Thursday, October 5, 2017

PAUWI NA MULA SA ISANG PAGLALAKBAY

“Eyos ke lang ba, anak?” tanong ni Bernard sa batang nadapa.
            Nakatitig lamang si Iya sa napakatangkad at napakaitim na lalaki sa kanyang harapan. Yumuko si Bernard at inalok ng tulong ang bata. Hindi ito pinansin ni Iya at pinilit tumayong mag-isa.
            “Anong sabi ng negro kay Iya? Anak?” tanong ni Kurimao sa mga kaibigan. “Gorilya pala ang tatay ni Iya.”
            “IYA GORILYA! IYA GORILYA! IYA GORILYA!” pasimula ng isang bata hanggang sa lahat na sila’y ganoon na ang isinisigaw.
            “HINDI KO SIYA TATAY!”          
            Nakangising nanonood sa isang tabi ang mga aleng kakagaling lamang sa misa. Nakapulupot pa ang rosaryo sa kanilang kamay na parang ahas. Patuloy pa rin sa pang-aasar ang mga bata.
            “Hoy, mga inutil kayong mga bata kayo. Anong sinasabi niyong gorilya? Wala kayong respeto kay Pastor,” sabi ng lasing na si Mang Abel. May hawak itong bote ng Ginebra. Pagewang-gewang ang kanyang lakad habang hinihimas ang bondat niyang tiyan. “At kayo naman, ang tatanda niyo na hindi niyo man lang sitahin ang mga anak niyo.”
            “MANAHIMIK KA MANG ABEL! HUWAG NA HUWAG MONG MUMURAHIN ANG ANAK KO! BAKIT, IKAW BA NAGPAPALAMON DIYAN? WALANG KWENTANG LASINGGERO ‘TO!”
            Muntikan pang magpangabot si Mang Abel at ang mga Santa Santitas of Manila mabuti na lamang at biglang may dumaan na sasakyan. Sa liit kasi ng mga kalye sa kanilang lugar, dagdag pa ang mga kotseng ginawang parking lot ang gilid ng kalsada, talagang mapapatabi ka kapag may dumaang sasakyan.  Kung tutuusin, kung saan naglalaro ang mga bata ngayon ay isa na sa maluwag-luwag na espasyo sa Brgy. Diokno. Karamihan ng daan dito ay mga eskinita. Ang iba nga ay mas makitid pa sa pag-iisip ng babaeng selosa.
            “Pagpesensyahan ne lang naten ang mga bata, Mang Abel,” sabi ni Bernard.  “Siya nge po pela, nendyan po ba si Aling Amanda?”
            Para sa isang egoy na limang taon pa lamang sa Pilipinas ay mahusay nang mag-Tagalog si Bernard. Slang pa siyang magsalita subalit higit siyang mas mahusay mag-Tagalog kay Martin Nievera, Tim Cone, Norman Black, James Reid, Sam Milby at mga fil-am na ipinapasok sa bahay ni Kuya. Pinilit niyang matutunan ang ating wika dahil isa siyang misyonaryo. Nais niyang maibahagi ang Salita ng Diyos kahit sa mga taong hindi nakakaunawa ng Ingles.
            “Opo, Pastor,” sagot ni Mang Abel. “Diretso na po kayo sa bahay namin. Hinihantay na nila kayo.”
            “Hindi pow ako pastor. You can just call me Brother Bernard. Brother ne lang po.”
Dumiretso si Bernard sa isang eskinita hanggang sa marating ang bahay nila Mang Abel. Doon ay masaya siyang sinalubong ni Aling Amanda at mga kasama nila sa bible study. Pinaupo siya sa tapat ng bintilador dahil kahit mainit ang panahon ay nakasuot siya ng pulang long sleeves. Hangga’t maaari ay nais niyang magmukhang kagalang-galang bilang mangangaral. Pinakiusapan niya si Aling Beverly na basahin ang Mateo 17:13-14.
             “Pumasok kayo sa makipot na tarangkahan sapagkat ang maluwang na tarangkahan at malapad na daan ay patungo sa kapahamakan. Marami ang patungo roon. Subalit ang makipot na tarangkahan at makitid na daan ay patungo sa buhay. Kakaunti ang mga nakakasumpong nito.”
            Sandaling naantala ang kanilang pag-aaral ng Salita ng Diyos nang makiraan sa salas ang anak na lalaki ni Aling Amanda na si Romeo. Kakatapos lamang nitong maligo at nagmamadaling lumabas ng bahay.
            “Saan ka na naman pupunta?” tanong ni Aling Amanda. “Magdamag ka na naman sa kompyuteran nito. Hindi ka na naman tutulong sa mga gawaing-bahay. Pareho niyo talaga akong binibwisit ng tatay mo…”
             Daig pa ni Aling Amanda ang nag-register sa unli-call at unli-text sa dami ng pwede niyang sabihin subalit pinigilan niya ang kanyang sarili nang mapagtantong nasa harap nila si Brother Bernard. Parang presong nakapuga naman si Romeo dahil hindi siya napigilan ng kanyang ina.

