Wednesday, November 16, 2011

ANGHEL

          "Totoong may anghel"

          Yan ang madalas na sinasabi sakin ng girlfriend kong si Ingrid bago sya namatay. Kapag tinatanong nya ako kung naniniwala ba ako sa sinasabi nya, umuoo lang ako. Pero sa totoo lang, hindi ko alam kung meron ba talaga o wala. Ayoko lang sumama ang loob nya lalo na't alam kong may taning na ang buhay nya dahil sa cancer. Sabi ni Ingrid na ang mga anghel daw ang ipinapada upang magligtas sa atin sa panahon ng kapahamakan. Kung totoo man sila, bakit nila hindi iniligtas si Ingrid? Bakit nila hinayaang mamatay ang babaeng minamahal ko? Pero siguro wala silang kasalanan. Dapat mangyari kung ano ang itinakda.

          Nang mamatay si Ingrid, nawalan ako ng gana sa buhay. Marami akong naging tanong. Bakit sya pa? Bakit hindi na lang yung masasamang mga tao? Bakit kinuha sakin yung kaligayahan ko? Talagang nabadtrip ako. Sobrang mahal ko si Ingrid. Mahal ko sya kapantay ng pagmamahal ko sa nanay ko. Mataas ang respeto ko sa kanya. Sinabi ko sa sarili ko na hindi ako makikipagtalik sa kanya hanggang hindi kami nagpapakasal. Sobrang hirap ng ganon pero kinaya ko. Kinaya ko dahil nirerespeto ko sya. Ganon ang gusto nya kaya handa akong maghintay. Kaso lang wala pala akong dapat hintayin kasi namatay sya agad.

          Para makaganti sa tadhana, naisip kong maghahanap ako ng malanding babae tapos pagsasawaan ko. Lahat ng pagpipigil na ginawa ko noon, sa kanya ko ibubuhos.  Ayokong kumuha lang ng bayarang babae. Ayokong pumutol sa ganon dahil baka makakuha ako ng sakit. Mas trip ko yung syosyotain na babae para ako lang ang gagalaw sa kanya. Atleast sa paniniwala ko na ako nga lang dahil sakin sya.

          Hindi naman naging mahirap ang paghahanap dahil ang ideya ay nagmanipesto sa katauhan ng bago naming kapitbahay. Isang tingin ko palang sa kanya, nakasulat na sa buo nyang katawan ang mga katagang "PWEDE MO AKONG ISKORAN". May kahalayan sya manamit at mukhang nanlalambot. Magandang kombinasyon ng katangian para sa babaeng gusto mong gawan ng masama. Lala ang pangalan nya. Tama naman ang hinala ko sa kanya dahil hindi nya ako pinahirapan. Ilang pangbobola lang at naging girlfriend ko agad sya.

          Maraming mga pagkakataon na nagpapaiwan ako sa bahay pagaalis ang pamilya namin para masolo ko ang lugar. Syempre kapag mag-isa lang ako, pwede kong papuntahin si Lala doon at gumawa ng kung anong kolokohan. Malandi si Lala. Siya mismo ang nagpapakita sakin ng motibo. Yung mga hawak nya sa binti ko. Yung mahahalay nyang mga yakap. Gusto nya talagang merong mangyari samin. Gusto ko rin naman pero sa bawat pagkakataong gagawin ko na ang plano ko, parang halimaw na kinakain ng alaala ni Ingrid ang isipan ko. Naririnig ko yung boses nya na nagsasabi ng "Huwag". Nagi-guilty ako. Palaging hindi ko nagagawa yung kakaguhan na plano kong gawin nang pinasok ko ang relasyon namin ni Lala.

         Isang araw, nasabi sakin nung isa sa mga tropa ko, na nasabi rin sa kanya ng isa sa mga tropa namin, na nasabi lang rin doon ng isa sa mga tropa namin, na yung tropa naming si John ay naka-score kay Lala. Parang hindi na ako masyadong nagulat dahil halata naman sa ugali ni Lala na may kakayahan syang gawin ang ganong bagay. Pero yung ginawa sakin ni John, nakakalalaki 'yon. Binangasan ko agad yung mukha nya nang magkita kami. Hindi naman siya pumalag dahil malamang alam nya na kung bakit ko sya binanatan. Nakipaghiwalay na ako kay Lala ng hindi man lang nakakaisa at kinalimutan ko naman yung pagkakaibigan namin ni John.

         Makalipas ang dalawang linggo, umalis na sila Lala sa lugar namin. Ewan ko bakit pero sabi-sabi ng iba na hindi na raw trip ng mga kasamahan nya yung lugar namin kaya hahanap sila ng medyo mas matinong lugar. Pero kung ano man yung dahilan ng pag-alis nila, wala na akong pakialam. Mabuti na nga 'yon ng mabawasan na yung nagpapainit sa ulo ko sa lugar namin. At salamat na rin kasi wala nang matitira si John dahil umalis na yung inagaw nya sakin.

         Makalipas ang tatlong linggo, hindi ko inaasahang lalapitan ako ni John para makipag-usap. Malungkot yung itsura ng mukha nya. Hindi ko naman sya tinabla dahil baka hihingi sya ng tawad. Alam kong may lamat na yung pagkakaibigan namin pero baka maayos ng konti kung magpapakumbaba sya. At tulad naman ng inaasahan ko, humingi nga sya ng tawad. Pero ko hindi inaasahan yung mga sumunod nyang sinabi. Nagdonate daw sya ng dugo mga ilang araw na ang nakalipas. Madalas nya namang ginagawa 'yon. Pero kakaiba ngayon, sa unang pagkakataon ay tinawagan sya ng blood bank para sabihin na may problema... HIV positive ang dugo nya. Pina-clear nya pa raw sa mga taga-laborotoryo doon kung sa kanya talagang dugo yung nagpositive dahil matagal na syang nagdo-donate pero ngayon lang nangyari ito. Nakumpirma namang positive nga sya. Hinala nyang nakuha nya ito sa pakikipagtalik kay Lala. Ito lang kasi ang babaeng nakatalik nya sa nakalipas ng buwan. Kinausap nya pala ako para sabihin sakin na dapat akong magpablood test para malaman ko kung HIV positive na rin ako. Naisip ni John na dahil girlfriend ko noon si Lala, malamang ay nahawa na rin ako nito kung ito man yung nakahawa sa kanya. Sa isip ko, bigla akong napadasal at nagpasalamat sa Diyos. Hindi ako relihiyoso pero alam ko Sya ang nagligtas sakin. Hindi ako sigurado sa mga anghel pero alam kong may Diyos.

            Matagal ko na sana pinatulan si Lala kung hindi lang dahil sa mga alaala ni Ingrid. Dahil na rin pakiramdam ko ay nailigtas ako sa kapahamakan ay mas naging relihiyoso ako. Nalaman ko na rin ang tungkol sa mga anghel. Tama pala si Ingrid, totoo sila. Pero nagpapasalamat ako na kahit sa panahong hindi pa man ako naniniwala sa kanila ay nagsilbing anghel ang alaala ni Ingrid sa buhay ko. Hanggang ngayon sa puso ko, itinuturing ko pa rin syang isang anghel.

No comments:

Post a Comment

Books & Literature - Top Blogs Philippines