Una
sa lahat, bago mo basahin ito, ipinapauna ko lang na hindi ako nagdodroga. Oo’t
umiinom ako ng alak ngunit hanggang doon lang iyon. Wala akong ginagamit na
kemikal na itinuturing na iligal ng batas. Sinasabi ko lamang ito dahil baka
hindi ka maniwala sa mga mababasa mo. Nandito kasi ako sa mundo kung saan mga
kakaibang nilalang ang nabubuhay. Mga halimaw, diwata, mangkukulam, duwende at
kung ano-ano pang hindi ko na alam kung anong tamang depinisyon ang nararapat
sa kanila. Hindi ko alam kung paano ako nakarating dito. Ngunit ang huli kong naaalala
ay pumunta lamang ako sa kaarawan ng isa sa mga kaklase ko.
Kung sino ka mang nagbabasa nito, hindi ko
alam kung anong klaseng mundo ang kinaroroonan mo. Ngunit ako, ang mundong
pinanggalingan ko ay mundo ng mga tao. Isang mundong punong-puno ng matataas na
gusali, mga mahahaling bagay na wala namang kwenta at gobyernong pinatatakbo ng
pera. Sa totoo lang, mayaman ang pamilya ko sa aming mundo. Nakatira kami sa
isang malaking bahay. Ayon pa nga sa iba mansyon daw ito. Pero wala naman akong
pakialam kung anong tawag nila doon. Basta para sakin, isa lamang itong
tulugan. Ayaw ko namang manatili doon. Palaging wala doon ang aking mga
magulang. Nandoon sila sa mga negosyong wala naman talaga akong pakialam. Panay
mga katulong lamang namin ang aking nakikita. Kaya madalas akong nasa mga
kasiyahan at inuman. Na marahil naging dahilan din kung bakit napunta ako sa
mundong kinaroroonan ko.
Oo
nga pala, tungkol doon sa huli kong naalala bago ako nawala sa mundo ng mga
tao. Kaarawan ng kaklase ko noon. Nakikisaya ako sa kanilang bahay. Abala ang
lahat kaya nang maubusan ako ng alak ay pumunta akong mag-isa sa kusina. Kataka-taka
namang walang ibang tao doon. Binuksan ko ang refrigerator at kumuha ng
serbesa. Biglang may kumalabit sa likod ko. Lumingon ako at nagulat nang
makitang isang napakagandang babae ito. Hindi ko siya kilala. Marahil isa sa
mga bisita doon. Kakaiba ang kanyang mga mata. Nagliliwanag ito na animo’y mga
bituin sa walang ulap na langit. Tila may binigkas naman ang kanyang bibig ngunit
wala akong narinig. Naramdaman ko na lamang ang pagnanasang halikan ang kanyang
mga labi. Na siya namang ginawa ko. Matapos noon ay nagising na lamang ako sa
ibang mundo.
May matulis na bagay na
tumama sa aking leeg. Napadilat ang aking mga mata. Nagulat ako nang makitang
may isang duwendeng may hawak na sibat sa aking harapan. Binalak kong tumakas
ngunit nakatali ako.
“Saan
ka sa tingin mo pupunta?”
“Pakawalan
mo ako. Bakit ako nakatali? Anong gagawin mo sakin?” tanong ko.
“Ikaw
ang kakainin namin mamaya. Hinihintay ko lamang ang iba kong kasamahang
naghahanda ng paglulutuan namin sa’yo”
Nang
marinig kong meron pa siyang ibang kasamahan at darating sila mamaya ay tila lumakas
ang aking katawan. Naisip kong marahil ito na lang ang pagkakataon kong makatakas
habang isang duwende pa lamang ang nagbabantay sakin. Nang may kumatok sa pinto
at napunta doon ang atensyon ng duwende ay inipon ko ang aking pwersa at pilit
na pinigtas ang manipis na lubid na nakatali sakin. Nagtagumpay naman ako. Huli
na nang namalayan ng duwende ang aking nagawa sapagkat nakatakas na ako mula sa
bintana.