            Parang naligo sa pawis si Bernard nang magising mula sa isang bangungot. Sa edad niyang bente nuebe ay muntikan pa siyang maihi sa kanyang salawal dahil sa sobrang kaba. Ilang araw na siyang nababagabag dahil sa tumamang hurricane sa Ohio. Naroon ang kanyang pamilya. Hindi nakakatulong ang katotohanang wala silang komunikasyon. Ilang footages ang ipinalabas sa balita kung saan nagala-Michael Phelps ang mga bahay at kotse sa sobrang taas ng baha. Tila inenrol ng global warming ang mga bagyo sa Gold’s Gym dahil ibang level na ang lakas nila ngayon. Pansamantala nitong sinira ang linya ng kuryente, Telcos at internet.  Higit kailanman, nais nang umuwi ni Bernard. Pero wala siyang pera. Kung meron man, hindi sapat pambili ng ticket pabalik ng Ohio.
            Pagbaba niya mula sa inuupahang kwarto ay eksaktong nanonood ng balita ang pamilya ng kanyang landlord. World news. Gigil na gigil si Mang Kadyo. Para nang kamatis ang kanyang mukha sa pamumula.   
            “Napakababa talaga ng tingin satin ng mga banyaga.  Akala mo naman hindi sila tumatae. Pare-pareho lang naman tayong tao. Pare-pareho lang naman tayong dugo’t laman.”
            Ang pinuputok ng butsi niya ay ang pagtanggi ng isang doktor na Pranses na tulungan ang isang Pilipinong biglang hinimatay sa loob ng tren. Ayon sa Pranses ay doktor lamang siya ng mga puti kaya’t kahit magkasabay sila sa byahe ay pinabayaan niya lamang ito.  Sa kabutihang-palad ay hindi naman natuluyan ang Pinoy. Pero hindi nakaligtas ang pangyayaring ito sa Filipino Community sa Pransya. Dahil doon ay nagpahayag sila ng kanilang saloobin sa iba’t ibang pangunahing lansangan.
            “It’s hard to believe that it’s already 2017 but racism is still very much alive,” sabi ng isang Filipinang ininterview sa TV. “Racism needs to stop. It needs to stop now!”
            “Grabe talaga ang mga porener, mga reysis,” sabi ni Mang Kadyo. “Mabuti na lang ang mga Pinoy mababait. Buti na lang walang reysisim sa Pilipins no, Bernard?”
            Hindi agad nakasagot si Bernard. Naalala niya ang mga ngisi at mapangkutyang tingin ng mga ale habang niloloko na anak ng gorilya ang batang nadapa. Siya ang tinutukoy na gorilya dahil lamang maitim ang kanyang balat. Pero naalala niya rin kung gaano kabuti ang pamilya ni Mang Kadyo. Ang turing sa kanya ng mga ito ay isang kapamilya.
            “Bebehira nga po ang racism ditow,” sagot ni Bernard. “Mababaet po telaga eng mga Pinoy.”
            “Kamusta na nga pala ang pamilya mo sa States? May balita ka na ba sa kanila? Mas mabilis maayos ang koneksyon ng kuryente doon kumpara dito na inaabot ng ilang linggo kapag binagyo.”
            “Baka nge po tumateweg na sela saken kaso nasira po etong cellphone ko. Pupunta ne lang pow ako sa computer shop to check my Facebook account.”
            “Sige, umalis ka na agad at baka gabihin ka pa,” mungkahi ni Mang Kadyo. “Nakatulog ka ba? Pagkabalik mo kasi kanina galing sa bible study ay ngayon lang kita nakitang lumabas ng kwarto mo.”
            “Opo, sumaket kasi eng ulo kow maybe because sa inet ng panehon.”
            “O siya, mamaya na tayo mag-usap at gawin mo na ang dapat mong gawin.”
            Hindi alam ni Bernard kung bakit bumalik pa siya sa kanyang kwarto at nagsulot ng polo. Maayos na naka-hanger doon ang long sleeves na ginamit niya kanina subalit hindi niya na ito ginalaw. Pinili niya ang puti na may maiksing manggas. Maaari mo siyang mapagkamalang estudyante o nakikiramay sa burol, depende na lang sa’yo. 
            Mas mahaba ang gabi kumpara sa araw. Ber months na talaga. Bago lumabas ng bahay ay tumingin muna si Bernard sa relong may logo ng Mercury Drug na nakasabit sa pader. Ala-singko y medya pa lamang pero madilim na ang paligid. Hindi pa man siya nakakaalis ay gusto niya nang umuwi.
           
