Thursday, October 27, 2011

IMAHE


                “I’m sorry” umiiyak na sinabi ni Jane.
                “Bakit?”
                “Mark, hindi ako yung tamang babae para sa’yo”
                “Nakikipaghiwalay kaba sakin?”
                “Sorry talaga”
                “Jane, wag mong gawin ‘to, mahal na mahal kita...”
                Hindi pa man tapos magsalita si Mark ay pinutol na ang usapan nila sa cellphone. Dumeretso agad si Jane sa banyo. Hanggang doon ay wala pa rin tigil ang kanyang pag-iyak. Tinodo nya ang bukas ng gripo. Hinubad nya ang kanyang mga suot. Kahit hindi pa puno ang timba ay sumalok agad sya ng tubig at ibinuhos sa kanyang katawan. Gigil na gigil nyang kinuskos ang kanyang balat.
                “Napakarumi kong babae...”

                Nag-ring ang cellphone ni Jane.  Si Anna ang tumatawag. Inisip nya kung sasagutin nya pa ba ito o hahayaan nya lang mag-ring. Kaso baka may importanteng sasabihin kaya’t sinagot nya na lang.
                “Jane?”
                “Anna”
                “May something ba? Sabi ni Mark nakipaghiwalay ka daw sa kanya”
                “Anna...”
                “Dear, ano ba yon? Baka may maitutulong ako?”
                Biglang umiiyak si Jane.
                “Tell me, handa akong makinig”
                “Anna, ibinenta ko yung pagkababae ko”
                Nabigla si Anna sa narinig. Hindi agad sya nakapagsalita.
                “Jane, ayaw kitang husgahan, pero bakit?
                “Kailangan ko ng pera. Gusto kong magaral. Akala ko after that wala na. Pero ngayon, ang dumi-dumi ko...”
                Lalong tumindi ang pagiyak ni Jane. May iba pa syang mga sinasabi ngunit hindi na maintindihan dahil sa kanyang paghagulgol.
                “Okay, calm down, calm down...”
                Hinintay ni Anna na medyo tumigil ito sa pagiyak.
                “Jane, sino yung lalaki?”
                “Hindi ko alam kung pwede kong sabihin. Sabi nung bakla dapat confidential ‘to”
                “Sinong bakla?”
                “Yung nagbugaw sakin”
                “Shit Jane, bestfriend mo ako. Wala ka bang tiwala sakin?”
                “Hindi naman sa ganon pero... pero... sige, ang totoo si Mayor yung lalaki”
                “What!”              
                “Sobrang nagsisisi ako Anna. Anong dapat kong gawin?”
                “Nangyari na ‘yon. Hindi mo naman pwedeng kasuhan ng rape dahil hindi ka naman ni-rape. Linggo naman bukas, magsimba tayo. Humingi ka ng tawad. Sa tingin ko ‘yon ang pinakamaganda mong gawin para sa sarili mo”
                “Nakakahiya...”
                “Sa Kanya ka pa ba mahihiya?”
                “Anna, salamat at nandyan ka...”

                Kinabukasan, taimtim na nagdadasal si Jane sa bandang likuran. Ganon ata talaga kapag pakiramdam mong makasalanan ka, gusto mong sa likuran ng simbahan umuupo. Halos hindi na iniintindi ni Jane yung mga sinasabi ng pari, basta hingi lang sya ng hingi ng kapatawaran.
                Lumipas ang isang oras at natapos ang pinakapaksa ng pari. Bigla namang nabanggit nito ang tungkol sa lumalawak na prostitusyon.
                “May pagkukulang ang maraming mga magulang kaya’t nangyayari ito. Ngunit hindi lamang sa mga magulang nagtatapos ang lahat. Kailangan natin ng suporta ng gobyerno. Kailangan natin ng mga taong nasa pwesto na lalaban dito. Kaya naman ako’y lubos na nagpapasalamat ng sabihin sakin ng ating butihing Mayor na handa syang labanan ito” sabi ng Pari sabay turo kay Mayor.
                Tumayo si Mayor at kumaway-kaway sa mga tao. Nakaupo pala ito sa bandang harapan ng simbahan.  Nagpalakpakan ang mga tao. Makikita sa kanyang proud sya sa kanyang hangarin.  Makikita sa kanyang proud syang lalaban nya ang prostitusyon.

1 comment: