Thursday, October 20, 2011

KASAL


                   “Oh bakit mukhang malungkot ka Klariza, hindi ba dapat masaya ka dahil ito ang araw ng iyong kasal?”
                Nagbigay na lamang ng pilit na ngiti ang dalaga sa naglalagay ng make-up sa kanya. Hindi masaya si Klariza. Hindi nya mahal ang lalaking pakakasalan nya. Pinilit lamang sya ng kanyang mga magulang na pakasalan ito dahil mayaman ang pamilya ng lalaki.
                “Kamusta na ang mapapangasawa ko?” tanong ni Gerome pagpasok sa kwarto kung saan inaayusan si Klariza.
                 “Nako Sir, hindi nyo pa dapat makita ang mapapangasawa nyo, malas po yon”
                “Hindi ako naniniwala sa mga pamahiin” sagot ni Gerome. “Manang, pwede bang iwanan nyo muna kami ni Klariza. May sasabihin lang ako sa kanyang mahalaga”
                Lumabas ang babae upang makapagusap ang dalawa.
                “Ngumiti ka nga!”
                “Bakit ako ngingiti eh hindi naman ako masaya”
                “Bahala ka kung anong gusto mo. Pero gusto ko lang sabihin sa’yo na kung inaasahang mong pupunta mamaya si Vic para pigilan ang kasal, kalimutan mo na yon. Hindi sya darating. Binayaran ko sya ng isang milyong piso para kalimutan ka. Tinanggap nya yon. Balita ko lumuwas na sya patungong Maynila. Nakakatawang isipin na may katumbas na presyo ang pagibig nya sa’yo”
                “Hindi totoo ang sinasabi mo”
                “Totoo ang sinasabi ko. Kaya kalimutan mo na sya. Pagaralan mo na akong mahalin dahil ako na ang mapapangasawa mo”
                Pagkatapos magusap ay iniwan na ni Gerome si Klariza sa kwarto. Umiyak ang dalaga. Hindi sya makapaniwa sa kanyang narinig.
                Dumating na ang oras para magisang-dibdib sila Klariza at Gerome. Habang dinaraos ang kasal ay patuloy na umaasa si Klariza na darating si Vic at pipigilan ito. Ngunit natapos ang kasalan at walang Vic na nagpakita. Marahil tama si Gerome, may katumbas nga na halaga ang pagibig nito sa kanya.

                Kinagabihan, habang nagpapahangin si Klariza sa hardin nila Gerome ay may tumawag sa kanyang pangalan. Pamilyar ang boses na yon. Hindi sya pwedeng magkamali, boses yun ni Vic. Tumingin-tingin sya sa paligid. Sa likod ng istatwang anghel ay nakita nyang nagtatago si Vic. Nilapitan nya ito.
                “Klariza, sumama ka na sakin, lumayo na tayo dito”
                “Vic, hindi ko na yon magagawa, kasal na ako kay Gerome”
                “Pero hindi mo sya mahal, ako ang mahal mo, at mahal naman kita”
                “Kung mahal mo ako, dapat hindi mo tinanggap ang isang milyong ibinigay sayo”
                “Ano? Wala kong tinanggap na isang milyon”
                “Pero wala ka pa ring ginawang paraan para maitakas ako o pigilin ang kasal. Tapos na ang lahat Vic. May asawa na ako. Patawad”  naiiyak na sinabi ni Klariza sabay patakbong bumalik sa bahay nila Gerome.
                Sa loob ng bahay, nang makita ni Klariza si Gerome ay agad nya itong sinampal.
                “Niloko mo ako” sabi ni Klariza. “Ang sabi mo binayaran mo si Vic ng isang milyon para layuan ako, pero ang totoo ay hindi nya pala ako pinagpalit sa pera”
                “Sino nagsabi sa’yo nyan?”
                “Nakausap ko si Vic kaya alam kong nagsisinungaling ka”
                “Kelan mo sya nakausap?”
                “Kanina lang”
                “Hindi yon maari, nung isang araw ko pa sya pinatay”

No comments:

Post a Comment

Books & Literature - Top Blogs Philippines