            Maingay sa loob ng Crossfire Internet Café. Lumapit si Bernard sa cashier at nagtanong ng bakanteng pwesto.
            “Ilang oras po?” tanong ng bantay na naistorbo ang panood ng Koreanovela online.
            “Eysang oras lang.”
            “Doon na lang kayo sa number 15.”
            Sa paglapit ni Bernard  sa PC number 15 ay may KSP na lalaking biglang sumigaw.
            “WHAT’S UP MY NIGGA?”
            Nagtawanan ang mga batang naglalaro ng DOTA. Hindi niya ito pinatulan. Sanay na siya sa ganito.  Mateo 5:44. Love your enemies and pray for those who persecute you, naisip niya. Naupo siya sa monobloc at binuksan ang computer.
            “SNOOP DOGG IN DA HAWS! BREAK IT DOWN YO!” patuloy ng KSP. “LET’S HAB A PLIPTAP YO!”
            Tinignan niya ang KSP. Tantya niya ay labinglimang taong gulang pa lamang ito. Payat ang pangangatawan at kulay kalawang ang buhok. Nakasuot ito ng itim na tshirt na may nakatatak na “ARAW-ARAW SUNDAY”. Nakaangat ang mga paa ng binata habang naglalaro na parang nasa bahay lang.
            “TARANTADO KA, NESTOR!” singit ni Romeo na nasa computer shop din ng mga oras na ‘yon. “RESPETUHIN MO NAMAN SI PASTOR!”
            “Malay ko ba?” sagot ni Nestor. “Hindi ko naman alam, eh.”
            “Palibasa halang ang kaluluwa mo,” pang-aasar ng isa sa mga kalaro nila ng DOTA.
            “Brother Bernard, pagpasensyahan niyo na po ito. Masamang tao kasi ito.”
            Ngumiti lamang si Bernard upang ipaalam na hindi  niya dinibdib ang mga sinabing pang-aasar. Sa totoo lang ay hindi na nagawang umistambay ng mga salita ni Nestor sa kanyang isipan nang makita niyang online ang kanyang nanay sa Facebook.
            MOM, HOW’S EVERYONE?
            Hey Bernie. We are okay. When are you coming home? We miss you so bad.
            Thank God you guys are alright. I’m having a hard time sleeping thinking about all of you. I don’t have enough money now but I’m trying to contact our local church there. Maybe they can help me out.
            Oh, I don’t know if they can help you because they are struggling themselves.  But don’t you worry about the money, I can do something about it. We need you here Bernie. It’s been five years, you know.
            “I’m sorry, Mom. It’s just that, this is my calling.”
            “You’re spending your life with those Filipinos. Most of them you don’t even know. Is it worth it?”
            Ilang minuto ang lumipas bago siya tuluyang nakasagot ng “yes”. Nagpatuloy ang kamustahan ng mag-ina. Matapos ‘yon ay kinausap niya rin ang iba niyang kaibigang taga-Ohio. Madalas na topic si Lebron James lalo na’t naroon ang Cleaveland Cavaliers. Babawian nila ng Golden States. Sana hindi lumipat si Kyrie Irving. Muli silang manonood sa Quicken Loans Arena. Ang daming masarap gawin kapag nakauwi na siya. Pero may mga bagay na sadyang kayhirap iwan. Katulad ng gawain para sa Panginoon. Do I still want to go home, tanong niya sa sarili.   
            Ang plano niyang isang oras na pananatili sa computer shop ay inabot nang tatlong oras. Kinamusta niya lahat ng kanyang kababata sa Ohio. Masaya siyang malamang walang nasawi sa kanila. Maga-alas nuebe na nang lumabas siya ng Crossfire. Kakaunti na lamang ang kabataang naiwan sa computer shop. Karamihan sa kanila ay umalis na bago mag-alas otso.
