Friday, March 16, 2012

Mundo

            Nilapag ko ang cellphone ko sa ibabaw ng lamesa. Nagulat na lamang ako nang biglang nagkaroon ng isang napakalakas na lindol. Ngunit gamit ang taglay kong kapangyarihan ay ibinaon ko ang aking mga kamay sa lupa at pinigilan ang pag-alog ng paligid. Nang mapigilan ko ang lindol ay biglang umihip ang napakalakas na hangin. Isang buhawi ang tumama sa lugar kung nasaan ako. Tinangay nito ang bubong ng aking bahay. Ngunit hindi pa dito natatapos ang lahat. Nagkaroon din ng napakalakas na bagyo at tila galit na galit na tumama ang ulan saking katawan. Napakaingay din ng kulog at napakatalim ng mga kidlat. Nag-ipon ako ng hangin saking lalamunan at hinipan ko papalayo ang bagyo. Sa kabutihang-palad ay nagawa kong palayuin ito. Ngunit ang huli kong nasaksihan ay sadyang nagpayanig saking laman. Nakita kong nahuhulog mula sa langit ang mga bituin. Natakot ako. Ngunit kahit balot na ng takot ang aking pagkatao ay may natitira pa ring pag-asa. Lumaban ako. Inilabas ko ang lahat ng aura saking katawan at nagawa nitong panatiling nakabitin sa langit ang mga bituin. Napakahirap pero pilit kong kinaya.

             Tumunog ang aking cellphone. May text message galing sa'yo. Ito na ang hinihintay kong sagot. Sobrang bumilis ang tibok ng aking puso.

             "Sigurado na ako. Hindi na kita mahal"

             Tuluyan nang nagunaw ang aking mundo.
         

         
Books & Literature - Top Blogs Philippines