng ilang berso. Noong una ay wala masyadong pakialam dito si Bobby. Ngunit may sinabi ang lalaki na kumuha ng kanyang atensyon.
            “Marahil ngayon ay alam natin kung saan tayo pupunta. Nakasakay tayo dito sa bus na byaheng Taytay kaya siguradong may bababa sa Greenhills, sa Ortigas, sa Taytay, etc. Pero mga kapatid, kung sakaling mamatay tayo ngayon, ikaw, alam mo ba kung saan ka pupunta?”
            Napaisip ng malalim si Bobby. Saan nga ba siya mapupunta kapag namatay siya ngayon? Sa binabalak niya pa namang gawin, naisip niyang kung totoo mang may impyerno, malamang doon siya didiretso.
            Nagpaliwanag pa ang lalaki. Hinimok niya ang lahat na sumabay sa panalangin ng pagtanggap. Hindi sumabay si Bobby. Maya-maya pa’y nag-abot ng sobre ang lalaki sa mga pasehero ng bus at nanghingi ng donasyon. Matapos noon ay pumara na ito. Pero bago ito tuluyang nakababa ay may inabot ito kay Bobby na isang pamphlet. Nakasulat sa pabalat ang “Saan Ka Pupunta?”
            “Malayo pa ba tayo sa ospital Papa?” tanong ng batang babae.
            “Malapit na tayo”
            “Gagaling pa ba si kuya Papa?”
            “Oo naman, pagagalingin siya ni Lord”
            “Mahal ba bayad sa ospital Papa?
            “Oo pero tutulungan tayo ni Lord”
            Dahil sa narinig ay nalaman ni Bobby na kapareho niya pala ng sitwasyon ang lalaki. Nasa ospital din pala ang anak nito. Naalala niya bigla na tayong mga Pilipino, mahirap man ang karamihan satin ngunit matindi ang ating pananalig sa Diyos. Natanong niya ang kanyang sarili kung bakit hindi siya katulad ng katabi niya ngayon. Nagalit siya sa kanyang sarili dahil sa plano niyang gawin. Hindi niya magagawang pumatay ng mabubuting tao. Marahil ito ang dahilan kung bakit kanina pa siya napipigilan sa pagbaba ng bus.
            Huminto ang bus sa tapat ng overpass malapit sa Unimart upang magbaba ng ilang pasahero. Agad na lumipat si Bobby sa pinakadulong upuan sa likod. Kinuha niya ang bag na isiniksik niya kanina sa ilalim ng upuan. Binuksan niya ito at pinatay ang cellphone na nasa loob. Muling umandar ang bus.
            Naglalaro na sa isip ni Bobby ang galit ng pulitikong nag-utos daw nito kapag nalamang bigla siyang umatras. Iyon din ang mismong nagbabayad sa hospital bill ng kanyang anak na may sakit. Tiyak malaking problema ito pero bahala na. Kailangan niya nang bumaba ng bus. Kailangan niya nang puntahan ang kanyang pamilya sa ospital at dalin sila sa isang malayong lugar upang tumakas.
            “Tinatanggap ko po Kayo sa buhay ko. Kayo na po ang bahala. Iligtas Nyo po kami” bulong ni Bobby.
            Tumayo si Bobby habang hawak-hawak ang malaking bag. Habang naglalakad siya sa isle ng bus, sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay biglang natanggal ang locket sa kanyang leeg na may picture ng kanyang anak na may sakit. Gumulong ito papunta sa harap. Mabilis ang takbo ng bus. Ipinangkapit ni Eli ang kanyang kanang kamay sa mga upuan habang hawak-hawak ng kanyang kaliwang kamay ang bag. Maingat siyang naglakad papunta sa harapan upang pulutin ang locket. Nang malapit na dito si Bobby ay bumitiw ang kanyang kanang kamay sa upuan upang damputin ito. Sa kasamaang-palad ay biglang nagpreno ang bus upang maiwasang mabangga ang motorsiklong nag-overtake dito. Nawalan ng balanse si Bobby kaya’t dire-diretso siyang sumalpok sa windshield ng bus. Nabasag ang kanyang ulo. Namatay siya sa mismong oras ding ‘yon.
Nangyari ang aksidente malapit sa EDSA. Ang lugar na nagpapaalala ng pagkakaisa at kabayanihan nating mga Pilipino. Sa tabi ni Bobby ay bumagsak ang pamphlet na naiwan niya sa inupuan niya kanina.
            Saan Ka Pupunta?
            Hindi pa dito natatapos ang paglalakbay ni Bobby. Wala pa siya sa kanyang destinasyon.

Ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 4.






Books & Literature - Top Blogs Philippines