Noong unang
panahon, noong wala pang kuryente at hindi pa uso ang telebisyon, ang mga tao
ay nakatira lamang sa loob ng kweba. Sila ang mga taong-bato. Dahil wala pang
mga de-kuryenteng kasangkapan, nililibang nila ang kanilang sarili sa
pamamagitan ng pagsayaw at pag-awit.
Sa mga mang-aawit, ang pinakamahusay
sa lahat ay si Pogpog. Napakaganda ng kanyang tinig. Ang pakikinig dito ay
nakakagaan ng loob na parang tunog ng pag-agos ng batis o pag-awit ng mga ibon
sa umaga. Napakaamo rin ng kanyang mukha. Kaya gayon na lamang ang paghanga sa
kanya ng karamihan. Dahil wala pang pera noong mga panahong iyon, binibigyan
siya ng prutas, gulay, isda at karne sa tuwing matatapos ang kanyang
pagtatanghal. Nakatira siya sa pangalawa sa pinakamalaking kweba sa buong
mundo.
Ang nagmamay-ari ng pinakamalaking
kweba ay si Uga. Siya ang pinuno ng mga taong-bato. Siya rin ang pinakamayaman
sa buong mundo. Naniniwala ang mga taong-bato na walang papantay sa taglay
niyang katalinuhan. Kaya naman hinahangaan at pinagkakatiwalaan siya ng
karamihan. Bilang pinuno, sa kweba niya itinatago ang ikatlong bahagi ng lahat
ng prutas, gulay, isda at karne na makukuha ng mga taong-bato. Ayon kay Uga,
siya ang mamamahala ng lahat ng ito upang kapag dumating ang tag-ulan ay may
sapat pa ring kakainin ang lahat. Ngunit lingid sa kaalaman ng mga taong-bato
ay kinakain lamang ng pamilya ni Uga ang imbak ng pagkain. Ito ang dahilan kung
bakit mataba ang lahat ng miyembro ng kanyang pamilya.
Isang gabi, inimbitahan ang lahat na
makisaya sa kaarawan ni Uga. Ipinakatay ang pinakamalulusog na baka upang
ihanda at pinabiyak ang napakaraming buko upang mayroong masarap na maiinom ang
mga panauhin. Nasasabik na ang lahat sa kanilang kakainin subalit ang
pinakainaabangan nila ay ang mahuhusay na pagtatanghal. Siyempre, lalong-lalo
na ang pag-awit ni Pogpog. Hindi matapos-tapos ang pasasalamat ng mga
taong-bato kay Uga sa pag-oorganisa ng ganito kalaking kasiyahan.
Ang unang nagtanghal ay si Aku-aku.
Tumayo siya malapit sa siga upang siya’y makita ng lahat. Napakaganda ng
kanyang tinig. Nagpalakpakan ang mga taong-bato.
“Aku-aku galing. Aku-aku husay,”
papuri ng isa.
Nakaramdam ng inggit si Pogpog
habang nanonood sa isang tabi at hinihintay ang kanyang pagkakataong magtanghal.
Kumuha siya ng putik at ipinukol ito kay Aku-aku. Tinamaan ito sa mukha.
Nagtawanan ang mga taong-bato sa kanyang itsura. Umiiyak na umuwi si Aku-aku sa
kanilang kweba dahil sa kahihiyan.
“Sama gawa Pogpog,” sabi ng batang
lalaking si Litlit.
“Pogpog hindi sama. Siya aking
idolo,” pagtutol naman ng isang tagahanga ni Pogpog nang marinig ang komento ni
Litlit. “Pogpog hilig lamang biro.”
Lumapit sa siga ang ikalawang
magtatanghal. Ang pangalan niya’y Amimi. Mahusay siyang mananayaw at maganda
ang kanyang mukha. Naghiyawan ang mga lalaki. Pumipito pa ang iba. Nang
magsimula na ang kanyang pagsasayaw ay biglang naghagis si Pogpog ng balat ng
saging sa kanyang paanan. Nadulas siya at nasaktan. Naawa ang iba sa kanyang
kalagayan. Mayroon pang nais pagbayarin kung sino man ang naghagis ng balat ng
saging. Ngunit nang malaman nilang si Pogpog ito ay nagbago ang kanilang isip.
Hindi nila magagawang magalit sa kanilang idolo.
“Bait aking idolo. Hindi niya sadya
hagis balat ng saging,” sabi ng isang batang babae.
Dumating na ang pagkakataon ni
Pogpog na magtanghal. Nagsigawan ang mga taong-bato. May mga babae pang
napaiyak dahil sa sobrang saya. Sa gitna ng kanyang pagtatanghal ay paulit-ulit
na naririnig ni Litlit ang salitang “idolo” mula sa mga manonood.
“Gusto pa kanta! Dami pa!” pakiusap
ng isang matandang lalaki.
“Pogpog, huwag tigil! Pogpog, kanta
pa”!
Matapos ang tatlong kanta ay
itinapat ni Pogpog ang kanyang hintuturo sa kanyang labi upang manahimik ang
mga taong-bato.
“Kayo kinig lahat. Pogpog may
sasabihin,” pasimula niya. “Uga ‘di mahusay pinuno. Uga nakaw ating pagkain.
Tingin mo katawan, sobrang taba.”
Namutla si Uga sa kanyang narinig.
Parang taong lumaklak ng sukang paombong. Napatingin sa kanya ang lahat.
“Pogpog ‘di sabi totoo. Pogpog gawa
lamang kwento,” sagot ni Uga.
Umingay ang mga taong-bato.