Kalbaryo
ang katumbas ng bawat araw ko sa mundong ito. Hindi ko nga alam kung araw ang
dapat kung gawing sukatan dahil bihira namang sumikat ang araw dito. Mahaba ang
gabi. Tila katumbas ng isang buwan sa pinanggalingan kong mundo. Gabing punong-puno
ng pangamba kung mabubuhay pa ba ako. Wala na kasi akong ginawa kundi tumakas
mula sa mga nilalang na gusto akong kainin. Ngunit katulad sa lahat ng bagay,
nakakasanayan. Noong una ay ninais ko pang makabalik sa pinanggalingan kong
mundo. Pero naubos na ang pag-asa ko kaya’t natutunan ko na lamang tanggapin na
ito na ang buhay ko ngayon. Wala nang makakapagpabago nito. Akala ko ganon.
Pero may dumating. Binago niya ang lahat.
Isang
araw, habang maingat akong kumakain ng mga prutas mula sa taas ng isang puno ay
naramdaman kong umaalog ang paligid. Naisip ko agad na may papalapit na higante.
Tama naman ang kutob ko. Ang hindi ko inaasahan ay may hinahabol pala itong
isang babae. Hindi lang basta babae. Isang babaeng nagmula sa parehong mundong
pinanggalingan ko. Nang malapit nang maabutan ng higante ang babae ay kumuha
ako ng isang malaking prutas. Kasingbigat ito ng malaking bato. Inihagis ko ito
mula sa itaas ng puno at tinamaan ang higante sa ulo. Namatay siya. Agad kong
nilapitan ang babae at isinama sa paglayo.
Ang
pangalan ng babae ay Vanessa. Napakaganda niya. Maging ang pinakamagandang
diwata ay hindi maikukumpara sa kagandahan niyang taglay. Katulad ko, hindi
niya rin alam paano siya nakarating sa mundong ito. Ngunit siya, gusto niya
pang makabalik. Lagi niyang sinasabi saking tulungan ko siyang makabalik. Hindi
raw kami tagadito. Hindi ito ang aming tahanan. Lagi siyang nagmamakaawa. Ang
kanyang mala-anghel na mukha, sadyang mahirap tanggihan.
Narinig
naming may isang makapangyarihang nilalang ang nabubuhay sa may burol sa hilaga.
Gusto ni Vanessa na puntahan namin ito dahil baka matulungan niya kaming
makabalik sa sarili naming mundo. Nakatira siya sa isang malaking bahay na
animo’y katulad sa tao. Ngunit ang bahay na ito’y binabantayan ng mga
nakatalukbong na nilalang na hindi nakikita ang mukha. Sabi-sabi na upang patuluyin
ka ng mga ito ay dapat alayan mo sila ng itlog ng Kariwa. Ang Kariwa ay higanteng
ibon na matatagpuan sa kagubatang malapit din doon. Ayoko sanang isugal ang
buhay ko sa mga bagay na ito. Pero si Vanessa, hindi ko alam, ayoko siyang
biguin.
Pumunta
kami sa kagubatan kung saan naroon ang itlog ng Kariwa. Natanaw namin ito sa isa
sa mga puno. Mabilis ko itong inakyat habang wala ang higanteng ibon. Kinuha ko
ang itlog at inihagis kay Vanessa. Buti na lamang at nasalo niya ito. Akala namin
ay maayos na ang lahat ngunit biglang dumating ang Kariwa. Nang makita niyang
na kay Vanessa ang itlog ay susugurin niya ito. Ngunit bago niya nasugod si
Vanessa ay tinalon ko ito mula sa puno. Umalog-alog ang Kariwa upang mahulog
ako ngunit hinigpitan ko ang paghawak sa kanya. Nang maisip niyang hindi niya
ako madadaan sa ganon ay bumulusok siyang papaitaas. Sa sobrang taas ay hindi
na ako makahinga. Buti na lamang at nakuha ko ang patalim na nakasukbit sa aking
tagiliran at sinaksak ko siya. Nanghina ito at dahan-dahang bumagsak sa lupa.