            Halos wala ng tao sa kalsada. Karamihan ay nag-iingat dahil sa sunod-sunod na patayang nagaganap. Maging ang dating masayang basketball court ay wala nang nagpapa-schedule sa gabi. Habang mag-isang naglalakad si Bernard ay biglang may bumangga sa kanya mula sa likod. Lumingon siya. Namumukhaan niya ito. Ito ang nang-aasar sa kanya kanina sa computer shop. Hingal na hingal ito at tila nanginginig sa takot.
            “Tulungan mo ako.”
            “Baket, enong problema?”
            “May… may… pa… patay sakin,” pautal-utal na sabi  ni Nestor sabay dukot ng isang pakete sa bulsa ng kanyang shorts. Inilagay niya ito bulsa ng polo ni Bernard. Bago pa man nakagawa ng anomang reaksyon si Bernard ay kumaripas na ng takbo si Nestor nang may sumigaw sa pangalan nito. Tumakbo ito patungo sa direksyon ng maluwag na kalsada.
            Ang maluwang na tarangkahan at malapad na daan ay patungo sa kapahamakan.
            “HOY! BUMALIK KA DITO!”
            Nagpaputok ng baril ang isa sa mga lalaking humahabol. Wala mang tunog pero sigurado si Bernard na baril ito. It has a silencer, naisip niya.
            “HULIHIN NIYO YUNG KASABWAT!”
            Masama ang kutob ni Bernard. Agad siyang tumakbo patungo sa direksyon ng bahay ni Mang Kadyo. Bago makarating doon ay kailangan niyang daanan ang isang mahabang eskinita. Ang napakakitid na eskinitang ito ay mas lalo pang sumikip dahil sa mga paso, sinampay at motorsiklo na nasa tapat ng ilang bahay.
            Subalit ang makipot na tarangkahan at makitid na daan ay patungo sa buhay. Kakaunti ang mga nakakasumpong nito.
            Biglang sumakit ang likod ni Bernard. Sandaling namuti ang kanyang paningin. Namalayan niya na lamang na nakatumba siya lupa. May tama siya ng baril.
            “Parang may inabot sa kanya si Nestor. Itihaya mo at kapkapan.”
            Napasigaw sa sakit si Bernard nang lumapat ang kanyang likod sa lupa. Narinig ito nang nakatira sa tapat kung saan siya bumagsak sapagkat biglang may bumukas na ilaw.
            “Anak ng… wala yang kinalaman, si Pastor yan,” sabi ni Romeo. Isa siya sa tatlong lalaking humahabol kay Nestor. Ngayon lang rin namalayan ni Bernard na tatlo pala sila.
            “Pare, tapusin mo na yan, baka lumabas na yung nakatira diyan.”
            “Huwag,” pakiusap ni Romeo sa may hawak ng baril.
            Itinutok ang baril sa ulo ni Bernard. Nabasa niya pang nakasulat sa tshirt nito ang mga salitang “THE FILIPINOS ARE WORTH DYING FOR”.
            You’re spending your life with those Filipinos. Most of them you don’t even know. Is it worth it?    
            Kinalabit ang gatilyo. Nag-jam ang baril. Buhay pa si Bernard pero pagod na siya. Gusto niya na lamang makauwi. Sa kasamaang-palad ay boyscout si Kuya at may baon itong extrang baril. Ngumiti si Bernard. Wala siyang sama ng loob kahit kanino. Nagwagi ang pag-ibig.
            Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung di gayon, ay sinabi ko sana sa inyo. Sapagka't ako'y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung ako'y pumaroon at kayo'y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto ako, at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili. Upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon.
            Isang malakas na putok.  Makakauwi na si Bernard.



Ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 9


No comments:

Post a Comment