Nagdiskusyon sila sa isa’t isa. May kanya-kanya silang kinakampihan at
pinaniniwalaan.
“Ako kampi Uga. Siya aking idolo.
Pogpog sinungaling,” sabi ng tagahanga ni Uga.
“Pogpog ‘di sinungaling. Uga
sinungaling,” sabat naman ng tagahanga ni Pogpog.
“Kayo pili gusto niyo pinuno,”
mungkahi ni Pogpog. Ito ang matagal niya nang gustong mangyari. Nais niyang
palitan si Uga bilang pinuno ng mga taong-bato. “Pogpog o Uga?”
“Sige, payag Uga,” sagot ni Uga
habang nakakunot ang noo. “Inyo gawin pagpili anim na bilog na buwan mula
ngayon.”
“Iyon tagal masyado,” pagtutol ni
Pogpog. “Dapat apat lamang.”
Napagkasunduan ng lahat na apat na
kabilugan ng buwan mula nang gabing ‘yon ay mamimili sila kung sino ang nais
nilang maging pinuno. Bilang palatandaan ay uukit sila ng isang mahabang linya
sa puno ng Acacia sa bawat kabilugan ng buwan na darating. Ang naatasang
magbantay sa punong ‘yon ay si Baku.
Lumipas ang mga gabi. Dumating ang
ikalawang kabilugan ng buwan at umukit sila ng ikalawang mahabang guhit sa puno
ng Acacia. Nang makaalis na ang mga umukit ng linya ay palihim na bumalik si
Pogpog sa puno ng Acacia at kinausap si Baku. Inalok niya ito ng napakaraming
pagkain kapalit ng pagdadagdag ng isa pang linya sa puno. Natukso si Baku at
pumayag.
Sa pagdating ng ikatlong kabilugan
ng buwan ay kampante pa si Uga. Alam niyang matagal pa bago maganap ang pagpili
ng magiging pinuno ng mga taong-bato. Hangga’t hindi pa dumarating ang ika-apat
na kabilugan ng buwan ay mananatiling siya ang kanilang pinuno. Ngunit laking
gulat niya na lamang nang makitang may tatlong mahabang guhit na ang puno ng
Acacia. Ang ibig sabihin ay ngayon na ang ika-apat na kabilugan ng buwan.
Naniniwala siyang nandaya si Pogpog subalit wala siyang katibayan.
Ipinatawag ang lahat ng mga
taong-bato upang mamili ng nais nilang maging pinuno sa pagitan nila Pogpog at
Uga. Bawat isa ay binigyan ng isang maliit na bato na kanilang gagamitin sa
pagpili. Sila’y nagtalaga ng isang maliit na lupain at hinati ito sa dalawang
bahagi. Ang lahat ng nagnanais na maging pinuno si Pogpog ay ilalagay ang hawak
nilang bato sa kaliwang bahagi ng lupain samantalang ang mga panig naman kay
Uga ay sa kanan. Isa-isa nilang inilapag ang hawak nilang bato. Tila
magkasingdami ang bilang ng panig kay Pogpog at Uga.
Sa kalagitnaan ng nagaganap na
botohan ay napansin ng iba na dalawang bato ang hawak ng ilan. Ito’y malinaw na
pandaraya sapagkat isang bato lamang ang inilaan sa bawat isa.
“Aking idolo tapat,” sabi ng
kapit-kweba ni Pogpog. “Uga madaya!”
“Uga sobrang bait. Hindi marunong
daya,” sabi naman ng tagahanga ni Uga. “Sila galing Pogpog!”
Nagkaroon ng matinding pagtatalo ang
mga tagahanga ni Pogpog at mga tagahanga ni Uga. Samantalang kapwa si Pogpog at
Uga ay patawa-tawa lamang sa isang tabi.
“Nanay, bakit ‘di nila pigil tao?”
tanong ni Litlit.
“Sila isip lang sarili. Sila walang
pake sa atin.”
Tumakbo ang ilang tagahanga ni
Pogpog at inilipat ang mga bato na nasa kanang bahagi ng lupain papunta sa
kaliwa. Ang mga tagahanga naman ni Uga ay inilipat ang mga bato mula sa kaliwa
papuntang kanan. Doon na tuluyang nagkagulo ang mga taong-bato. Agad na binuhat
si Litlit ng kanyang mga magulang at inuwi sa kanilang kweba.
Walang nahuling hayop ang kanyang
ama sa pangangaso sa gubat. Sa kasamaang-palad ay isang pirasong isda na lamang
ang mayroon sa kanilang kweba. Tinuhog ito gamit ang isang patpat at pinaikot
sa apoy ng kanyang ina. Ito ang ipinakain nila kay Litlit.
“Ano inyong kain?” tanong ni Litlit.
“Kami busog pa.”
“Tatay, ano po idolo? Lagi ko ito
rinig.”
“Siya ang nais mong gaya,” sagot ng
kanyang ama. “Dito ika’y hanga.”
“Litlit sino idolo?” tanong ng
kanyang ina. “Pogpog ba? Galing kanta.”
“Hindi po.”
“Uga ba kasi talino?” tanong naman
ng kanyang ama.
“Hindi po.”
“Sino idolo Litlit?”
Sandaling nag-isip si Litlit at
ngumiti. Alam niya na kung sino ang kanyang idolo.
“Kayo idolo Litlit. Kahit ‘di sikat,
kayo naman bait. Litlit gusto maging katulad niyo.”
Mahigpit na niyakap si Litlit ng
kanyang mga magulang.
Ito ay aking lahok para sa kategoryang Kwentong Pambata ng Saranggola Blog Awards 9.
No comments:
Post a Comment