Nakatalon naman ako bago siya tuluyang bumagsak. Dinala namin ang itlog sa mga
tagapagbantay ng bahay sa may burol.
Tatlo
ang tagapagbantay. Para silang lumulutang na damit na may talukbong sapagkat
hindi nakikita ang kanilang mga mukha. Hindi namin alam kung ano ang
kapangyarihan nila ngunit ayaw na naming sumugal. Inabot namin sa kanila ang
itlog ng Kariwa. Kinula nila ito at bumukas ang pinto ng bahay.
Magara
sa loob. Kataka-taka para sa isang mundo kung saan parang wala namang halaga ang
yaman.
“Anong
kailangan nyo” sabi ng isang tinig ng babae. “Lumapit kayo dito”
Sinundan
namin ang direksyon ng tinig. Doon ay may nakita kaming isang magandang babae. Hindi
ako sigurado kung tao siya dahil mukha siyang tao ngunit ang kanyang mga tenga
ay patulis katulad sa diwata. Nakasuot siya ng itim na bistida. Nakaupo siya sa
isang trono at may hawak na tungkod na animo’y reyna.
“Gusto
naming makabalik sa aming mundo” sabi ni Vanessa. “Baka magawa mo kaming
tulungan”
Ginamit
ng babae ang kanyang tungkod at gumalaw ang dalawang upuan papalapit samin ni
Vanessa.
“Maupo
kayo” utos niya. “Bakit ko naman kayo tutulungan? Ano namang mapapala ko?”
Marahil
dahil napansin ni Vanessa na mahilig sa magarang kagamitan ang babae ay inalok
niya dito ang kanyang singsing na may mamahaling bato.
“Ibibigay
ko sa’yo ito, tulungan mo lang kami”
“Lumapit
ka sa akin nang mas makita ko yan ng mabuti”
Ipinakita
ito ni Vanessa sa babae. Hinawakan nito ang kanyang kamay.
“Bakit
naman akong makikipagsundo sa inyo? Pagkatapos ko kayong kainin mamaya ay
mapapasaakin din naman yan”
Nang
marinig iyon ni Vanessa ay agad niyang tinabig ang tungkod ng babae patungo
sakin. Agad ko naman itong dinampot. Binalak sanang lumayo ni Vanessa mula sa
babae ngunit mula sa kamay nito ay may lumabas na animo’y kuryente. Hindi ko
man alam gamitin, ay itinuro ko ang tungkod sa babae at naglabas ito ng animo’y
kuryente na higit na mas malakas sa kapangyarihan niya. Napatay siya nito. Agad
ko namang nilapitan si Vanessa. Naghihingalo na siya ngunit nagawa niya pang
magsalita.
“Masaya
ako at natagpuan ko na rin sa wakas ang tahanan ko” ang huli niyang sinabi
sabay turo sa aking dibdib.
Matagal
na panahon na ang nakakalipas nang mawala si Vanessa. Pero kailan ko lang
naunawaan ang ibig niyang sabihin noon. Tama siya, natagpuan niya nga ang
tahanan niya. Dahil magpahanggang ngayon ay nakatira pa rin siya sa aking puso.
At hanggang nandito siya sa aking puso ay mananatili siyang buhay sa aking
pagkatao. Ngayon ko lang rin naunawaan ang ibig sabihin nung mangangaral na
napanood ko noon sa telebisyon tungkol sa puso ng tao. Kung paanong ito ay
tahanan ng Diyos. Sadyang malinaw na ang lahat. At tungkol naman doon sa
tungkod na nakuha ko mula sa babae, sabihin na lang nating, ang binabasa mo
ngayon, ay isinulat ko sa sarili kong tahanan, sa sarili kong mundo.