Monday, November 14, 2011

LIWANAG

              Sabi noon ng tatay ko bago sya mamatay na tumingin lang daw ako sa langit kapag nadidiliman ako. May liwanag daw akong makikita kapag ginawa ko 'yon. Pero ngayon, kahit anong tingin ko sa langit ay wala akong makitang liwanag. Oo nga't gabi ngayon ngunit kahit buwan at mga tala ay hindi ko makita. Gusto ko silang makita. Sabi kasi ng iba na kasama na raw ng mga tala ang mga pumanaw na tao. Marami akong mga problema ngayon. Kung kasama na ng mga tala ang tatay ko, sana man lang masilip ko sya ngayon doon sa kalawakan at masilip nya naman ako dito sa lupa. O kahit wala pa sya doon, basta gusto ko lang makakita ng liwanag mula sa langit. Pero sa kapal ng mga ulap at sa simoy ng hangin, malaki ang posibilidad na umulan. Mukhang wala talaga akong makikitang liwanag mula sa langit sa ganitong klase ng panahon. Kung mananatili pa siguro ako ng mas matagal dito, baka abutan pa ako ng ulan. Siguro dapat na akong pumasok sa loob ng bahay. Nagkamali lang siguro ang tatay ko ng sinabi nyang tumingin lang ako sa langit kapag nadidiman ako dahil minsan, kung minsan, pinagdadamot talaga ng langit ang liwanag sa pinakamadilim na parte ng buhay mo. Pero bago pa man tuluyang matapos ang aking pagtingala ay biglang kumidlat. Isang matinding kidlat na nagpaliwanag sa buong paligid na animo'y umaga. Kasunod nito ang tunog ng napakalakas na kulog na tila sumisigaw ng "Hindi pa ba sapat ang liwanag na yan?"....

No comments:

Post a Comment

Books & Literature - Top Blogs Philippines